Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, April 13, 2018

Hinggil sa Muling Pagbubukas ng Usapang Pangkapayapaan


Hinggil sa Muling Pagbubukas ng Usapang Pangkapayapaan

Kaisa ng CPP-NPA-NDFP ang mamamayang Bikolnon at rebolusyonaryong pwersa sa Kabikulan sa pagtanggap nito sa posibilidad ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan matapos bawiin ni Duterte ang kanyang naunang proklamasyong tumatapos sa negosasyon noong Nobyembre ng nakaraang taon. Buo ang tiwala ng masang Bikolano sa kakayahan ng negotiating panel ng NDFP na kumatawan sa kanilang mga makatwirang kahilingan at demokratikong interes. Sinusuportahan ng mamamayan ang kahandaan ng NDFP na muling humarap sa mesa upang pag-usapan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na siyang puso at ubod ng usapang pangkapayapaan. Sa CASER tatalakayin ang mga susing repormang ipinapanawagan ng sambayanan tulad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.


Nananatiling matibay ang paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan na maging bukas sa negosasyon sa anumang rehimeng magpapakita ng katapatan at kasigasigang harapin at resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Tulad ng dati, gagawin ng lahat ng yunit at organo ng CPP-NPA-NDFP sa buong bansa ang lahat ng makakaya nito upang ipakita ang paggalang at pagsunod nito sa lahat ng mga naunang kasunduang batayan ng kaseryosohan nitong isulong ang usapang pangkapayapaan. Kaugnay nito, nakahanda ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Bikol na kagyat tumalima sa anumang hakbanging ipapatupad ng CPP-NPA-NDFP na kinakailangan upang magkaroon ng mainam na kundisyon para sa usapang pangkapayapaan.

Kasabay nito, hinahamon ng mamamayang Bikolnon ang rehimeng Duterte na panindigan ang mga pahayag nitong pabor sa pagsisimulang muli ng usapang pangkapayapaan. Kinakailangang patunayan ni Duterte sa taumbayan ang kanyang katapatan sa pamamagitan ng pagtalikod sa sulsol ng mga militarista at kontra-mamamayang personahe sa kanyang gubyerno at pagtalima sa mga nauna nang kasunduan tulad ng The Hague Joint Declarations, Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights at International Humanitarian Law (CARHRIHL) at Joint Agreement on Safety Immunities and Guarantees (JASIG).

Sa Kabikulan, nagpapatuloy ang sunud-sunod na paglabag sa karapatang tao at internasyunal na batas ng digma ng mersenaryong AFP. Nitong Marso, tampok ang kanilang pagpaslang sa nagpapagamot na kadre ng CPP Bikol na si Alfredo ‘Ka Bendoy’ Merilos at sa sibilyang si Liz Ocampo sa kabila ng kawalang kakayahang manlaban ng dalawa. Nito lamang, walang awa ring pinatay ng mga elemento ng 83rd IBPA ang isang sugatang kasapi ng NPA dalawang araw matapos ang isang engkwentro sa Camarines Sur. Upang matagumpay na sumulong ang usapang pangkapayapaan, napakahalagang makontrol ni Duterte ang kanyang utak-pulburang sandatahang lakas at kagyat na itigil ang pang-aatake sa mamamayan at lantarang paglabag sa mga kasunduang sinang-ayunan kapwa ng GRP at ng CPP-NPA-NDFP.

Gayundin, hindi makatutulong sa usapang pangkapayapaan ang pakikipagmabutihan ng rehimeng Duterte sa mga imperyalistang bansang US at Tsina na pangunahing nagbubulid sa masa sa kahirapan at kawalang kalayaan ng bansa. Sa halip na sundin ang disenyo ng imperyalistang US na gamitin ang usapang pangkapayapaan upang gipitin ang rebolusyonaryong kilusan at pahupain ang makatwirang digmang bayan, dapat humarap ang rehimeng Duterte sa negosasyon nang tangan ang diwang resolbahin ang suliranin ng masang Pilipino at bansang Pilipinas. Kung tunay ngang pagbubuo ng mga makabuluhang reporma para sa mamamayan ang nasa likod ng pagbabago ng isip ni Duterte hinggil sa usapang pangkapayapaan, hindi nito igigiit ng mga kundisyong may tunguhing pasalungin ng armas ang NPA at sagkaan ang mga lehitimong aktibidad ng rebolusyonaryong gubyerno tulad ng pagbubuwis at pagbibigay serbisyo sa masa. Dapat niyang tandaang ang CPP-NPA-NDFP ay kinikilala sa daigdig bilang rebolusyonaryong pwersang may gubyerno at mamamayang pinamumunuan at kung gayon ay may karapatang magpatupad ng sarili nitong mga batas at panukala sa kanyang nasasakupan.

Hangga’t hindi kinikilala ng rehimeng Duterte ang ganitong katayuan ng CPP-NPA-NDFP at hangga’t nagpapatuloy ang militar nito sa pang-aatake sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan, mananatiling hungkag ang mga pahayag na matapat itong papasok muli sa usapang pangkapayapaan. Sa huli, anuman ang tunguhin ng posibilidad ng muling pag-uumpisa ng usapang pangkapayapaan, nananatiling buo ang loob ng mamamayang Bikolnon at rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan sa patuloy na pakikibaka para sa tunay na makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, kalayaan, kaunlaran at katarungang panlipunan.



CPP/NPA/NDF Website



OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------