From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://cpp.ph/angbayan/isuspinde-ang-bbb-ibigay-ang-sapat-na-ayuda/
Isuspinde ang BBB, ibigay ang sapat na ayuda
Tumanggi kahapon si Rodrigo Duterte na isuspinde ang excise tax sa langis. Taliwas ito sa panawagan ng maraming sektor sa lipunan para sana maibsan ang walang awat na pagsirit at bahagyang ibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo. Sa halip, balak ng rehimen na mamudmod ng kakarampot na ₱200 sa “pinakamahirap na 50%” o 12 milyong pamilya para “makaagapay” sa krisis.
Ang pagtanggi sa pagsuspinde ng buwis ay dahil may paglalaanan na diumano ang pondong ito. Isiniwalat mismo ng Department of Finance na nakatakda na ito para sa mga proyekto ng programang Build-Build-Build.
Kinutya ng Anakpawis Partylist at grupo ng kababaihang magsasaka na Amihan ang limos na ayudang gustong ibigay ng Department of Finance (DOF) sa mga pamilyang apektado ng pagsirit ng presyo ng langis at mga bilihin.
“Ang iginigiit namin ay ayudang sapat at dagdag-sahod pero ang dumating ay limos. Kung tutuusin, mas mababa pa ito sa limos. Nakakagalit na parang pulubi ang pagtrato sa masa ng gubyernong ito.” ayon kay Ka Ariel Casilao, pambansang tagapangulo ng Anakpawis.
“Kung malaking bahagi ng excise tax ay para sa BBB, mas dapat nga ito suspindihin. Alam natin na malulustay sa kurapsyon ang pondo sa BBB at imprastruktura,” ani Casilao.
Ikatlong araw na ngayon ng isang linggong protesta na ikinakasa ng mga maralitang sektor sa pamumuno ng Anakpawis. Kabilang dito ang mga protestang ‘tigil-palaot’ ng Pamalakaya, noise barrage at mga piket ng mga opereytor at drayber ng dyip at iba pang mga sektor. Sa nagdaang dalawang araw, inilunsad ang mga proesta sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at ilang mga prubinsya.
“Kahit malakas ang panawagan ng mga apektadong sektor na suspindihin o alisin muna ang excise tax sa langis, sumang-ayon pa rin si Pangulong Duterte sa gusto ng DOF na manatili ang excise tax. Nanaig ang interes ng kartel na langis na kumita ng husto kahit hirap na hirap na ang taumbayan,” dagdag ni Casilao.
Sa panig ng grupong Amihan, sinabi ng tagapangulo nitong si Zenaida Soriano na kulang ang ₱200 para sa isang buwan, na pambili ng isang kilong bigas, ulam para sa 3 beses na kainan, at pambili ng sahog at iba pa.
Ginawa lamang umano ito ni Duterte bilang konswelo-de-bobo o para palabasing mayroong tugon ang gubyerno sa panahon ng matinding krisis.
Isinaad din ng Amihan na pinagkakasya na lamang ng kababaihang magsasaka ang ₱478-₱700 na badyet para sa isang araw para mabuhay. Dagdag dagok sa kanila ang pagtaas ng presyo ng LPG na mahigit ₱1000 na ngayon.
“Ang kahilingan ng mga maralita ay ₱10,00 ayuda at ₱15,000 production subsidy at suspensyon ng excise tax sa produktong langis. Bakit napakahirap para sa kanilang ibigay ito?” bwelta ni Soriano.
CPP/NPA/NDF Website
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
--------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------