From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article :https://philippinerevolution.nu/statements/tutulan-ang-pakikialam-ng-us-sa-ayungin-sa-pamamagitan-ng-palawan-command-center/
ariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP) ang gubyerno at militar ng United States sa pakikialam sa mga usapin ng Pilipinas sa South China Sea, partikular sa pagdidirihe sa mga operasyong nabal sa Ayungin Shoal, sa pamamagitan ng Command and Control Fusion Center (US Task Force Ayungin).
Ang pagkakaroon ng mga sundalong Amerikano at mga tagapayong militar sa tinatawag na command and control center, na matatagpuan sa loob ng himpilan ng Western Command (Wescom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Palawan, ay inamin lamang kahapon ni US Defense Sec. Lloyd Austin III sa isa niyang pahayag.
Ang pasilidad na ito ay isa sa maraming pasilidad militar ng US sa buong bansa na hindi upisyal na inaamim sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), kaya kung tutuusi’y iligal na umiiral kahit sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas.
Ang pag-iral ng command and control center ng US ay patunay ng malalim na pagkakasangkot nito sa mga operasyon ng AFP at Philippine Navy at Coast Guard sa South China Sea.
Ang pagtawag sa sentro bilang “command and control,” na sa mga terminong militar ay nangangahulugang mayroong awtoridad na magtakda ng direksyon at kumand sa mga taktikal na operasyon, ay malakas na pagpapahiwatig na ang US Pentagon at militar mismo nito ang nagtatakda sa mga operasyon sa Ayungin Shoal at South China Sea.
Dahil sa pagbubunyag na ito, dapat na itanong kung kasangkot ba ang militar ng US sa pagpaplano at pagpapatupad ng misyon ng resupply sa BRP Sierra Madre noong Hunyo 17, 2024 na nagresulta sa isang salpukan sa gitna ng dagat sa pagitan ng mga tauhan ng hukbong-dagat ng Pilipinas at mga puwersa ng coast guard ng China. O kung ang command and control center na ito ay itinatag pagkatapos ng insidente, sa udyok ng ilang upisyal ng US na pumuna sa “kawalan ng koordinasyon” ng AFP.
Anupaman, malinaw na ipinakikita ng presensya ng Task Force Ayungin ng militar ng US na ang mga operasyong nabal at maniobrang maritime na isinasagawa ng AFP at Philippine Coast Guard ay nasa ilalim na ngayon ng direktang kumand ng militar ng US.
Dapat tutulan ng mga Pilipino ang US Task Force Ayungin at igiit ang agarang pag-aalis ng mga sundalong US at mga tagapayong militar sa nasabing command and control center, at ang pagbuwag sa lahat ng mga pasilidad militar ng US sa Palawan at sa buong bansa. Dapat din nilang tutulan ang bagong nilagdaang General Security of Military Information Agreement (GSOMIA), isang kasunduan para sa diumano’y “intelligence sharing,” na magbibigay daan sa tahasang pag-ooperasyon ng mga espiya ng US sa loob ng bansa.
Ang gubyerno ng US, na nagpapatupad ng malinaw na mga hakbangin pang-ekonomya, pampulitika at pang-militar na laban sa China, ay malinaw na pwersang kontra sa mga pagsisikap na lutasin ang mga alitan sa South China Sea sa pamamagitan ng kapayapaan at dayalogo. Ang paglalagay ng mga pwersa ng militar at hukbong-dagat ng Pilipinas sa ilalim ng kumand at awtoridad ng US ay naglilingkod lamang sa interes ng US na painitin ang alitan sa China at palakihin ang posibilidad ng pagsiklab ng gera.
CPP/NPA/NDF Website
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
--------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------