Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, January 8, 2021

Mga sibilyan at hindi NPA ang pinaslang ng mga militar at pulis sa Baras, Rizal

 




From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://cpp.ph/statements/mga-sibilyan-at-hindi-npa-ang-pinaslang-ng-mga-militar-at-pulis-sa-baras-rizal/


Mga sibilyan at hindi NPA ang pinaslang ng mga militar at pulis sa Baras, Rizal

Salungat sa pinalalabas na kwento ng militar at pulis sa masmidya, isang masaker at hindi engkwentro ang nangyaring pagpaslang sa tinaguriang Baras 5 ng mga tropa ng 2nd Infantry Divison ng Philippine Army at PNP Region IV-A sa isang Mango Farm sa Sityo Malalim, Barangay San Jose, Baras, Rizal.

Nagkukumahog ngayon ang mga mersenaryo at pasistang tropa ng rehimeng US-Duterte sa pag-iimbento ng mga idadahilan upang pagtakpan ang nagawa nilang karumal-dumal na krimen sa pagmasaker sa limang (5) sibilyan na nasa isang pribadong Mango Farm sa Sityo Malalim, Barangay San Jose, Baras, Rizal noong madaling araw ng Disyembre 17, 2020. Nauna nang ipinahayag ng pamunuan ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army (2nd IDPA) at Philippines National Police Region 4A (PNP Region IV-A) na matataas na opisyal ng NPA Southern Tagalog ang kanilang nasagupa at napatay habang diumano’y isinisilbi ang warant of arrest sa isang nagngangalang Antonio Cule na diumano’y mataas na opisyal ng NPA sa rehiyon.

Mabilis ding nalantad ang hinabing kwentong ito ng militar at pulis matapos mapatunayan na caretaker at nagtatrabaho sa farm sina Carlito Zonio, magpinsang Jonathan at Niño Alberga, Vilma Salabao at Wesley Obmerga. May kidney failure at tuberculosis sa buto si Wesley habang isang cancer patient at dumaranas ng matinding arthritis si Vilma.

Batay sa mga napaulat sa mga pahayagan at nakalap naming impormasyon, si Carlito Zonio ay tatlong taon nang nagtatrabaho bilang head security at caretaker ng Farm at ang magpinsang Jonathan at Niño Alberga ay mga security guard dito. Samakatuwid, walang nadakip o napatay na Antonio Cule sa mga pinaslang nilang sibilyan sa Mango Farm. Gamit ng mga security guard ang mga iprinisintang armas na diumano ay sa NPA at ang iba pang diumanong ebidensya ay mga tanim na ebidensya ng PNP at 80th IB ng Philippine Army.

Walang kagatol-gatol na nagsisinungaling si dating heneral Eduardo Año ng DILG sa paglulubid ng kwento na kabilang sa sparrow unit ang limang mga “napatay” sa Baras, Rizal upang palabasing “lehitimo” ang ginawang operasyon at pagpaslang sa mga biktima.

Ginawa ni Año ang pantantiskong istoryang ito isang araw matapos banggitin ni Marco Valbuena ng Public Infromation Bureau ng CPP na may pangangailangan na magbuo ang CPP ng mga yunit partisano para parusahan ang mga may malalaking kasalanan sa bayan. Hindi pa man nagmamateryalisa at kinukunsidera pa lamang ng CPP ang pagtugon sa popular na kahilingang ito ng iba’t ibang seksyon ng mamamayan ay nanginginig na sa takot ang mga berdugong pasista at anti-komunistang nasa NTF-ELCAC, AFP at PNP tulad ni Año at Lorraine Badoy.

Lalo nang hindi paniniwalaan ng taumbayan ang mga garapal na kasinungalingan na hinahabi ni General Año sa publiko para bigyan katwiran ang masaker. Paanong magiging operatiba ng sparrow unit sina Vilma at Wesley na halos hirap nang makakilos dahil sa malubha nilang karamdaman? Paano paniniwalaan ang deklarasyon ng isang berdugo at mamamatay-tao na utak sa likod ng mga extra-judicial killing, pagdukot at pagkawala ng maraming aktibista kabilang sina Jonas Burgos, Sherlyn Cadapan at Karen Empeño sa panahong nanunungkulan siya bilang hepe ng ISAFP? Si Año din ang protektor at padrino ng berdugong si Gen. Jovito Palparan.

Saksi ang maraming sibilyan na nakatira sa malapit sa Farm na kilala nila at ginagarantiyahan nilang mabubuting tao ang 5 sibilyang pinaslang ng pinagsanib na pwersa ng 2nd IDPA at PNP Region IVA. Partikular, madalas nilang nakakausap at nakakasalamuha si Vilma Salabao. Ayon sa mga naging pahayag ng mga residente sa paligid ng Farm, wala silang nakitang armas o palatandaan man lamang na kabilang sa NPA si Vilma at mga kasamahan nitong nagtatrabaho sa Farm.

Mariing kinokondena ng NDFP-Southern Tagalog ang ginawang masaker ng 2nd IDPA at PNP Region IVA sa mga inosenteng sibilyan na walang kinalaman sa nagaganap na panloob na armadong tunggalian o gyera sibil sa bansa. Ang pagpaslang ng mga armadong pwersa ng rehimeng Duterte sa limang sibilyan ay lansakang paglabag sa alintuntunin sa internasyunal na makataong batas at iba pang batas ng digma alinsunod sa United Nations Geneva Convention of 1949 at ang sumunod na Protocols 1 and 2 of 1977. Sa partikular, tahasang nilabag ng AFP at PNP ang probisyon sa Article 3 ng Protocol 2 na nagbibigay ng proteksyon sa mga biktima ng armadong tunggalian na walang katangiang internasyunal subalit isang armadong tunggalian na nangyayari sa loob ng mga hangganan ng iisang bansa. Nilalayon ng Protocol 2 na masaklaw ng mga internasyunal na makataong batas maging ang mga digmaang sibil o internal na armadong tunggalian. Nakasaad sa Common Article 3 ng Protocol 2 ang sumusunod:

a. Persons taking no active part in hostilities should be treated humanely (including military persons who hace ceased to be active as a result of sickness, injury o detention).

b. Humanitarian principles should apply regardless of the identity of the combatants;

c. The wounded and sick shall be collected and cared for

Tahasang nilabag din ng pasistang rehimeng US-Duterte ang Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaan ng dating Pangulong Joseph Esrtada ng GRP at Manuel Romero ng NDFP noong 1988 resulta ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Alinsunod sa CARHRIHL:

Civilians or those taking no active part in the hostilities” are protected from “desecration of the remains of those who have died in the course of the armed conflict … and breach of duty to tender immediately such remains to their families or to give them decent burial.

Napakalupit para sa pamilya ng mga naulila na pati sila’y parusahan at padaanin sa hirap sa pagkuha ng mga labi ng kanilang mahal sa buhay. Ayon sa pamilya ng mga pinaslang na sibilyan, halos padaanin sila sa butas ng karayom bago makuha ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay. “Patay nang lahat ay pilit pang ipinagkakait sa kanila na makuha ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay”, dagdag pa nila.

Nilalabag ng AFP at PNP maging ang mga karapatan at kinagawiang tradisyon ng mga PIlipino na magluksa ng tahimik at pribado sa panahon ng burol ng kanilang mahal sa buhay. Ang tradisyon at karapatan ng pamilya na maidaan sa simbahan ang labi ng kanilang mga mahal sa buhay para alayan ng misa at mabasbasan ng pari at maihatid ng maayos sa huling hantungan upang mapagkalooban ng marangal na libing.

Hanggang sa kasalukuyan, magtatatlong linggo na ang lumipas subalit patuloy na ibinibinbin at ipinagkakait sa pamilya at kaanak ang labi ni Vilma Salabao. Naging patakaran na ng AFP at PNP sa panahon ng pasistang paghahari ni Duterte ang pag hostage o sadyang pagbinbin sa mga labi ng kanilang mga nagiging biktima ng karumal-dumal na krimen. Tulad ito sa nangyari kay Ka Ermin Bellen na kanilang pinaslang sa Antipolo, Rizal noong Disyembre 2019, sa Kalayaan 4 ng Laguna noong Agosto 2020, sa kaso ng mag-asawang NDFP Consultants na sina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio sa Angono Rizal, sa apat na kasamang magkakasunod na napaslang sa Mansalay, Socorro at Bulalacao sa Mindoro Oriental at ang pinakahuling dalawang kasamang napaslang sa Aguas, Rizal, Mindoro Occidental.

Sadyang ginagawa ng mga pasistang tropa ni Duterte ang pagbibinbin sa mga labi para linisin at pagtakpan ang anumang ebidensya na magpapatunay na isang summary execution at masaker ang nangyari at hindi ang gasgas na dahilan ng PNP at AFP na “nanlaban” ang mga biktima kaya napatay habang isinisilbi ang diumano’y warrants of arrest. Sila’y mga walang budhi para pagmalupitan maging ang kapamilya ng kanilang mga napapatay na mga kasapi ng NPA na hindi sangkot sa nagaganap na armadong tunggalian sa bansa.

Katarungan ang panawagan ng pamilya ng 5 biktima ng masaker sa Baras, Rizal at sa lahat ng mga iba pang naging biktima ng mga karumal-dumal na krimen, kultura ng karahasan at impyunidad ng AFP at PNP ng pasistang rehimeng US-Duterte. Kinasusuklaman nila ang gubyernong Duterte na siyang dahilan kung bakit lalong naging halang ang mga bituka at trigger happy kung pumatay ang mga kagawad ng pulis at militar sa mga kaawa-awang mga sibilyan. Isinisi din nila sa gubyernong Duterte ang labis na kahirapan at pang-aapi na kanilang nararanasan dahil sa mga anti-mamamayan at pro-imperyalistang mga patakaran ni Duterte . Dahil dito, patuloy na lumalakas at lumalawak ang panawagan ng taumbayan para ibagsak ang tiwali, inutil, traydor, tiraniko at teroristang rehimeng Duterte.

Sa kabilang banda, titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na mapananagot ang lahat ng mga may kinalaman sa naganap na masaker sa Baras, Rizal at sa iba pang mga krimen at paglabag sa karapatang pantao ng AFP at PNP laban sa mga mamamayan sa rehiyon. Sa abot ng makakaya, titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na maipagkakaloob sa pamilya at mga kaanak ang hinihingi nilang rebolusyonaryong hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay na naging biktima ng karahasan at terorismo ng pasistang rehimeng US-Duterte.###




CPP/NPA/NDF Website




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------