From the Website of PRWC
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2012/08/basagin-ang-ilusyon-ng-mabuting.html
Basagin ang ilusyon ng "mabuting pamamahala"
Partido Komunista ng PilipinasAgosto 30, 2012
[Pilipino, Waray and Hiligaynon versions]
Magdadalawang linggo na ngayon na nagpapakulo ng propaganda sa midya ang rehimeng Aquino, ang dilawang hukbo ng mga eksperto sa opinyong publiko at mga grupong repormista kaugnay sa pagkamatay ni Jesse Robredo. Si Robredo, dating matagal na nagsilbing alkalde ng Naga City at interior and local government secretary ni Aquino ay namatay noong Agosto 18 sa pagbagsak ng eroplano sa hilagang baybayin ng isla ng Masbate.
Hindi iilan ang namighati sa pagkawala ni Robredo. Naiiba siyang pulitiko na may estilong kaiba sa karamihan ng maruruming pulitikong pulpol. Ang simple niyang pamumuhay nang pagbiyahe sa bus, pagsisinelas, pagdi-jogging sa plasa at simpleng pananamit ay nagtangi sa kanya sa mga pulitiko at upisyal ng gubyerno na todong gwardyado, lango sa kapangyarihan at mahihilig sa magagarbong pananamit. Si Robredo ay bugso ng sariwang hangin para sa maraming sawang-sawa't nauuyam na sa kabulukan ng pulitika at burukrasya sa Pilipinas.
Ang kanyang potensyal bilang simbolo ng "transparency" ay nakita ng World Bank at ng mga alalay nitong kumakanta ng "mabuting pamamahala". Pinapurihan siyang uliran ng “ethical and empowering leadership” (pamumunong may asal at nagbibigay-lakas sa pinamumunuan") sa nagpapatuloy na kampanyang pang-ideolohiya upang muling buhayin ang ilusyon ng demokrasya at ikubli ang katunaya'y diktadura ng elitistang naghaharing uri sa gubyerno at sistemang pampulitika.
Nakita ng matataas na upisyal ng gubyerno ang silbi niya sa pamahalaan, kahit bilang palamuti lamang, upang ilayo ang pansin sa lahat ng kabulukan ng reaksyunaryong burukrasya at bawasan kahit bahagya ang malaon nang pagkamukhi ng sambayanan sa naghaharing pampulitikang sistema. Itinuturing siya ng mga lokal at malalaking dayuhang negosyo at ng World Bank bilang di matatawarang aset para sa kilusan sa "mabuting pamamahla" na layon nilang buuin.
Isa nang alamat si Robredo, dahil sa mga papuri at parangal na iginawad sa kanya ng reaksyunaryong estado, ng dilawang grupo ng mga milyonaryong panginoong maylupa, ng World Bank, ng pinakamayayamang kumprador, ng iba't ibang kulay na socdem na kaalyado ni Aquino at ng mga alipures niyang bulok na pulitiko, luma man o bago. Ang kanyang pagkamatay ay naging okasyon sa mga elitista na reaksyunaryong pulitiko at kanilang mga utusan na ibwelo ang propaganda at lansihin ang panggitnang uri sa mga pariralang tulad ng "transparency", "matinong pamumuno", "matuwid na daan" at "mabuting pamamahala" at bitagin sila sa nakapaparalisang mga repormistang ilusyon.
Gayunpaman, sa kabila ng pagtatambol ni Aquino, ng mga Atenista at Lasalista, ng Akbayan, ng Black & White at ng mga bata sa kilusang Kaya Natin, ang ilusyon ng "mabuting pamamahala" sa ilalim ng kasalukuyang reaksyunaryong sistema ay walang saysay sa mga ordinaryong Juan at Juana. Hindi ito personal na atake kay Robredo, sa kanyang pagiging simple, palakaibigan at paging patas, na marami ang nagpapatotoo. Subalit kung susukatin sa mga saligang pamantayan ng sambayanan, lagpak na lagpak ang sinasatsat ni Aquino na "mabuting pamamahala".
Inilalarawan ang "mabuting pamamahala" na isang pagsisikap na buuin ang isang gubyernong "mas tumutugon" sa mga pangangailangan ng sambayanan. Itinutulak ng mga tagapagtaguyod ng World Bank ang "transparency" sa mga paggastos ng gubyerno, sa "online bidding systems" (sistema ng pagsubasta sa internet) at "freedom of information" bilang solusyon sa korapsyon. Isinusulong nila ang isang makitid na pananaw sa korapsyon na sa katotohana'y nananalaytay sa burukratikong sitema at bahagi na ng pamamalakad ng naghaharing elitistang pyudal kapwa sa lokal at pambansang pulitika. Ang mas malaki pang korapsyon ay kung paano sinasamantala ng elitistang naghaharing uri ang buong saklaw ng kapangyarihang pang-estado upang gumawa ng mga batas at patakarang nagsisilbi sa kanilang makauring interes at apihin at pagsamantalahan ang mayorya ng sambayanan.
Hindi maitatatwa ang pagka-ipokrito ng World Bank sa pagsasalita tungkol sa "mabuting pamamahala" samantalang kung pag-aaralan nang husto ang kasaysayan ng burukratikong korapsyon sa Pilipinas, makikita ang malaking bahagi ng WB at ng IMF sa pagganyak ng korapsyon sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pautang para sa mga walang kwentang proyekto na ginagarantiyahan ng estado at lagpas sa presyong mga kalsada at tulay. Nagsasatsat lamang ngayon ang World Bank hinggil sa "mabuting pamamahala" dahil ang sistemang isinalaksak nito sa Pilipinas at iba pang bansang lubog sa utang ay naging magastos at di epektibo para sa operasyon ng malalaking dayuhang negosyo.
Tatlong taon nang binobomba ni Benigno Aquino III ang mamamayan ng pagkarami-raming propaganda para sa "mabuting pamamahala. Para nang sirang-plaka ang kanyang "matuwid na daan" at "walang wangwang". Subalit pilit man niyang gamitin ito para itago ang kanyang asenderong gawi at ang luma niyang pulitika, patuloy siyang nabibigong makuha ang malawak na suporta ng sambayanan.
Para sa malawak na masa ng sambayanan, ang "mabuting pamamahala" ni Aquino ay malalaking letra lamang sa mga balatenggang tarpulin ng gubyerno. Matapos ang tatlong taon nang "pagtahak sa matuwid na daan", bigo si Aquino na harapin ang mga suliraning pinapasan ng karaniwang mamamayan sa araw-araw: kawalang-hanapbuhay, mababang sahod, pagtaas ng presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente, tubig at gamot, dengue, leptospirosis at iba pang sakit at mga epidemya, kakulangan ng pasilidad para sa pampublikong kalusugan, kakulangan ng sanitasyong pampubliko, pagkawasak ng kapaligiran at ng mga kaugnay nitong kalamidad.
Sa usapin ng patakarang pang-ekonomya, ang "matuwid na daan" ni Aquino ay walang saligang pagkakaiba sa mga sinundan nitong rehimen mula 1946. Walang reporma sa lupa, walang signipikanteng pagtaas sa sahod, walang programa para sa pambansang industriyalisasyon o pagtatayo ng nakapagsasarili at modernong ekonomya. Ang sentrong patakaran ni Aquino ay ang pag-akit sa mga dayuhang mamumuhunan at tagapagpautang. Lahat ay sumusunod rito. Bigyan sila lupain. Bigyan sila ng mga konsesyon sa pagmimina. Bigyan sila ng murang lakas-paggawa. Bigyan sila ng imprastruktura. Bigyan sila ng "cha-cha". Garantiyahan ang kanilang pangungutang. Garantiyahan ang kanilang tubo. Ang "mabuting pamamahala" ni Aquino ay "mabuting pamahalaan" para sa malalaking dayuhang kapitalista, sa kanilang lokal na partner at malalaking panginoong maylupa.
Sa larangan ng pulitika, tinatabingan lamang ng "mabuting pamamahala" ang pangingibabaw ng pulitikang asendero, sistemang padrino, pambabraso, maruruming maniobra at di-prinsipyadong pakikipag-alyansa. Sa likod ng higanteng mga tarpulin, hindi naiwasan kahit ni Robredo ang tagisan ng mga hari sa pulitika, sistemang padrino at akomodasyon. Pansamantala lamang ang pagkakatalaga niya sa DILG. Hindi siya binigyan ng kontrol sa PNP, kung saan tigmak ang korapsyon sa mga pagbili ng armas at kagamitan. Sinasabing sa pangalan lamang na kalihim si Robredo. Ang kanyang pagkakatalaga ay hindi kailanman nakumpirma dahil sa maruruming maniobra sa pulitika ng ibang takam na takam sa kanyang pusisyon.
Upang palakasin ang propaganda para sa "mabuting pamamahala" ng naghaharing rehimen at panatilihin si Robredo bilang upisyal nitong simbolo, sukdulang iniangat siya ni Aquino sa antas ng isang pambansang bayani, na kumpleto sa rangya ng libing na pang-estado.
Gayunpaman, balewala ang pakanang ito sa masang anakpawis, na sawang-sawa na sa walang katapusan ngunit hungkag na mga pangako ng "reporma". Sa pag-uulit-ulit ni Aquino ng "mabuting pamamahala" habang binabawasan ang paggugol para sa serbisyong panlipunan, hinahadlangan ang pagtataas ng sahod at nagpapakainutil sa harap ng pumapaimbulog na presyo, lalong nawawalan ng kahulugan ang islogang ito para sa mamamayan na nagdurusa sa ganitong mga patakaran.
Kailangang basagin ng sambayanang Pilipino ang ilusyon ng "mabuting pamamahala", ilantad at itakwil ito bilang opensibang pang-ideolohiya na tulak ng World Bank upang ilayo sila sa landas ng paglaban sa mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.
Nagdurusa sa araw-araw ang mga manggagawa, magsasaka, ang mga walang hanapbuhay at maralitang mamayan, estudyante, guro, karaniwang kawani at maliliit na negosyante dahil sa pangangayupapa ni Aquino sa IMF-WB at mga kahilingan ng US at ng malalaking dayuhang kapitalista at sa mga katuwang nitong lokal na malalaking komprador, burukrata kapitalista at malalaking panginoong maylupa. Lubos na matuwid para sa mga inaaping uri na pagliyabin ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka upang wakasan ang bulok, mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan.
PRWC Website
http://theprwcblogs.blogspot.com/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/2012/08/basagin-ang-ilusyon-ng-mabuting.html
http://theprwcblogs.blogspot.com/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/2012/08/basagin-ang-ilusyon-ng-mabuting.html
PROTECTION AND PROMOTIONS OF HUMAN RIGHTS
---------------------------------------------------------------------------
----------------------------------------------
-----------------------------------
----------------------------------------------
-----------------------------------