From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/06/manindigan-para-sa-demokratiko-at_21.html#more
Manindigan para sa demokratiko at makabayang pagbabago sa ekonomya
Editoryal
Ang Bayan
Hunyo 21, 2013
Download PDF here
Para sa mamamayang Pilipino, hungkag ang ipinagmamalaki ng rehimeng US-Aquino na "mabilis na pag-unlad ng ekonomya." Sa pananaw ng anakpawis, malinaw na nalulugmok sa matinding krisis ang ekonomya ng Pilipinas. Hindi ito mapasusubalian kahit ng walang awat na ngawa ni Aquino tungkol sa aniya'y "kaunlarang para sa lahat" at "matatag na pundasyon ng ekonomya."
Ang masidhing krisis panlipunan at pang-ekonomya sa Pilipinas ay kinatatampukan ng papalalang kawalan ng lupa, lalong pagkonsentra nito sa kamay ng iilang panginoong maylupa at may-ari ng malalaking plantasyon, napakalaganap na problema ng kawalan ng trabaho at pangingibang-bayan ng mga manggagawa.
Napakababa ng kita ng masang anakpawis sa kanayunan. Ang mga magsasakang wala o kulang ang lupa ay labis na pinahihirapan sa iba't ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Todo-todo naman ang pambubusabos sa masang manggagawa sa iba't ibang anyo ng "pleksibleng paggawa" na pumapawi sa katiyakan ng kanilang trabaho, humihila pababa sa sahod at nagkakait ng mga demokratikong karapatan. Naghihirap maging ang mga nasa panggitnang saray ng lipunan dahil sa matinding kawalan ng hanapbuhay, lubhang kakulangan ng kita, pagsirit ng arawang gastos sa pamumuhay at gastos sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Walang kaabug-abog ang rehimeng US-Aquino sa pagtupad ng pahirap na mga patakarang dikta ng IMF-WB at ng amo nitong imperyalistang US. Pinaghihigpit nito ng sinturon ang mamamayan sa pagkakaltas o pagtanggi nitong maglaan ng sapat na badyet sa pampublikong edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Walang lubay ang pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo. Tuluy-tuloy ang pagpasok sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, pagtotroso at malalaking plantasyon. Ipinatutupad ni Aquino ang sistema ng "dalawang andanang pasahod" na lalong bumabaklas sa sistema ng minimum na pasahod at lalong nagpapatindi ng pagpiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa.
Tahasang hinahadlangan ng asenderong rehimeng Aquino ang pamamahagi ng 6,500-ektaryang lupain sa Hacienda Luisita. Gamit ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at ang pagpapalawig nito, lalupang pinatindi ng mga panginoong maylupa at malalaking kumpanyang agribisnes ang kanilang pangangamkam ng lupa. Napipilitan ang mga "benepisyaryo" na isuko ang kanilang mga papeles sa lupa dahil sa kabiguang bayaran ang napakalaking amortisasyon o sumailalim sa mga "kooperatiba" na itinatayo ng estado at malalaking panginoong maylupa upang maging bahagi ng malalawak na plantasyon para sa pagtatanim ng mga produktong pang-eksport.
Sa harap ng masidhing krisis sa ekonomya at kabuhayan, lalong nagiging mahalagang isulong ng mamamayang Pilipino ang mga makabayan at demokratikong pagbabago sa ekonomya.
Dapat puspusan nilang ilantad at kundenahin ang atrasado at kontra-progresibong mga kaisipan ng mga teknokratang sinanay ng IMF. Dapat nilang labanan ang rehimeng Aquino sa pagtupad nito ng mga patakaran at hakbangin alinsunod sa liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon.
Dapat palakasin ang kilusan para sa tunay na reporma sa lupa. Ito ang pangunahing demokratikong kahilingan ng sambayanan. Layunin nitong palayain ang mayorya ng mamamayan mula sa pinakamalalalang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Dapat baklasin ang mga monopolyo sa lupa at tuparin ang demokratikong pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal ng lupa.
Dapat din nilang labanan ang kontra-demokratikong patakaran ng pagtitipid sa mga serbisyong panlipunan. Dapat nilang ipaglaban ang karagdagang badyet sa edukasyon hanggang sa antas ng kolehiyo, ang karagdagang badyet para sa pampublikong serbisyong pangkalusugan at ang pagwakas sa patakarang komersyalisasyon at pribatisasyon ng mga pampublikong ospital. Determinadong labanan ang demolisyon ng mga komunidad ng maralita.
Pambansang industriyalisasyon ang pangunahing makabayang kahilingan sa ekonomya ng mamamayan. Dapat nilang ipaglaban ang isang ekonomyang nakatitindig sa sarili at nakatuon sa kanilang pangangailangan. Hangarin nilang makita ang Pilipinas na hindi lamang tagapag-asembol o tagapagsuplay ng murang hilaw na materyales. Susulong ang ekonomya ng Pilipinas kung magsisilbing pundasyon nito ang agrikultura, nangungunang salik ang industriyang mabibigat at magsisilbing tulay ang mga industriyang magagaan.
Nais ng sambayanang Pilipino na wakasan ang sistema ng mala-manupakturang nakasalalay sa import, nakatuon sa eksport, kontrolado ng mga dayuhang kumpanya at nakahiwalay sa buong ekonomya. Nais nilang wakasan ang malakihang produksyong agrikultural at malakihang pangingisda na kontrolado ng malalaking dayong kumpanya at nakatuon sa eksport.
Dapat labanan ang patakaran ng murang lakas-paggawa at ang pandarambong ng mga dayuhan sa likas na yaman ng Pilipinas. Ipaglaban ang pagsasabansa ng industriya ng langis, kabilang ang sentralisadong pagbili ng krudong langis, pagtatatag ng lokal na repineriya at pagkontrol sa presyo ng mga produktong langis sa pamilihan.
Dahil sa malalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, lalong sumasanding at sumasalalay ang rehimeng Aquino sa mga among imperyalista nito para sa suportang pampinansya at pangmilitar. Winakasan na ni Aquino ang usapang pangkapayapaan sa NDFP na nasa yugto na sana ng pagtalakay sa mga kritikal na usaping sosyo-ekonomiko. Sa halip, ipinatutupad ngayon ni Aquino ang brutal na kampanya ng panunupil na lalong nagiging mabagsik sa harap ng lumalalang kahirapan at lumalakas na paglaban.
Sa kanayunan, sumusulong at nagkakamit ng mga tagumpay ang rebolusyonaryong kilusan para sa reporma sa lupa.
Sa kalunsuran, paparami ang mga tagumpay ng mga manggagawa sa pagtatayo ng mga unyon at iba pang asosasyon sa kabila ng matinding panunupil sa karapatang mag-organisa. Nakapaglulunsad sila ng mga welga at iba pang anyo ng pakikibaka para sa karagdagang sahod at laban sa kontraktwalisasyon.
Kasabay nito, matatag na nilalabanan ng mga maralita ang demolisyon ng kanilang mga tahanan. Inilulunsad ang mga pakikibakang masa laban sa pagtaas ng matrikula, presyo ng langis, singil sa kuryente at tubig at iba pang pahirap ni Aquino sa masa.
Batid ng masang manggagawa at magsasaka, maging ng panggitnang saray, na wala silang patutunguhan sa natitirang tatlong taon ng papet na rehimeng Aquino, kundi ang mas malalalim pang krisis. Sa harap ng pagsilbi ni Aquino sa interes ng mga dayuhang kapitalista at mga kasapakat nilang malalaking negosyante at asendero, malinaw sa sambayanan na wala silang ibang masusulingan kundi ang maglunsad ng mga demokratikong pakikibakang masa at armadong paglaban upang igiit ang kanilang makabayan at demokratikong mga kahilingan.
links:
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------