Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, January 3, 2014

Hungkag ang astang pangkapayapaan ni Aquino, panabing sa mga abusong militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan--PKP


From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
links:  http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/12/cpp-condemns-afp-attacks-against-npa.html


Hungkag ang astang pangkapayapaan ni Aquino, panabing sa mga abusong militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan--PKP

Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 29, 2013

Translation: Aquino’s hollow claims of peace efforts, coverup for military abuses under Oplan Bayanihan—CPP

Tinuran ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na "hungkag pero maingay" ang deklarasyong ginawa ng rehimeng Aquino na gumagawa ito ng mga hakbang upang ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan sa mga rebolusyonaryong pwersa. Iginiit ng PKP na ang tanging layunin ng gayong deklarasyon ay pagmukhaing mapagmahal sa kapayapaan ang mapandigmang gubyernong Aquino at pagtakpan ang malawakang mga abusong militar sa pagtupad nito ng Oplan Bayanihan nito sa kanayunan.
Ipinamarali kahapon ng gubyernong Aquino na "hindi ito magsasara ng hapag sa usapang pangkapayapaan" at "ikukumbina nito ang iba't ibang paraan upang ituloy ang negosasyon batay sa mga adyendang maaaring makamit at may takdang panahon." Ginawa kahapon ni Teresita Deles, Presidensyal na Tagapayo ni Aquino sa Prosesong Pangkapayapaan, ang gayong pahayag matapos sabihin ng Komite Sentral ng PKP na "Wala itong pagpipilian kundi ang hintayin ang susunod na rehimen para seryosong makipagnegosasyon" matapos patunayan ng rehimeng Aquino "ang kawalang-kaseryosohan nitong makipagnegosasyon para sa isang makatarungang kapayapaan."

Sa pahayag nito sa okasyon ng ika-45 anibersaryo ng PKP noong Disyembre 26, sinabi ng Komite Sentral ng PKP na hindi umaasa ang rebolusyonaryong kilusan magpapatuloy pa ang negosasyong pangkapayapaan sa rehimeng Aquino.

"Hanggang sa ngayon, napatunayang pawang hungkag ang sinasabi ng gubyernong Aquino na ipupursige nito ang negosasyong pangkapayapaan sa mga rebolusyonaryong pwersang kinakatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)," anang PKP. "Sa halip na ipursige ang mga pormal na negosasyong pangkapayapaan, naglalabas lamang ng hungkag na deklarasyong pangkapayaan si Aquino sa midya, subalit kapag walang kamera, ay naglulunsad naman ng isang brutal na gera sa kanayunan."

"Habang naglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka, walang kaubusan ang tiyaga ng sambayanang Pilipino at ng kanilang rebolusyonaryong pwersa na hintayin ang GPH na gumawa ng mga kongkretong hakbang at mga positibong postura upang itulak ang muling pagtutuloy ng mga pormal na negosasyong pangkapayapaan batay sa The Hague Joint Declaration ng 1992, sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at sa mga serye ng magkasamang kasunduang nilagdaan sa mahigit 25 taon ng negosasyon ng NDFP-GPH," anang PKP.

Kung matatandaan noong Abril nitong taong ito, inianunsyo ni Deles na pormal na pinaabutan ng rehimeng Aquino ang Royal Norwegian Government (RNG) ng intensyon ng pagkitil sa negosasyong pangkapayapaan sa NDFP. Ang RNG ang nagsisilbing tagapamagitan sa usapan ng NDFP-GPH. Nauna pa rito, makaisang-panig na idineklara ng dating pinuno ng panel sa usapang pangkapayapaan ng GPH na si Alexander Padilla na hindi na maaaring ipatupad ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) matapos itong paulit-ulit na labagin sa pamamagitan ng sunud-sunod na pag-aresto sa mga konsulatant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan.

"Sa umpisa pa lang, ginawa na ng GPH ang lahat upang hadlangan ang pormal na usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagtatakwil sa mga naunang kasunduan at sa paggigiit na hindi maaaring ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan kung hindi papayag ang NDFP na magdeklara ng magkakasunod na tigil-putukan," pagdidiin ng PKP.

"Tahasan ang pagbalewala nito sa mga umiiral na kasunduan sa pamamagitan ng walang pakundangang paglabag sa mga ito sa mga sunud-sunod na pag-aresto sa mga tauhan ng NDFP sa usapang pangkapayapaan at sa pagtangging tumalima sa mga obligasyon nito na palayain ang mga nasabing konsultant na saklaw ng mga garantiya sa imunidad na nakasaad sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG)," anang PKP. "Ibayo pa itong tumangging makipagtulungan sa panel ng NDFP para muling buuin ang listahan ng mga pangalan ng tauhan ng NDFP sa usapan, na ang file sa kompyuter ay nasira nang ireyd ang mga upisina ng NDFP sa Utrecht, Tha Netherlands noong 2007 sa tulak ng GPH."

"Para pagtakpan ang mapandigmang postura ng rehimeng Aquino matapos ideklara ang pagwawakas ng negosasyong pangkapayapaan sa NDFP, paulit-ulit na ipinangalandakan ni Deles sa midya na mayroon na itong 'bagong mekanismo' upang ipursige ang negosasyong pangkapayapaan sa NDFP."

"Ni anino ng tinaguriang 'bagong mekanismo' ay di pa natin nakikita, kaya't malinaw sa atin na walang gayong bagay, liban na lang kung ang tinutukoy nito'y ang dati nang mga pakanang lokalisadong tigil-putukan na ang layunin lamang ay hatiin at patahimikin ang mga rebolusyonaryong pwersa," anang PKP. "Sa pamamagitan ng gayong mga pakana, nais lamang gamitin ni Aquino at kanyang mga upisyal sa kapayapaan ang diumanong adyenda sa kapayapaan bilang isang pakana upang bigyang matwid ang paglalaan ng ilampung bilyong piso ng publikong pondo na ibinubulsa lamang ng mga upisyal militar at mga tiwaling burukrata."

"Pinauulit-ulit lamang nng rehimeng Aquino ang hungkag na pag-iingay sa midya na itutuloy nito ang usapang pangkapayapaan sa NDFP sa layunin lamang na tabingan ang brutalidad at mga abusong ginagawa ng armadong pwersa nito kontra sa mga sibilyan sa mga lugar na pinagsusupetsahang baseng purok ng rebolusyonaryong kilusan."

"Si Aquino na mismo ang nagpapakitang mas malala kaysa kay Arroyo sa usapin ng mga paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas," dagdag ng PKP. "Inaabuso ng mga armadong pwersa ni Aquino ang mga karapatan at kagalingan ng mga bata, kababaihan, at matatanda. Sa nakaraang tatlong taon, isang kritiko ng rehimeng Aquino na aktibo sa mga demokratikong pakikibaka ang pinapatay kada linggo. Daan-daan ang nananatiling nakakulong dahil sa kanilang paniniwalang pulitikal. Buu-buong komunidad ang isinasailalim sa teroristang paghuhulog ng bomba mula na nagsasapanganib sa buhay ng mamamayan at nagiging sanhi ng malawakang pagkasira sa mga impraistrukturang publiko at kapaligiran."

"Inilulunsad ang mga kampanyang militar sa Oplan Bayanihan ni Aquino na may malinaw na layuning supilin ang mamamayan sa paglulunsad ng mga demokratikong pakikibaka para sa reporma sa lupa at sa paglaban sa pagpasok ng malakihang kumpanya sa pagmimina at operasyong pagtotroso," pagdidiin ng PKP. "Itinutulak ng rehimeng Aquino ang mamamayang maglunsad ng demokratikong pakikibakang masa at ng aramadong paglaban."



-----------------------------


Yayanigin ng ngitngit ng bayan ang rehimeng Aquino sa 2014--PKP

Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 18, 2013

Translation: Aquino regime is bound to be rocked by people's anger in 2014--CPP


Tinatanaw ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mas makapangyarihang mga pakikibakang masa laban sa rehimeng Aquino sa 2014 dahil patuloy na ginagatungan ng huli ang ngitngit ng bayan dahil sa malawakan nitong korapsyon, lumalalang kundisyong pang-ekonomya, di-masawatang pagkawasak ng kapaligiran, bulag na pagpapakatuta sa mga imperyalistang US at sa tahasang pagkabigong harapin ang mga kagyat na pangangailangan ng mamamayan sa gitna ng likas at likha ng taong mga sakuna.

"Labis na ikinababalisa ng sambayanang Pilipino ang mga pang-ekonomyang prayoridad ng rehimeng Aquino na pangunahing nagsisilbi sa interes ng mga dayuhang kumpanya at ng kanilang lokal na malalaking katuwang sa negosyo, malalaking panginoong maylupa tulad ng angkang Aquino-Cojuangco at mga parasitikong burukarata kapitalista," anang PKP.

"Habang ligtas ang naghaharing uri sa krisis sa ekonomya, mayorya ng sambayanang Pilipino ay nasasadlak sa lumalalang kawalang hanapbuhay, ibayong pagbaba ng tunay na sahod, pagtaas ng presyo ng pagkain, gamot, gas, at iba pang saligang produkto, papalalang kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan at pangkawasak ng kapaligiran," anang PKP.

"Ang pagsalubong sa bagong taon ng panibagong pagtaas ng krudo at presyo ng langis at ng bagong pagtaas ng buwis na ipinataw sa sigarilyo at iba pang produkto ay pasilip sa mas matinding pagdurusang haharapin ng sambayanang Pilipino sa darating na taon," anang PKP.

"Napako lahat ang mga pangako ni Aquino na malinis na gubyerno at reporma. Ang retorika ni Aquino ng 'pag-asa' ay puspusang itinakwil at ibinasura ng laganap na sinisismo sa hanay ng uring anakpawis at maging sa panggitnang uri ng maliliit na propesyunal, guro, empleyado ng gubyerno, estudyante, tagamidya at maliliit at panggitnang negosyante."

"May lumalakas na sigaw para sa pagpapatalsik kay Aquino laluna matapos itong malantad bilang Hari ng Pork Barrel at ng kanyang kriminal na kabiguang paghandaan ang superbagyong Yolanda at mabilis na kumilos para harapin ang pangkagipitang pangangailangan ng mamamayan matapos ang malawakang pagkasalanta," anang PKP.

"Magiging pinakamakitid na target si Aquino ng protestang masa habang lalong nasisilip ng mamamayan sa manipis niyang belo ang kanyang pangmidyang mga gimik na pang-PR at mga tahasang kasinungalingang ginagawa ng kanyang yellow army ng mga nagmamanipula sa midya at mga sarbey," dagdag ng PKP.

"Sa nakaraang taon, hindi maiwasan ni Aquino na malagay sa sentro ng sigwa ng protestang bayan laban sa tiwaling sistema ng pork barrel, dahil sa pilit niyang pagtatanggol ng pork barrel ng Malacañang na umaabot ng ilandaang bilyong piso kahit walang aytem sa badyet," pagdidiin ng PKP. "Habang ipinamamarali ang paglaban sa korapsyon, ipinagtatanggol ni Aquino ang tiwaling sistema ng paggasta ng pondo na solo niyang kapasyahan, na ginagamit niya para langisan ang mga burukrata kapitalista at bilhin ang kanilang pampulitikang katapatan."

"Katatangian ang susunod na tatlong taon ng mga desperadong hakbang ng naghaharing pangkatin upang manatili sa poder sa harap ng papalakas na sigaw na patalsikin si Aquino sa poder," anang PKP. "Sunud-sunod ang isasagawa nitong maniobrang pampulitika at pang-militar upang tiyakin ang pananatili ng mga kaalayado ni Aquino sa poder sa imbing pagtatangkang mailigtas siya sa kriminal na prosekusyon para sa mga malalalang krimen ng malawakang panunuhol at pandarambong, maging sa krimen laban sa sangkatauhan na nagawa ng kanyang armadong pwersa sa ilalim ng kampanya ng panunupil ng Oplan Bayanihan."

"Nananatiling mapagbantay ang sambayanang Pilipino sa mga maniobra upang amyendahan ang konstitusyon ng 1987 upang maging mas masunurin ito sa mga kundisyong itinakda ng mga imperyalistang US para sa pagsapi ng Pilipinas sa Trans-Pacific Partnership Agreement," dagdag ng PKP. "Tahimik na tagasuporta si Aquino ng chacha hindi lamang para tumalima sa mga dikta ng US, kundi para mailusot ang sistema ng alokasyong pork barrel na idineklarang di-konstitusyunal kamakailan ng reaksyunaryong Korte Suprema, at upang tanggalin ang pagbabawal laban sa magkakasunod na termino ng panunungkulan."

"Nakatakdang paigtingin ng US ang pagtatayo ng mga base militar nito sa Pilipinas at ang pagpapalaki pang lalo ng presensyang militar nito sa bansa, na mas malaki na kaysa noong mga nakaraang taon sa usapin ng bilang ng mga pagdaong at pagpasok ng mga tropa nito, aircraft carriers, eroplanong pandigma at iba pang makinaryang pandigma."

"Sa suporta ng US, sasandig ang rehimeng Aquino sa panunupil militar upang apulain ang malakihang pag-aalsa ng mamamayan laban sa katiwalian nito, pagpapakatuta at anti-mamamayang mga patakarang pang-ekonomya," anang PKP.

"Sa direksyon ng PKP, maglulunsad ng mas madalas na mga taktikal na opensiba ang Bagong Hukbong Bayan upang durugin ang mahihinang yunit ng kaaway at makasamsam ng mas maraming armas," pagdidiin ng PKP. "Sa taong ito, bawat kumand ng BHB ay dapat magsikhay na lagpasan ang dating dami ng sandatang nakumpiska sa reaksyunaryong pwersang militar, paramilitar at pulisya."

"Habang papatapos na ang 2013, depinido nating maidedeklara ang pagkagapi sa Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino na bigo sa mga idineklara nitong layuning pawangsaysay ang armadong lakas ng Bagong Hukbong Bayan sa kalagitnaan ng taong ito," anang PKP.

"Dapat idirihe ng PKP ang pagpapalakas ng digmang bayan sa buong bansa, pamunuan ang pagpapaigting rebolusyonaryong armadong pakikibaka habang naglulunsad ng malawakang mga kampanya sa reporma sa lupa  at ng pagpapalakas ng baseng masa nito at pagtatayo ng mga istruktura ng demokratikong gubyernong bayan."








  Article links:

http://theprwcblogs.blogspot.com/2014/01/yayanigin-ng-ngitngit-ng-bayan-ang.html

http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/12/hungkag-ang-astang-pangkapayapaan-ni.html






OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES


http://www.philippineinsurgency.co.nr/


PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------