From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF - PROF. JOMA
links: http://josemariasison.org/apecs-neoliberal-offensive-and-its-effect-on-philippine-education-2/
ANG NEOLIBERAL NA OPENSIBA NG APEC AT EPEKTO NITO SA EDUKASYONG PILIPINO
Ni Propesor Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Mga kapanalig at kababayan, Pilipinas ang nagpupunong abala ngayong
taon sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC), hila ang may mga
sandaang pulong na ugnay sa APEC –marami sa mga lunsod ng Pilipinas
tulad ng Manila, Cebu, Iloilo, Tagaytay at Clark Freeport – at rururok
sa taunang Economic Leaders’ Meeting ng APEC na idaraos sa Manila sa
Nobyembre.
Nagsisimula nang daklutin ang pansin ng midya sa pagtatambol sa APEC
sa panahong inuuga ang sambayanang Pilipino sa dagok ng malubhang
krisis at panibagong mga opensiba ng global na kapitalismo sa rehimen ng
patakarang neoliberal. Sa partikular, nadarama ng kabataang Pilipino
ang tindi ng krisis na umaapekto sa pambansang ekonomya at sistema ng
edukasyon.
I. APEC bilang instrumento ng opensibang neoliberal laban sa mamamayan ng daigdig
Ipinangangalandakan ng APEC na itinataguyod nito ang kooperasyong
ekonomiko sa hanay ng mga bayan ng malawak na rehiyong Asya-Pasipika.
Tahanan nga ang 21 myembrong-estado nito ng tatlong bilyong mamamayan na
bumubuo ng 60 porsyento ng daigdigang ekonomya, at sa gayon sa luklukan
ng napakalaking kolektibong potensyal para sa kaunlarang
sosyo-ekonomiko at entre-estadong kooperasyon.
Gayunman, ipinapakita ng rekord ng APEC mula sa pagkatatag nito noong
1989 na pangunahing isinusulong ng oryentasyong malaking negosyo,
adyendang neoliberal, at mga mayor na direksyong pampatakaran ay ang
pagpapasulong pangunahin sa dominanteng mga interes ng mauunlad na bayan
sa pangunguna ng United States at Hapon. Kasang-ayon sa pasimunong-US
na Bretton Woods Agreement at Washington Consensus, agresibong itinulak
ng APEC sa higit sa kalahati ng mundo ang mga susing sangkap ng
globalisasyong neoliberal–liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan,
deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.
Sa katunayan, idinaos ng US ang 1st Economic Leaders’ Meeting (ELM)
ng APEC noong 1993 para itulak paigpaw ang nabalahong WTO Uruguay Round
at tangkaing pirapirasuhin ang pagtutol ng mga bayang dimaunlad. Agad
itong sinundan ng tinawag na Bogor Goals na pinagtibay ng 2nd ELM noong
1994 na malinaw na nakatuon sa pagtatatag ng liberalisasyon sa kalakalan
at pamumuhunan sa rehiyon – para sa bayang mauunlad pag-abot sa 2010 at
sa bayang ‘di mauunlad sa 2020.
Mula noon, nagsilbi na ang APEC bilang plataporma upang ikoordina ang
mga interes ng mga bayang maunlad, buuin ang consensus (kapag hindi
lubusang malutas ang mga alitan) sa hanay nila laluna sa malayang
kalakalan, pamumuhunan at pinansya, at akitin pang lalo ang mga bayang
‘di maunlad sa bitag ng neoliberalismo. Bilang isang orihinal na
kasapi, parating ginagamit ng US, ang kanyang impluwensya para apihin at
itulak ang ibang mga -bayang kasapi tungo sa pangangayupapa at sa
gayo’y mapanatili ang pangkalahatang dominansya.
Paimbabaw na nagbubuo raw ang APEC ng consensus na kunwa’y boluntaryo
at walang obligasyon sa hanay ng mga kinatawan ng mga gobyerno sa
pamamagitan ng mga taunang pulong. Gayunman lingid na kumikilos ang
APEC Business Advisory Council at CEO Summit bilang daluyan ng
makapangyarihang lobby ng mga korporasyon.
Katuwang sila ng iba’t ibang komite ng APEC gaya ng Committee on
Trade and Investment, na tauhang malalaking burukrata, teknokrata, at
hiráng na mga kawani ng mga korporasyon. Ang gilingang propaganda ng
APEC ay tuluy-tuloy na naglalabas ng pananaliksik sa patakaran at
detalyadong mga alituntunin at rekomendasyon na kumakatawan sa consensus
sa hanay ng naghaharing uri sa pulitika at ekonomya na Asia-Pacific, na
tinatatakan na lamang ng basbas ng taunang ELM.
Ang tema ng APEC ngayong taon, “Pagbubuo ng Mapanaklaw na mga
Ekonomya, Pagbubuo ng Mas Mabuting Daigdig (Building Inclusive
Economies, Building a Better World),” ay umuulit lamang sa mapanlinlang
na mantrang lampas-2008 na Adyenda sa Reporma ng Mapanaklaw na Paglaki
(“Reform Agenda for Inclusive Growth”) ng World Bank, na ginaya din ng
Asian Development Bank. Gayunman, sa likod ng gayong kasuyasuyang-tamis
mga islogan tulad ng “pagdemokratisa ng bunga ng paglago ng ekonomya
(democratizing the fruits of economic growth),” “pagtataguyod ng
paglahok ng SME sa mga pamilihang global,” “ pamumuhunan sa tao
(investing in human capital),” at “pagbubuo ng matitibay na mga
komunidad (building resilient communities),” ang nasa tuktok ng mga
bagay sa agenda ng APEC 2015 sa integrasyon ng ekonomya ng rehiyon (REI o
regional economic integration) ay patuloy pa ring umiikot sa balangkas
na neoliberal.
Kabilang sa priyoridad na ganitong mga bagay ang pagsusulong ng mga
panukala tungo sa Free Trade Area of the Asia-Pacific (FTAAP); ang
Estratehikong Blueprint para itaguyod ang “Global Value Chains”
(Strategic Blueprint for Promoting Global Value Chains) na kumakatawan
sa buod ng integrasyong ekonomiko; ang Kasunduan sa Makabagong
Kaunlaran, Repormang Ekonomiko at Paglago o Accord on Innovative
Development, Economic Reform and Growth na kumakatawan sa malawak na
“repormang istruktural,” at “mga pagbabago”; at ang Connectivity
Blueprint para sa 2015-2025 na naglalayong tiyakin ang walang-patlang
na daloy ng tao, impormasyon, at kalakalan (laluna sa mga serbisyo) sa
buong rehiyon sa kapakinabangan ng monopolyong kapitalismo na
pinangungunahan ng US.
Ipinapanukala ng APEC ang FTAAP, na unang nagkathang-isip noong 2006
at higit na sinaliksik noong 2010, bilang isang komprehensibo at
nagtataling kasunduan sa “susunod na henerasyon” ng mga isyu sa
kalakalan at pamumuhunan na susuporta sa WTO at magsusulong sa layunin
ng REI. Sa tinawag na Beijing Roadmap ng APEC na binalangkas noong
2014, pormal kuno ang magiging negosasyon sa FTAAP sa labas ng APEC
pero susuportahan ng mga proseso ng APEC sa pagbubuo ng consensus.
Sa ngayon , dalawang mayor na landas tungong FTAAP ang ipinapanukala:
ang pinangungunahan ng US na Trans-Pacific Partnership (TPP), na
nangangailangan ng mataas na antas ng integrasyon sa rehiyon at
kinapapalooban ng maraming bayan sa Asya-Pasipiko pero liban sa Tsina;
at ang RCEP o Regional Comprehensive Economic Partnership na nakabase sa
ASEAN at mas maluwag na anyo ng integrasyon at kinabibilangan ng Tsina
pero hindi ng US.
Nagkakarera ang TPP at RCEP para mapili ng APEC bilang pangunahing
padron ng FTAAP. Pero nananatiling posibleng pagtibayin ng APEC ang
pinaghalong FTAAP na bahagi’y TPP at bahagi’y RCEP, at sa gayo’y
magiging balangkas sa kooperasyon at kompetisyong US-Tsina sa dakong
ito ng mundo. May mga pagsisikap para gawing myembro din ng FTAAP ang
lahat ng bayan sa APEC, at mga mungkahing palawakin pa ang kasapian ng
APEC, upang lalong maging masaklaw ang FTAAP.
Sa gayon, mahalagang arena ang APEC kapwa ng patuloy na sabwatan at
ng patinding alitan ng dalawang kapangyarihang imperyalista, ang US at
ang Tsina, sa kapinsalaan ng mas mahihina at mas maliliit na bayan.
Patuloy na tinatamasa ng blokeng pinangungunahan ng US (kabilang ang
Hapon, Canada at Australia) ang pamamayagpag sa buong mundo at
determinado itong kompletuhin ang usapang TPP at ang US pivot
(pagbaling) sa East Asia. Sa kabilang banda, pinalalakas ng Tsina ang
sariling posisyon sa pagsisimento ng mas malapit na ugnayan sa pulitika
at ekonomya ng Russia, India at ibang mga estado sa South at Central
Asia sa loob ng lumalawak na Shanghai Cooperation Organization, at sa
global sa pamamagitan ng bagong lunsad na BRICS Development Bank.
Sa kabila ng sariling panloob na mga suliranin, patuloy na
pinapalawak ng Tsina ang impluwensya nito sa loob at nang lampas sa
rehiyon sa pagtatayo ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB)
kasama ang 49 na ibang bayan sa Asia-Pacific, Europe, Africa at Latin
America. Kapag lubusan na itong naitayo sa huling bahagi ng 2015,
maaaring maging karibal o katambal ng AIIB ang IMF bilang bagong
kasangkapang imperyalista na magagamit ng Tsina na paandarin ang mga
rekurso para sa sariling ambisyong ehemoniko at para idikta ang mga
tuntunin ng entre-rehiyonal na integrasyon at konektibidad, laluna sa
pamamagitan ng engrandeng proyekto nitong Silk Road.
Maging alinmang bersyon, TPP na pinangungunahan ng US o kaya RCEP na
pabor sa Tsina, ang magdomina sa proseso, at bago pa marating ang pinal
na kasunduan sa FTAAP, inilulugar na ng APEC ang mga blokeng pambuo ng
integrasyong ekonomiko sa rehiyon sa magkakasunod na taon. Samantalang
hindi kuno nagtatali ang mga dokumentong ibinubuga nito, ipinatutupad na
ang nilalaman ng mga ito ng mga myembrong-estado at malaking negosyo
ayon sa estilong “sumunod-sa-namumuno ”. Sa esensya, ipinupuslit ang
TPP sa medyo binagong porma. Ang resulta’y isang ganap na kaayusan na
mas lubusang nagliliberalisa sa kalakalan at pamumuhunan, sumisira sa
natitirang bakas ng proteksyong pambansa, at nagbubukas sa mga rekursong
tao, kapital at likas ng dimaunlad na mga bayan at mamamayan sa
Asya-Pasipiko sa pagsasamantala ng US at ibang dominanteng kapitalistang
mga kapangyarihan.
Sakay sa islogang “Namumuhunan sa Pagpapaunlad ng Kapital na Tao
(Investing in Human Capital Development),” itinutulak ng APEC ang mga
sistema ng higit na integradong sistemang edukasyonal at skills-training
na nagdidiin sa agham at teknolohiya, pag-enroll sa iba’t ibang bansa,
sa papel ng ICT o information and communications technology, at
“pinahusay na kooperasyon ng mga tagapagbigay ng edukasyon at mga
tagapag-empleyo.
Sakay sa islogang “Building Sustainable and Resilient Communities,”
ginagamit ng APEC ang umano’y mga adhikaing “pleksibilidad,
sustenebilidad at seguridad sa pagkain” para bigyang-katwiran ang mas
mahigpit na integrasyon at pag-uugnay ng mga ekonomyang Asia-Pacific.
Itinutulak nito ang higit na paghihigpit sa ugnayan ng global na
produksyon at suplay na kontrolado ng TNC, ang konektibidad ng
imprastuktura na itinutulak ng mga korporasyon, at ibang mga pakanang
kooperasyon sa rehiyon. Ginagamit ang seguridad sa pagkain at
pag-angkop sa klima upang bigyang-katwiran ang korporadong kontrol sa
mga rekursong dagat at kostal sa pamamagitan ng tinaguriang mga
inisyatibang “Green Economy” at “Blue Economy”.
Sakay sa islogang “Nagtataguyod ng Paglahok ng SME sa mga Pamilihan
ng Rehiyon at Daigdig,” nilalayon ng APEC na higit na mabitag ang SME sa
REI at FTAAP na mga pakanang imperyalista, gawing sweatshop ang
pinakamatagumpay na mga empresa na pagluluwas ang oryentasyon pero
dependyente sa angkat na bagay na kontrolado ng mga TNC (bilang mga
sangkap ng umano’y global value chain, at isabotahe ang independyenteng
pambansang industriyalisasyon).
II. Ang neoliberal na opensiba sa edukasyon
Kabilang sa adyenda ng APEC sa ekonomya ang neoliberal na pakanang
“repormahin” ang sistema ng edukasyon ng mga myembrong-bansa, nang sa
gayo’y mas mahusay na nakapila ang mga ito sa pagsuplay ng
pangangailangan sa bihasang paggawa, mga propesyunal, syentipiko at mga
pangangailangang ideolohiyal-kultural ng global na sistemang kapitalista
at ng mga panginoon nitong imperyalista.
Ang dekadang “Edukasyon para sa Lahat (Education for All o EFA)” na
inilunsad noong 1990 at inulit sa Dakar Framework of Action sa World
Education Forum noong 2000 ay mabilis na naagaw (hijack) ng World Bank
(WB) at ibang mga ahensya ng UN. Mula noon ipinapatupad na ng mga
bansang maunlad ang repormang neoliberal sa sariling mga paaralan at
itinutulak nila ang pagpapatupad nito sa buong mundo. Masyadong lubog
ang Dakar Framework sa neoliberalismo at superpisyalidad ng UN kaya
pinupuna ito maging ng mga internasyunal na NGO gaya ng Oxfam, Action
Aid, at Education International.
Sa likod ng patsada ng EFA, limitado ang komitment ng UN sa
Millennium Development Goal (MDG) Target 2A na nagsasaad na sa 2015,
“makukumpleto ng lahat ng bata saanman, lalaki man o babae, na ang buong
kurso ng primaryang pag-aaral.” Ang target na ito na ni hindi
tumutugon sa kalidad ng edukasyon at hindi sumasaklaw sa segundaryong
paaralan ay hindi pa natatamo. Mga 58 milyong mga bata sa edad
pamprimaryang paaralan (9%), 63 milyong kabataan naman sa edad
pansegundaryong paaralan (17%) ang mga wala sa paaralan. Maaaring
bumaba na hanggang 2006 mula 1996 ang mga tantos ng hindi nag-aaral,
pero pumatag na ang mga ito mula 2007 pasulong. Sinabi ng naalarmang
UNICEF na, sa kasalukuyang mga tantos, kailangan pa ang 200 taon para
matamo ang MDG Target 2A.
Sa halip na tiyakin ang unibersal na batayang edukasyon, nakatuon ang
neoliberal na reporma sa paaralan sa korporatisasyon ng mas mataas na
edukasyon, at sa pagbabaling ng mga paaralang primarya at segundaryo sa
pagsusuplay ng bihasang paggawa sa pangangailangan ng kapitalismong
global. Sinasabi nito na unibersal na karapatan ang edukasyon pero hindi
ito nakatuon sa edukasyon bilang serbisyong panlipunan kundi bilang
kalakal. Matagal nang isang mekanismong pang-angkop para sa mahihirap
na bansa ang komersyalisadong edukasyon, gayunma’y malayong mas
pinasahol ng neoliberal na mga repormang pampaaralan ang
komersyalisasyon ng edukasyon.
Nirebisa na ang mga kurikulum, ang mga paraan ng at materyales sa
pagtuturo, at ang mga sistema sa paggrado at pagsubok para lalong
bumagay sa mga pangangailangan ng malaking negosyo at ng global na mga
kawing sa produksyon. Pinagpapaligsahan ang mga estudyante para sa
matataas na grado at marka sa mga pagsusulit, nang sa gayo’y maibenta
nila ang sarili sa mas mataas na presyo sa pamilihan ng bihasang
paggawa. Pinagpapaligsahan din ang mga paaralan at guro, sa global na
mga pamantayang akademiko at ranggo ang nasa isip, para maibenta ang
sarili at ang mga serbisyo nila sa mas matataas na presyo.
Madalas ipresenta ang globalisasyong akademiko sa nagningning na mga
pananalita. Higit daw ang mga oportunidad para sa lokal na mga
pamantasan na makikompitensya sa pagraranggong global, tumanggap ng mas
maraming estudyanteng internasyunal, magpadala ng mga pinakamagaling na
gradweyt sa North America, Europa, Hapon, at ibang lugar, at
maki-partner sa mga unibersidad at TNC na sikat sa buong mundo.
Gayunma’y ilan lamang sa kanila ang nagtatagumpay. Nananatiling mga
diploma mill ang bulto ng mga paaralang maramihang nagluluwal ng
bihasang pwersa ng paggawa at ordinaryong propesyunal.
Tumungo ang neoliberal na mga reporma sa paaralan sa bawas na gugulin
ng gobyerno sa edukasyong publiko at sa dagdag na pribatisasyon.
Tumitindi ang operasyon ng mga pamantasang estado, mga kolehiyo at ibang
mga paaralang publiko, at maging ng mga pribadong paaralang umano’y
“non-profit,” bilang napagkakakitaang mga negosyo, na kadalasa’y sa
pakikipagtuwang sa malaking negosyo. Nauuwi ito sa pilipit na mga
prayoridad na akademiko, mas matataas na tuition, paglabag sa mga
karapatang guro, at pasahol na kawalan ng panlipunang katarungan.
Para dagdagan ang sariling kakayahan sa kompetisyon at ganansya,
nagtutuon ang mga kolehiyo at unibersidad sa mga programang mas
maganansya at tinatapyas iyong itinuturing na marhinal o kaya’y hindi
kritikal (tulad ng sa humanities). Ikinukomersyo ang mga lupain nila,
gusali, resulta ng mga pananaliksik at ibang mga rekursong kaalaman.
Isinisiksik ang mas maraming kurso sa isang taon at bumabaling sa
trimester para mas mabilis ang pagpapagradweyt. Sinasagad nila ang mga
mag-aaral at guro sa pagtataas ng tuition at padadagdag ng pasaning
trabaho, sa pamamagitan ng mas istriktong mga rekisito sa mga
ipinagkakaloob (grant) at ipinauutang (loan), at sa paglimita ng sahod
at benepisyo ng mga guro at ng mga hindi-nagtuturong kawani.
Sa huli, ipinataw mula sa itaas ang lahat ng nabanggit na hakbangin
sa pamamagitan ng mga prosesong burukratiko na lingid na isinasagawa ng
mga pulitiko at ng WB o ng mga consultant na pinupondohan ng mga
korporasyon. Samantala, pinapaliit ang papel ng nagtuturo at
di-nagtuturong empleyado, mga magulang at mag-aaral sa
konseptwalisasyon, pagpaplano, at pagpapatupad. Binabanatan ang mga
protestang kampus laban sa gayong mga reporma sa pamamagitan ng
propagandang anti-Kaliwa kung hindi man ng tuwirang pasistang panunupil.
Sa Pilipinas, malinaw na halimbawa ang tinatawag na programang
Kindergarten hanggang Grade 12 (K-12 program)—sentrong palamuti sa
inisyatiba ng rehimeng Aquino—ng isang neoliberal na reporma sa paaralan
na pumalpak.
Sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (R.A. 10533),
papalitan ang lumang 10-gradong saligang sistema ng edukasyon (anim sa
elementarya at apat sa mataas na paaralan) ng sistemang 12-grado (may
dagdag na dalawang taon sa abanteng mataas na paaralan) bukod sa
rekisitong kindergarten. Sa likod ng pang-akit na terminong “humahabol
(catching up)” sa mga pamantayang global, layunin ng programang K-12 ni
Aquino na mapahanay ang sistemang edukasyon ng Pilipinas sa
kapitalistang sistemang global at mas mahusay na makipagkompetisyon sa
ibang dimauunlad na bansa sa pagluluwal ng malaking reserbang suplay ng
bihasang paggawa para sa pamilihan ng mundo (world market) at particular
para sa rehiyong Asya-Pasipiko nang sa gayo’y mapanatiling mababa ang
sweldo at sahod.
Sumasakay ang programa sa sumusunod na mga argumentong magkakaugnay:
Una, kailangang “paluwagin (decong est)” ang kasalukuyang sistema dahil
“mabigat na matutuhan (hard-pressed to learn)” ng mga mag-aaral sa 10
taon ang natututuhan ng mga estudyante sa ibang mga bansa sa 12 taon.
Ikalawa, hindi sapat na naihahanda ng matataas na paaralan ngayon ang
mga mag-aaral para sa kolehiyo. Ikatlo, masyadong maagang magtapos ang
mga mag-aaral ngayon sa edad na 16 sa mataas na paaralan, kaya
mabibigyan sila ng dagdag na dalawang taon ng higit na oportunidad para
magkatrabaho dahil “nasa legal na edad na sila at may sapat na
kabihasaan.” At ikapat, bahagi ang K-12 ng mga pamantayang global, na
kailangan para mag-aplay sa trabaho o pag-aaral na postgraduate sa
ibayong dagat. Inaamin ng ikalimang argumento na nakahanay ang sistema
ng edukasyon ng Pilipinas sa pinakamatagal sa Southeast Asia at
istorikong isa sa pinakamahusay sa buong mundo, pero nahuhuli na sa mga
hinihingi ng “mga ekonomyang batay-kaalaman (knowledge-based economies)”
ng ika-21 siglo.
Bagsak ang mga argumentong ito kasi kalakhang batay sa maling mga
saligan at huwad na mga pangako ng globalisasyong neoliberal, at sa
simplistikong ideya na dapat sumali na ang mga Pilipino sa global na
K-12 dahil lahat ng iba’y nakasakay na rito. Binabalewala ang ibang mga
pag-aaral na nagpapakitang walang malinaw na ugnayan sa pagitan ng
kantidad ng oras at kalidad ng proseso para matuto. Binabalewala ang
katunayang maraming bansa ang deka-dekada nang naka-K-12 pero
nananatiling napakaatrasado at mas masahol pa sa Pilipinas kaugnay ng
mga sukatan sa edukasyon. Ni hindi maipaliwanag kung bakit, sa kabila
ng hindi pagdaan sa K-12, kabilang ang mga Pilipino sa pinakamaraming
may mas mahusay na edukasyon at handang tumanggap ng mas mababang bayad
at pinakananais na overseas workers.
Sa totoo, isa ang K-12 ni Aquino sa maraming reporma sa edukasyon na
inuobliga ng ASEAN Integration, ayon sa recomendasyon ng SEAMEO INNOTECH
(na nagpapasimuno at nagpapalaganap ng mga programa sa edukasyon na
bago at may oryentasyon sa teknolohiya) at ng ASEAN Mutual Recognition
Arrangement (MRA) Projects, para hikayatin ang pangingibang bansa ng mga
manggagawa pero kasabay na nagtatakda ng mga pamantayan sa edukasyon at
propesyon para sa tawid-hangganan (cross-border) na pagtatrabaho sa
loob ng rehiyong Southeast Asia.
Napakaespisipikong itinutulak ang K-12 ni Aquino ng Washington Accord
and Europe’s Bologna Process sa pangunguna ng US, sa layuning kilalanin
o bigyan ng akreditasyon tanging ang mga propesyunal (o inhinyero sa
kaso ng Washington Accord) na dumaan na sa 12 taong batayang edukasyon.
Mas pangkalahatang itinutulak ito ng EFA ng WB at ng Millennium
Development Goals (MDG) ng UN.
Sa sistemang K-12, nakatuon sa mataas na paaralan (lalo na sa huling
dalawang taon) ang mga kabihasaang espesyalisado at teknikal na hanap ng
global na pamilihang paggawa. Halimbawa sa umano’y Technology and
Livelihood Education (TLE) para sa Grades 7-10, at Tracks/Specialization
para sa Grades 11-12, kasama sa modyul ang pag-aaral ng gawaing bahay,
pagtutubero, welding, pananahi, caregiving, pagkarpentero, pag-aalaga ng
kagandahan at kuko, paggawa ng tinapay, atbp.
Sa halip na dumaan sa komprehensibong batayang edukasyon para ihanda
ang sarili na maging produktibong myembro ng lipunang Pilipino,
inaasahan ngayon ang mayorya ng kabataang Pilipino na maghandang maging
kasambahay, caregiver, tagalinis, waiter, orderly sa hotel, hairstylist,
tubero, welder, karpentero at panadero sa buong mundo.
Sa kabilang banda, inaalisan ng diin ng K-12 at ibang neoliberal na
mga reporma sa paaralan ang patriyotikong edukasyon, kamulatan at
kultura. Sa mga pamantasan, tinapyas na ang mga kurso o paksa na ukol
sa kasaysayan ng Pilipinas, lenggwahe at panitikang Pilipino, pamahalaan
at konstitusyong Pilipino. Sa mataas na paaralan, babawasan na rin ang
oras na nakatuon sa Araling Panlipunan, at babaguhin ang istruktura ng
kurikulum para humalaw ng mga tema mula sa US National Council for
Social Studies.
Ang balintuna’y palulubhain ng K-12 gamot ni Aquino ang karamdaman
dahil sa maling oyentasyon, mahinang plano at kakulangan sa pondo, mga
palatandaan na magiging burara ang implementasyon, at magkakaroon ng
maraming negatibong epekto na pwede sanang maiwasan.
Una, maraming taon nang nananatiling nasa antas na malayong mababa sa
pamantayang takda ng UNESCO (anim na porsyento, 6%, man lamang ng GDP)
at ng WB (20% ng pambansang badyet) ang mga alokasyong badyet ng
gobyernong Pilipino para sa edukasyong publiko. Kahit walang K-12,
hinaharap na ng mga paaralang publiko ang napakalubhang kawalan ng mga
pasilidad, libro, at mga guro. Tinatayang aabot ang mga rekisito ng
K-12 sa badyet para sa 2014-2019 sa USD 4,410 milyon, at kahit ngayon
tanaw na ng gobyerno ang depisit at may negosasyon ito sa mga bangkong
gaya ng ADB para sa USD 100 milyon na pampuno sa kakulangan. Kaya, sa
kabalintunaan ay pasasamain pa ng K-12 ang mga limitasyon at kakapusan
ng rekurso sa badyet para sa mga paaralang publiko, na napakalaki ang
epekto sa kalidad ng edukasyon at sa tantos ng paglahok, bukod sa higit
pang ilulubog nito sa utang ang bansa.
Ikalawa, dahil takdang saligang kakapusan sa badyet anu’t anuma’y
kakailanganing balikatin ng mga mag-aaral at mga pamilya nila ang dagdag
na pasaning K-12. Ngayong 2015-2016, 1.4 milyong mga mag-aaral sa
ikapat na taon sa mataas na paaralang publiko at tapos na sana sa lumang
sistema ang pipiliting pumili kung dadaan sila sa dagdag na dalawa pang
taon (Gradong 11-12). Kung pipiliing tanggapin ang dalawang taon pa,
kakailanganin ng bawat estudyante ang mga PHP 30,000 (USD 660) na
lubhang makakabigat sa badyet ng magulang. Alternatibo na hindi na
magkolehiyo at maghanap sa halip ng trabaho bilang madisbentaheng mga
dropout sa mataas na paaralan – ang eksaktong kalagayang iniiwasan sana
ng K-12.
Ikatlo, patitindihin ng K-12 ang pribatisasyon ng sistema ng
edukasyon. Sa halos 1.95 milyong mag-aaral sa mga publiko at pribadong
paaralan na inaasahang magtapos ng ikapat na antas (Gradong 10) ngayong
taon, mga kalahati lamang ang tatanggapin ng matataas na paaralang
publiko na may Grades 11-12. Walang pagpipilian ang kalahati pa kundi
lumipat sa mga eskwelahang pribado o mga unibersidad at kolehiyo ng
estado na nag-aalok ng Grade 11 (karaniwang sa mas mataas na tuition
kahit ikumpara sa unang taon sa kolehiyo), o sumama sa lumulobong hanay
ng mga kabataang hindi nag-aaral. Iniaalok ng rehimeng Aquino ang
dalawang madaliang lunas na magpapabilis lamang sa pribatisasyon at
hihikayat sa korupsyon: (1) ang “SHS voucher system” na sa bataya’y
parsyal na subsidyo sa senior na mga mag-aaral sa mataas na paaralan
para bayaran ang pag-enroll sa paaralang pribado na kalahok sa sistemang
voucher; at (2) ang PPP for School Infrastructure Project (SIP) na
binabayaran ng gobyerno ang mga pribadong kontraktor para gumawa ng
dagdag na silid-aralan ayon sa programang itayo-ipaupa (build-lease).
Nasa ilalim ng Education Voucher System at Education Service
Contracting, na kapwa halatang pakana sa pribatisasyon ayon sa
Government Assistance Program to Students and Teachers in Private
Education (GASTPE) na suportado ng World Bank. Ang pamamahala ng GASTPE
ay matagal nang ikinontrata ng Departamento sa Edukasyon sa Private
Education Assistance Committee (PEAC) ng Fund for Assistance to Private
Education (FAPE). Ang alokasyon ng badyet ng GASTPE, na kakatiting
noong dekadang 1990 ay umakyat sa Php 20 bilyon sa siyam na taong
itinagal ng rehimeng Arroyo, lumobo sa Php 34 bilyon sa unang limang
taon ng masamang pamamahalang Aquino, at lolobo pang lalo sa Php 20
bilyon sa 2016 lamang. Ang gastos na tulong-gobyerno sa pribadong
edukasyon ay lumaki nang katakut-takot at napakadaling abusuhin kaya
maging ang Komisyon sa Patutuos ng Kwenta, na di man awtorisadong
magtuos ng kwenta ng GASTPE, ay tumututol sa buong pribatisadong
kaparaanan sa PEAC-FAPE.
Intensyon man o hindi, nakaakmang bawasan nang malaki ng K-12 ni
Aquino ang mga posisyon sa pagtuturo sa kolehiyo dala ng inaasahang
matinding pagbagsak ng enrollment sa unang taon sa kolehiyo sa susunod
na dalawang taon. Tinatayang 78,000 mga guro sa kolehiyo at empleyado
ang mawawalan ng trabaho o ibababa sa pagiging guro sa mataas na
paaralan na mas mababa ang sweldo — kung mailulugar sila sa mga
trabahong antas-SHS. Ipinapakita ng ganitong pag-aalis lamang ang rurok
ng ng kawalang kakayahan sa pagpaplano at di pagpansin sa karapatang
paggawa.
Kung sumahin, inihahantad ng K-12 ni Aquino ang paglubha ng krisis sa
edukasyon sa Pilipinas at ang pagwawalang-bahala ng gobyerno sa
karapatan ng mamamayan sa edukasyon sa harap ng mga opensibang
neoliberal. Ang pagsunod sa mga diktang pataw ng US sa edukasyon ay
hindi ikalulutas ng seryosong suliranin ng Pilipinas sa kawalang trabaho
at sa pagdaragdag ng seguridad sa trabaho ng mga manggagawang Pilipino,
na nakaugat sa mas pundamental na mga suliranin ng pagkaatrasado tulad
ng kawalan ng tunay na industriyalisasyon at reporma sa lupa. Kung
gagamitin mang sukatan ang reputasyon (o track record) ng gobyerno
kaugnay ng edukasyong publiko, magiging bagong larangan lamang ang K-12
ni Aquino para sa pribatisasyon at mga PPP, pag-utang sa dayuhan at
korupsyon, samantalang magpapatuloy ang pagharap ng mga tapos sa K-12 na
papasok sa pwersang paggawa ang gayon pa ring mga suliranin–matinding
kawalan ng trabaho, mababang sahod, at panganib sa pangingibang bansa
para magtrabaho.
Sa teorya, pwedeng magbunsod ang isang programang K-12, na may angkop
na oryentasyon, plano at pamamahala, ng tunay na mga repormang totoong
pakikinabangan ng mamamayan at kabataang Pilipino sa larangan ng
edukasyon. Magagawa ng isang totoong patriyotiko, makamasa at
syentipikong sistema ng edukasyon na magsanay ng milyung-milyong
kabataan, tumulong na bigyang kapangyarihan ang mamamayan at itayo ang
bansa nila sa pamamagitan ng pinataas na kamulatang panlipunan,
kaalamang syentipiko at mga kabihasaang teknikal — habang nag-aambag din
sa pangkalahatang pagsulong ng kaalaman at pag-unlad ng tao sa
pandaigdigang saklaw.
Tiyak na mabibigo ang K-12 ng pangkating Aquino dahil sa bulag na
pagsunod nila sa mga among neoliberal, at sariling maling mga priyoridad
at kawalang kakayahan.
III. Mga Panawagan sa Pagkilos
Ang International League of Peoples’ Struggle ay nananawagan sa
mamamayan ng lahat ng bansa laluna sa rehiyong Asya-Pasipiko na ilantad
at labanan ang mga opensibang neoliberal sa pangungunang US na lingid na
nakaabang sa loob at paligid ng APEC. Partikular tayong nananawagan sa
mamamayang Pilipino na mag-organisa at kumilos sa mga pulong pag-aaral
at aksyong protesta para tumulong sa lubusang paglalantad ng mga susing
pulong ng APEC sa Manila at ibang mga lungsod sa Pilipinas, at pati ng
maaasahang kalalabasan ng mga ito.
Sadyang nananawagan tayo sa kabataang Pilipino na ipagpatuloy na
ilantad at labanan ang iba’t ibang pakanang “repormang” neoliberal sa
edukasyon, at ipaglaban ang sistema ng edukasyon na tunay na makabayan,
makamasa, at syentipiko batay sa pambansang industriyalisasyon, tunay na
repormang agraryo, at pamamahalang batay sa mga karapatang demokratiko.
Kabilang sa mga atas ng kilusang kabataan-estudyante sa Pilipinas ang
magsilbing kilusang propaganda para sa pambansang kasarinlan at
demokrasya, malalim na makisalamuha sa hanay ng masang manggagawa at
magsasaka, at abutin ang mga kababayan nila na nag-aaral at nagtatrabaho
sa ibayong dagat, at magpahayag din ng pakikiisa sa pamamagitan ng
pagpapatibay ng ugnayan sa mga katapat nila sa anti-imperyalistang
pandaigdigang kilusang kabataan.
Panahon nang harapin ng mga mamamayan ng Asya-Pasipiko ang mga isyung
nakapaligid sa APEC, iugnay ang mga ito sa global na krisis ng
kapitalismo, pareho sa mga sentro ng imperyalismo at sa mga neokolonya,
at isulong nang may panibagong lakas ang pakikibaka para sa pambansang
kasarinlan, demokrasya, at tunay sa pag-unlad ng lipunan at ekonomya
batay sa katarungan. May tiwala tayo na ang mga mamamayan sa
Asya-Pasipiko ipaglalaban nila ang pambansang soberanya, demokrasya,
industriyal na pag-unlad at kulturang makabayan, siyentipiko at
makamasa. Tiyak na tatahakin nila ang landas ng pakikibaka para
makaalpas sila sa kasalukuyang global na krisis at sa ehemonya (gahum)
ng mga imperyalista, para makamit ang pambansa at sosyal na kalayaan at
para magtayo ng wastong panrehiyong kooperasyon.
Maraming salamat.
CPP/NPA/NDF Website
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://www.philippinerevolution.net/
http://www.ndfp.net/joom15/
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------