From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://philippinerevolution.nu/angbayan/200-pamilya-pinalalayas-ng-authority-of-the-freeport-area-of-bataan/
200 pamilya, pinalalayas ng Authority of the Freeport Area of Bataan
Hanggang Enero 6 na lamang ang taning ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) sa may 200 pamilyang residente ng Narra Dormitory sa Barangay Maligaya, Mariveles, Bataan para umalis. Pinalalayas ang mga residente dahil sasaklawin ng pagpapalawak ng FAB ang naturang lugar.
“Walang konsiderasyon ang AFAB sa mamamayan ng Mariveles. Ginagamit nila ang kapangyarihang lampas sa kakayahan ng lokal na gubyerno at tahasang nilalabag ang karapatan ng bawat isang Mariveleño,” ayon sa NMFAB. Babala pa ng grupo ng mga manggagawa, hindi lamang Narra Dormitory ang maaapektuhan ng mga demolisyon at pagpapalayas dahil mayroon pang mga sasaklawin ng pagpapalawak ng FAB alinsunod sa FAB Expansion Act.
Ayon kay Jaime Azores, dating bise-presidente ng Narra Lodgers Association, “Sapilitan kaming pinapirma sa isang waiver na nagsasabing sumasang-ayon na kami at aalis na sa lugar. Nagbanta rin [ang AFAB] na kapag kami ay hindi pipirma sa waiver na kanilang pinanotaryohan ay puputulan kami ng kuryente at papalayasin na kaagad.”
“Sa takot namin, pumirma na ang karamihan kahit pa labag ito sa aming kalooban. Ikaw ba naman ang kuyugin ng AFAB Police? Anong mararamdaman mo?” dagdag pa ni Azores.
Deka-dekada nang naninirahan ang mga residente ng Narra Dormitory sa naturang lugar. Nagbabayad sila ng ₱320 kada kuwarto kada buwan bilang renta. Itinayo ito noong panahon pa ng diktadurang Marcos para sa pabahay ng mga manggagawa sa Bataan Export Processing Zone (BEPZ) na ngayon ay kilalang FAB.
“44 years na akong nakatira rito at karamihan sa amin ay dito na nagkaroon ng pamilya at mga apo. Tapos papalayasin kami? Dadalhin kami dun sa Alas-asin, pababayaran sa amin ng ₱1,000 sa pinakamababa ang renta, malayo pa sa aming trabaho,” pagdidiin ni Azores.
Nanawagan ang NMFAB sa kapwa manggagawa at sa demokratikong mga sektor na suportahan ang laban ng Narra Lodgers Association at mga kasapi nito. Anang grupo, “Hindi makatarungan ang ginagawang sapilitang pagpapalayas sa humigit-kumulang 200 pamilya ng Narra Dormitory. Ang pangyayaring ito ay isang paglabag sa kanilang karapatang mamuhay ng disente at payapa.”
Giit nila na maraming maaapektuhan sa pangyayaring ito hindi lang ang mga manggagawa na nagtitiis sa kakarampot na kita maging ang mga kabataan na nag-aaral sa eskwelahan. Dapat umanong umaksyon ang lokal na gubyerno ng Mariveles at ng Bataan para sa kagalingan ng mga manggagawa at maralita.
Ang FAB ay tinaguriang isang special economic zone sa hawak ng gubyerno na nagbibigay sa mga kumpanya ng mga insentibo para sa pamumuhunan, na kadalasan ay sa kapinsalaan ng mga manggagawa at maralita. Binibigyan ng FAB ang mga kumpanyang pumapasok dito ng insentibong hindi pagbabayad ng buwis at ibang pabor sa ngalan ng “ease of doing business.” Mayroong kasalukuyang 18 “expansion areas” sa buong prubinsya ang FAB labas sa orihinal na lokasyon nito sa timog na bahagi ng Bataan. Mayroon itong hindi bababa sa 40,600 deklaradong manggagawa.
CPP/NPA/NDF Website
Article links:
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
--------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------