Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Saturday, October 12, 2013

Ituon kay Aquino ang protesta laban sa pork barrel


From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/10/ituon-kay-aquino-ang-protesta-laban-sa.html#more



Ituon kay Aquino ang protesta laban sa pork barrel
Editoryal
Ang Bayan
Oktubre 7, 2013

Download PDF Here

Nitong nakaraang ilang linggo, tuloy-tuloy na ipinahayag ng sambayanang Pilipino ang kanilang disgusto sa malawakang korapsyon sa paggamit sa pondong pork barrel at sa kabulukan ng buong naghaharing sistema. Naglunsad sila ng mga aksyong protesta  sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang mga protestang ito ay tanda ng lawak ng disgusto at pagkadismaya sa mga pangako ni Aquino hinggil sa “mabuting pamamahala.”

Lalo pang nagngalit ang sambayanang Pilipino nang sumingaw ang pagbuo at paggamit ng rehimeng Aquino ng tinagurian nitong Disbursement Acceleration Program (DAP), isang sistema ng paglalabas ng pondong publiko nang hindi naaayon sa pinagtibay na badyet at nakadepende lamang sa kapasyahan ng presidente.

Nalantad ang paggamit ni Aquino ng DAP upang maglaan ng daan-daang milyong piso sa mga senador na pumanig sa kanya para hatulang maysala at alisin sa pwesto ang dating punong mahistrado ng Korte Suprema na si Renato Corona. Nagamit din ang DAP upang mabilis na maglabas ng pondo para sa mga kongresista at mga senador na sumuporta sa mga panukalang batas na personal na itinulak ni Aquino.

Kaliwa't kanan ang pagbatikos sa DAP at iba pang pondong pork barrel ni Aquino.  Ilang abugado na ang nagsampa ng kaso sa Korte Suprema laban sa iligal sa sistemang ito at iginigiit na rin ng ilang personahe ang pagpapatalsik kay Aquino sa pamamagitan ng impeachment o pagbibitiw.

Pinatutunayan ng lahat ng ito na wala nang naloloko si Aquino sa islogang "mabuting pamamahala". Lantad na lantad na ito bilang manipis na tabing ng malawakang korapsyon. Nakaririndi na ang kanyang walang katapusang panunumbat at ingay sa korapsyon ng nagdaang rehimeng Arroyo. Malinaw sa lahat na wala itong ibang layunin kundi sapawan ang mga pambabatikos sa korapsyon ng kanyang rehimen.

Nagkukumahog ang rehimeng Aquino na salagin at pahupain ang protesta ng sambayanan laban sa pork barrel habang pinananatili ang bulok na sistema ng pagbabadyet, kabilang ang malalaking di programadong pondong tuwirang kontrolado ni Aquino. Sa harap ng di humuhupang protesta laban sa pork barrel at korapsyon, kaliwa't kanan ang mga maniobrang pampulitika ni Aquino upang pagtakpan ang katotohanang siya ngayon ang nakaupo sa tuktok ng bulok na sistema ng pork barrel at korapsyon. Sa kabila nito, hindi niya maiwasang mapikon sa angkop na pagbansag sa kanya ng mamamayan bilang "pork barrel king."

Tuluy-tuloy na ginagamit ni Aquino ang malaking iskandalong kinasasangkutan ni Janet Lim-Napoles upang selektibong usigin ang mga karibal sa pulitika, laluna yaong nakatakdang humamon sa naghaharing pangkatin sa eleksyong 2016. Para gatungan pa ang galit ng mamamayan kay Napoles, inilantad ni Aquino ang mga transaksyon sa mga pulitikong anti-Aquino habang mahigpit na kinontrol si Napoles upang di sumingaw ang mga transaksyon nito sa mga pulitikong nasa pangkating Aquino.

Isa lamang gimik sa publisidad ang pagsasampa ng Department of Justice ng reklamong pandarambong laban sa mga susing pulitiko ng oposisyon. Matapos mabigong patahimikin ang mga protesta, nagsampa ng karagdagang reklamo ang rehimeng Aquino laban kina Gloria Arroyo at Napoles kaugnay ng pagwalwadas ng pondong Malampaya. Ang pagsasampa ng ganitong mga reklamo ay malaking palabas lamang. Di pa napatutunayan ng naghaharing pangkating Aquino na kaya nitong isalang ang mga kauri nito sa aktwal na kriminal na pag-uusig at pagparusa.

Subalit gagap ng sambayanang Pilipino na ang korapsyong kinasasangkutan ng pork barrel ay lampas sa iskandalong Napoles. Ang mga panunuhol, mga kikbak at iba pang uri ng korapsyon na kinasasangkutan ng pondong pork barrel ay dati nang regular na ginagawa ng mga pulitiko mula sa reaksyunaryong naghaharing uri bago pa man lumitaw si Napoles sa eksena. Si Aquino mismo ay tumanggap ng pondong pork barrel noong 2005 nang nakikipagmabutihan pa ang mga Aquino sa rehimeng Arroyo. Simula 2010, si Aquino naman ang gumagamit ng pondong pork barrel bilang instrumento para tiyakin ang suportang pampulitika para sa kanyang rehimen. Sa paggamit niya ng pondong ito, malakas ang loob ni Aquino na kaagad niyang masasalag ang anumang hakbangin sa Kongreso para sa kanyang impeachment.

Malinaw ang paninindigan ng sambayanang Pilipino na ibasura na ang tinaguriang Priority Development Assistance Fund (ang pork barrel ng kongreso), ang Presidential Social Fund, ang DAP at ang iba pang di nakaprogramang pondo kung saan ang paggasta ay nasa kapasyahan ng naghaharing pangkatin sa Malacañang.

Itinatakwil nila ang diumano’y bagong sistema ng pagbabadyet kung saan ang mga kongresista ay binibigyan pa rin ng pribilehiyo na magtakda ng mga proyektong imprastruktura na gagawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH)—isang sistemang malaon nang batbat ng korapsyon sa anyo ng mga kikbak at manipuladong proseso ng pagsusubasta. Gaya ng dati, ang gayong sistema ng paglalaan ng pondo ay sumusuhay sa sistemang padrino.

Sa pagsusulong ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa pork barrel at korapsyon ng naghaharing estado, dapat nilang ituon ang kanilang paglaban kay Benigno Aquino III. Hindi lamang siya nakaupo sa tuktok ng bulok na estado, siya ngayon mismo ang pangunahing nagtatanggol at nakikinabang dito. Ginagamit ni Aquino ang kontrol sa bilyun-bilyong pisong pondo upang bilhin ang suporta ng mga pulitiko at patatagin ang kanyang paghahari. Matapos ang tatlong taong korapsyon sa ilalim ni Aquino, malinaw na sinakyan niya ang galit ng mamamayan sa korapsyon ng nagdaang rehimeng Arroyo para lamang ikubli ang sarili niyang kabulukan.

Dapat masusi pang ilantad ang korapsyon ng rehimeng Aquino. Ilantad kung paano ginamit ni Aquino ang pondong pork barrel upang magkamit ng suportang pampulitika noong nakaraang eleksyon. Bukod sa pork barrel, dapat ding ilantad kung paano ginagamit ni Aquino ang kanyang kapangyarihan bilang presidente para kanselahin ang mga kontratang pinasok ng gubyerno ng Pilipinas sa ilalim ng nakaraang rehimen at bumuo ng bagong mga kontratang pabor sa kanyang malalapit na kamag-anak, kapamilya at mga kaibigan.

Dapat ilantad ang impormasyon kung paano nilang kinokopo ang malalaking kontrata sa imprastrukturang publiko, mga insentibo sa pagbuwis at iba pang pribilehiyo, sa kapinsalaan ng mamamayan. Matingkad na halimbawa ang pagdedemolis sa mga maralitang komunidad sa kalunsuran para lamang bigyang-daan ang mga proyekto ng malalaking negosyanteng kapanalig ni Aquino.

Likas na korap at bulok ang naghaharing sistemang pinangangasiwaan ni Aquino at ng kanyang mga kauring malalaking panginoong maylupa at mga kumprador. Atrasado at nabubulok ang sistemang sosyo-ekonomiko. Hindi ito produktibo at hindi nito kayang isustine ang sarili kundi sa pamamagitan ng pagbuhos ng kapital mula sa utang panlabas at dayuhang pamumuhunan. Kontra-kaunlaran at parasitiko ang mga naghaharing uri at sumasandig lamang sa kanilang pampulitikang kapangyarihan para sustentuhan ang kanilang marangyang pamumuhay.

Dapat igiit ng sambayanang Pilipino na tuldukan na ang sistemang pork barrel. Kaalinsabay nito'y dapat nilang igiit na wakasan ang burukratikong kapitalistang korapsyon ng mga naghaharing uring malalaking panginoong maylupa at malalaking kumprador. Dapat ibagsak ng sambayanang Pilipino ang bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema na siyang pundasyon ng gayong sistema ng korapsyon.
Ituon kay Aquino ang protesta laban sa pork barrel



  Article links:

http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/10/ituon-kay-aquino-ang-protesta-laban-sa.html#more




OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES

Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------