Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, June 7, 2019

DILG nakikiisa sa apela ng Simbahan sa CPP/NPA/NDF na itigil na ang pag-atake sa Samar road project


DILG nakikiisa sa apela ng Simbahan sa CPP/NPA/NDF na itigil na ang pag-atake sa Samar road project

Nakikiisa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Simbahang Katoliko sa apela nito sa New People's Army (NPA) na itigil ang mga pag-atake sa matagal nang hinihintay na Samar road project na kailangan upang mapaunlad ang Hilaga at Silangang Samar.

"Sinusuportahan ng DILG ang apela ng Simbahan sa NPA sa itigil ang mga pag-atake sa Samar Pacific Coastal Road Project. Pare-parehas tayong hindi uunlad at hihilahin natin ang bansa pababa.Ang mga pag-atakeng ito ay kailangang ihinto lalo na ang mga nakaaapekto sa pagpapatayo ng mahahalagang proyektong pang-imprastruktura," ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

"Kung kayo [NPA] ay talagang lumalaban para sa mas maunlad na Pilipinas, huwag ninyong idamay ang proyektong pang-imprastruktura na ito dahil makakatulong ito nang malaki sa inyong kapwa Pilipino," dagdag niya.

Ayon kay Año, ang pamahalaan at Simbahan ay nagkakaisa sa pagkondena sa pag-atake laban sa mga inosenteng mga tao at pag-atake na nakasisira sa mga proyetong pang-imprastruktura, maging kasalukuyang ginagawa o tapos na "sapagkat ito ay counterproductive at taliwas sa hangaring dalhin ang bansa sa tunay na pag-unlad at pangmatagalang kapayapaan."

Kamakailan ay umapela si Bishop Crispin Vasquez ng Catholic Diocese of Borongan, isa sa mga lider ng Samar Island Partnership for Peace Development (isang organisasyong pinangungunahan ng Simbahan) sa NPA na itigil ang mga pag-atake sa Samar Pacific Coastal Road Project na nagkakahalaga ng ilang bilyong piso.

Noong nakaraang Mayo 21, inatake ang mga sundalong ipinadala sa nasabing project site ng mga komunista-teroristang grupo na nagbunga sa pagkamatay ng tatlong tao, isa mula sa 63rd Infantry Battalion at dalawa mula sa mga umatakeng terorista.

Ipinahayag ni Año na kung talagang hinahangad ng NPA ang isang mapayapang Pilipinas, ihihinto nito ang mga walang saysay na pag-atake na kumikitil ng buhay at sisimulan ang usaping pangkapayapaan sa lokalidad.

"Patuloy naming isinusulong ang usapang pangkapayapaan sa lokalidad na napatunayan nang epektibo. Ang pamahalaan ay handang makipag-usap sa mga lokal na gerilyang NPA upang magkaroon ng mas magandang solusyon kaysa ang pagpatay sa isa't isa sa kabundukan," sabi ng pinuno ng DILG.

Kaugnay ng usaping pangkapayapaan sa lokalidad, hinihikayat din ng Kalihim ng DILG ang mga pamahalaang lokal na pangunahan ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na makatutulong sa mga dating rebelde na sumuko na sa pamahalaan.

Aniya, ngayong 2019 lamang, may 425 na dating rebelde mula sa lahat ng rehiyon ng bansa ang pinagkalooban ng tulong pinansyal na may kabuuang halaga na P28-milyon na karamihan ay inilaan sa tulong pangkabuhayan.

"May mapayapang paraan para malutas natin ang sigalot na ito. Marami na ang natulungan ng E-CLIP na mga dating rebelde, kailangan lamang na ipaalam nila ang kanilang pagnanais na mamuhay na ng payapa at maging bahagi muli ng lipunan," ani Año.

Noong nakaraang taon, may kabuuang P128-milyon ang naibigay sa 1,534 na dating rebelde na karamihan ay nagmula sa Rehiyon XI, XII, at XIII. ###





DILG Website

http://www.dilg.gov.ph/


links:



 



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------