From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://cpp.ph/statements/palayain-ang-14-sorsoganong-iligal-na-dinetine-ng-afp-pnp-cafgu/
Palayain ang 14 Sorsoganong iligal na dinetine ng AFP-PNP-CAFGU!
Hindi na tinantanan ng AFP-PNP-CAFGU ang panghahalihaw sa masang Sorsoganon. Labing-apat na sibilyan mula sa Brgy. Bulawan, Bulan ang dinetine ng 22nd IBPA noong Hunyo 28. Pito sa kanila ay mga bata at kabataan. Una nang dinukot ng militar sina Alvin Mapula, 39 taong gulang, Althea Mapula, 2 taong gulang at Janrex Mapula, 13 taong gulang. Hinanap sila ng kanilang mga kaanak – Editha Mapula, 43; Allan Mapula, 42; Mary Ann Mapula, 29; Angel Mapula, 12; Rey Mapula, 4; RJ Mapula, 7; Renz Guelas, 13; Sunny Preconcillo, 48; Emy Preconcillo, 39; at Dante Bandola, 50. Nang mahanap kung saan nakadetine, kinulong na ng militar ang buong pamilya. Sa parehong araw, dinakip din si Laurente Gestole, 23 taong gulang at pilit na pinasusuko bilang NPA. Noong nakaraang taon pa hinahalihaw ng operasyong militar ang bayan ng Bulan. Dito rin itinayo ang kampo ng 22nd IBPA matapos itong i-transporma mula sa pagiging Cadre Battalion tungong regular na batalyon.
Saanman mayroong ilinulunsad na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO), Retooled Community Support Program (RCSP) o Focused Military Operations (FMO) at iba pang operasyong militar at pulis, naroon ang tiyak at pinakamalubhang panganib sa buhay ng mamamayang Pilipino. Walang pinalalampas ang mga berdugo – mga bata, matanda, buntis, babae, kabataan, mga ordinaryong sibilyang walang ibang ninais kung hindi ang mabuhay nang ligtas at matiwasay –. Ngayong Hunyo, umabot na sa 21 ang iligal na inaresto at dinetine sa mga prubinsya pa lamang ng Sorsogon at Masbate. Labas pa rito ang 20 Masbatenyong sinampahan ng gawa-gawang kaso at malisyosong pinaratangang NPA. Kabilang sa mga kinasuhan at inaresto si Mariel Canete, isang guro sa Cawayan, Masbate.
Ang kabagsikan ng pasista ay hindi tanda ng kanyang lakas, kung hindi ng kanyang takot. Asahang titindi pa ang atake ng rehimeng US-Duterte sa mamamayang lumalaban upang takasan ang kanyang pananagutan at makapanatili sa kapangyarihan. Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolanong palakasin ang kanilang paglaban upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatang tao at ipaglaban ang katarungan. Kalampagin ang mga kampo, barangay hall, istasyon ng pulis at iba pang lugar kung saan idinedetine ang mga sibilyang dinukot at iligal na inaresto ng mga ahente ng estado. Humalaw ng aral mula sa karanasan ng mga komunidad na sinalanta na dati ng Special Operations Team (SOT), Peace and Development Team (PDT) at iba pang operasyong militar.
Higit sa lahat, hamon sa rebolusyonaryong kilusang konsolidahin ang ispontanyong pagkilos ng mamamayang lumaban para sa katarungan, at bigkisin ang pinakamalawak, pinakamatatag at pinakamalakas na kilusang anti-pasista. Ituring ang bawat araw bilang araw ng paglaban – para sa katarungan, para sa kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon.
Ipagtanggol ang karapatan ng mga bata!
Palayain ang mga bilanggong pulitikal!
Militar sa kanayunan, palayasin!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
CPP/NPA/NDF Website
Article links:
https://cpp.ph/statements/palayain-ang-14-sorsoganong-iligal-na-dinetine-ng-afp-pnp-cafgu/
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
------------------------------------------------------------
-----------------------------