From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-kababaihan-magbangon-laban-sa-rehimeng-us-duterte/
A woman’s place is still in the revolution
links: https://www.philippinerevolution.info/statements/20180308-rna-womans-place-is-still-in-the-revolutionrn
links: https://www.philippinerevolution.info/statements/20180308-rna-womans-place-is-still-in-the-revolutionrn
-----------------------------------------
Kababaihan, magbangon laban sa rehimeng US-Duterte (Women, rise against the US-Duterte regime)
Walang-habas ang pagyurak ni Rodrigo Duterte at ng kanyang rehimen sa mga karapatan ng kababaihan. Hindi nahahangganan ang kanyang paghamak sa pagkatao ng mga babae. Nagdudulot ng di mabatang pahirap ang kanyang mga patakaran, laluna sa kababaihang anakpawis.
Sa kanyang hindi nakatatawang mga biro ng panggagahasa, mga pangungutya at mga pagbabanta, si Duterte ngayon ang maliwanag na larawan ng pangit na mukha ng pyudal at patriyarkal na katangian ng atrasadong sistemang panlipunan na nagsasamantala at umaapi sa kababaihan.
Pinakahuli sa pangwawalang-hiya ni Duterte sa kababaihan ay ang kanyang tuwirang utos sa mga sundalo na barilin sa ari ang kababaihang Pulang mandirigma. Aniya, ito raw ay para mawalan na sila ng silbi. Binatikos rin niya ang mga inang Pulang mandirigma dahil “iniiwan” ang kanilang mga anak para lumahok sa armadong pakikibaka. Para kay Duterte, ang kababaihan ay pawang parausan at paanakan lamang ng kalalakihan. Hindi niya matanggap na ang kababaihan ay gumagampan ng malaking papel sa pakikibaka at pagbabago ng lipunan.
Sinusulsulan ni Duterte ang kanyang mga tropa na gumawa ng mga krimen at brutalidad sa lumalabang mamamayan, sibilyan man o kombatant. Tuwirang inuupat ni Duterte ang panggagahasa at iba pang anyo ng karahasang sekswal laban sa kababaihan bilang kasangkapan sa kanyang maruming gerang Oplan Kapayapaan. Layunin nitong maramihang takutin ang kababaihan at wasakin ang kanilang pagkatao.
Mahaba ang listahan ng kahindik-hindik na mga pasistang krimen ng mga nag-ooperasyong tropa ng AFP. Kabilang dito ang paggahasa ng di-bababa sa tatlong sundalo sa isang 14-anyos na Lumad noong Hulyo 2015 sa Talaingod, Davao del Norte. Noong Hulyo 2016, binaril ng mga tropa ng 8th IB ang isang buntis sa Bukidnon. Kalakaran na ng nag-ooperasyong mga sundalo ang bastos at kawalang-galang sa kababaihan.
Sa inilulunsad na hayok na pasistang gera ng rehimeng Duterte, patuloy na dumarami ang kababaihang biktima ng pamamaslang, panggigipit, iligal na pang-aaresto at detensyon. Sa Mindanao, iniinda ng kababaihan, laluna ng kababaihang Moro, ang ipinataw na batas militar. Hanggang sa kasalukuyan, daan-libong kababaihang Moro at kanilang mga anak ang nagdurusa sa mga sentro ng ebakwasyon at pinagkakaitang makabalik sa kanilang mga tahanan sa Marawi. Kasabay nito, sistematikong gumagamit ang pasistang militar ng taktika ng panlilinlang at pang-aakit tulad ng “panliligaw” sa layuning gawin silang pasibo at ilayo sila sa landas ng paglaban.
Ang mga magsasaka, laluna ang mga kababaihang magsasaka, ay dumaranas ng mala-aliping pang-aapi at iba’t ibang matinding anyo ng pyudal na pagsasamantala sa kanayunan. Ipinagtatanggol ng rehimeng Duterte ang malawakang monopolyo sa lupa ng malalaking asendero at malalaking plantasyon. Malinaw na kasinungalingan ang pangako nitong libreng pamamahagi ng lupa ngayong prayoridad ng rehimen ang pagbabago ng klasipikasyon ng lupa para bigyan-daan ang malawakang pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural. Pampasiklab lamang ni Duterte ang libreng irigasyon na walang silbi sa karamihan ng mga magsasaka dahil wala namang tunay na reporma sa lupa at dahil maliit na porsyento lang ng mga sakahan ang naaabot ng pasilidad nito.
Hanggang ngayon, dumaranas ang kababaihang manggagawa ng mas mababang sahod at di makatao at anti-babaeng mga kundisyon sa paggawa. Biktima sila ng sistema ng kontraktwalisasyon. Bilang mga manggagawa, nagdurusa sila sa mataas na tantos ng disempleyo, at mababang klase at walang katiyakang trabaho, laluna sa harap ng malaking bawas (mahigit 600,000) sa bilang ng mga may hanapbuhay noong nagdaang taon. Sa kabila ng kanyang mga pampasiklab, hindi mapagtakpan ni Duterte na inutil ang kanyang rehimen sa pagtatanggol sa karapatan at kagalingan ng mga migranteng manggagawa, laluna sa mga kababaihan at bigo siya na mabigyan sila ng hanapbuhay.
Nagdudulot ng labis na pagdurusa sa kababaihan ang kontra-mamamayang mga hakbang at patakaran ng rehimeng Duterte na pawang pagpapatuloy ng mga maka-imperyalistang neoliberal na patakaran ng nagdaang mga rehimen. Sa bungad ng taon, ininda ng mamamayan, lalo’t higit ng mga ina at mga nangangasiwa ng mga tahanan, ang nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo dulot ng ipinataw na dagdag at bagong buwis sa ilalim ng TRAIN.
Lalo pa silang biniktima ng artipisyal na kakulangan ng bigas, na minamaniobra ng kaibigan ni Duterte na si Manuel PiÒol para higit na ibwelo at kontrolin ang pag-aangkat ng bigas. Biktima ang daan-daan libong mga bata ng korapsyon sa burukrasya at kawalang-responsibilidad ng magkasunod na rehimen na nagdulot ng trahedya ng ineeksperimentong bakunang Dengvaxia.
Dagdag sa dinaranas nilang kaapihan, nais ng naghaharing reaksyunaryong estado na manatili silang nakakulong sa pagiging pasibo, tahimik at kawalang-pakialam. Pilit silang ipinipiit sa loob lamang ng mga tahanan (bilang asawa, ina, kapatid o anak) na ang tanging silbi sa buhay ay maglingkod sa lalaking myembro ng kanilang pamilya.
Subalit matagal nang binabaklas ng mga kababaihan ang bilangguang ito. Sa harap ng dinaranas nilang matinding pang-aapi, maramihang nagbabangon ang kababaihan upang lumahok sa mga pakikibaka. Para sa kababaihang nagbangon, ang lumahok sa pakikibaka ang unang hakbang sa paglaya. Sa pakikibaka, naiaangat nila ang kanilang prestihiyo at ang katayuan nila bilang kababaihan. Binabasag nila ang mababang pagtingin at pagturing sa kanila ng dominanteng kaayusang pyudal at patriyarkal.
Aktibo silang nag-aambag sa pagwawakas ng mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudal at pagtatatag ng demokratiko at maunlad na kaayusan. Laksa-laksang libong kababaihan ang kabilang sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa at iba pang pambansa-demokratikong samahan at kilusan.
Marami sa mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ay nagmula sa hanay ng kababaihan, laluna mula sa hanay ng kababaihang anakpawis. Nagpasya silang lumahok sa armadong pakikibaka at gumampan ng iba’t ibang rebolusyonaryong gawain. Tinitingala sila ng sambayanang Pilipino. Nagsisilbi silang mga kumander, giya sa pulitika, medik, upisyal sa suplay, edukasyon, guro sa literasiya at iba pang tungkulin sa iba’t ibang andana ng hukbong bayan. Walang gawain o oportunidad ang ipinagkakait sa kanila dahil lamang sila ay babae. Marami rin sa mga lider ng Partido Komunista ng Pilipinas ay mga babae.
Itinatakda rin ng BHB ang pantay na pagturing sa kababaihan gayundin ang paggalang sa kanila sa lahat ng sitwasyon. Nakasaad sa batayang alintuntunin nitoóang Tatlong Punto ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan (mas kilala sa taguring Tres-Otso)óang mahigpit na pangangalaga sa kanilang mga karapatan at ang maayos na pagturing sa kanila sa gawi at salita. Nakasaad naman sa konstitusyon, programa at iba pang alituntunin ng PKP ang pantay na karapatan ng kalalakihan at kababaihan, maging sa loob ng kasal.
Sa harap ng pang-aapi, pandarahas, pambabastos at pagmamaliit ni Duterte sa kababaihang Pilipino, wala silang ibang masusulingan kundi ang magbangon laban sa pasismo ng kanyang rehimen. Dapat sumulong ang kababaihan sa landas ng pambansa-demokratikong paglaban at isulong ang iba’t ibang anyo ng armado at di armadong paglaban. Nananawagan ang Partido sa lahat ng mga kababaihang manggagawa, magsasaka at mga estudyante, na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumahok sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan sa buong kapuluan.
CPP/NPA/NDF Website
Article links:
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-kababaihan-magbangon-laban-sa-rehimeng-us-duterte/
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-kababaihan-magbangon-laban-sa-rehimeng-us-duterte/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------