Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Wednesday, April 29, 2026

Hinggil sa Masaker sa Toboso

 

 

From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article : 
PRWC » Hinggil sa Masaker sa Toboso




Hinggil sa Masaker sa Toboso


Mahigpit naming binabatikos ang Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang 79th Infantry Battalion, sa walang pakundangan at labis-labis na pagpaslang sa 19 katao, kapwa mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), at hindi armadong mga indibidwal sa Barangay Salamanca, bayan ng Toboso, Negros Occidental noong nakaraang Abril 19.

Binibigyang-pugay namin ang iskwad ng sampung Pulang mandirigma ng BHB na lumaban sa mga pasista hanggang sa huling hininga. Sila ay sina:

1. Roger Fabillar (Ka Tapang), na nagsilbing kumander ng Northern Negros Front ng BHB

2. Sonny Boy Caramihan, 28, mula sa Barangay Bagonbon, San Carlos City;

3. Rene Villarin Sr., 57, Barangay Marcelo, Calatrava, squad leader;

4. Pedro Bonghanoy, medical officer, Barangay Libertad, Escalante City;

5. Arnel Javoc, 32, mula sa Barangay Lalong, Calatrava;

6. Joros Caramihan y Ramos, 18, mula sa Don Salvador Benedicto;

7. Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), Instruktor sa Pulitika; at

8. Genevieve Balora (Ka Raia), mula sa Bacolod City, kadre ng Partido sa distrito

9. Labskie Purisimia Enustacion, 33, ng Sityo Tinibawan, Barangay Bug-ang, Toboso

10. Jocel Gimang, 18, ng Sityo Bautista, Barangay Malasibog, Escalante City

Nakikidalamhati kami sa mga mahal sa buhay at mga kasama ng nasawing mga Pulang mandirigma ng BHB. Mabigat sa aming puso ang kanilang pagpanaw. Bilang mga rebolusyonaryong mandirigma, buong-puso silang naglingkod sa sambayanang Pilipino, laluna sa mga pinagsasamantalahan at inaaping magsasaka at manggagawang-bukid ng Negros. Minahal sila nang lubos ng masa. Salungat sa paghihigpit ng militar sa kanilang mga komunidad, humanay sa mahabang konboy ang mamamayan ng Toboso at Calatrava upang ihatid ang kanilang minamahal na mga Pulang mandirigma sa kanilang huling hantungan, bilang pagpapamalas ng mataas na paggalang at malalim na pasasalamat.

Dumanas ng taktikal na pagkatalo ang Bagong Hukbong Bayan sa masaklap na araw na iyon, ngunit nananatiling malinaw ang tanaw at determinasyon nitong sumulong sa rebolusyonaryong landas tungo sa estratehikong tagumpay. Ang kagitingan at kabayanihan ng mga Pulang mandirigma sa Toboso ay nagsisilbing inspirasyon sa masang inaapi na magbangon at lumaban sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Ang dugong dumanak mula sa mga nasawing mandirigma sa kanilang huling labanan ay nagpapataba sa lupa para sa digmang bayan, kung saan sisibol ang mas maraming Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Ipinapaabot din namin ang aming marubdob na pakikiramay sa mga pamilya at kaibigan nina:

1. Roel Sabillo, 19, residente ng Barangay Tabunac, Toboso

2. R.J. Nichole Ledesma, 30, community journalist mula sa Bacolod City

3. Alyssa Alano, councilor, UP Diliman Student Council

4. Maureen Keil Santuyo, 24, miyembro, National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA-Youth)

5. Errol Wendel, 24, miyembro, Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura

6. J.G., 15, residente ng Sitio Plarending, Barangay Salamanca, Toboso

7. Lyle Prijoles, 40, mula sa International Coalition for Human Rights in the Philippines, ng San Francisco, California (USA)

8. Kai Sorem, 26, mula sa Seattle, Washington (USA)

9. D.P., 17, Sityo Buklog, Barangay Lalong, Calatrava, Negros Occidental

Batay sa paunang impormasyon na aming nakalap, pinaslang sila sa kabila ng katotohanang wala silang armas o hindi mga kombatant. Kabilang sa kanila ang isang mamamahayag, isang lider-estudyante, mga organisador ng magsasaka, mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao mula sa ibayong dagat, at mga lokal na residente. Dalawa sa mga biktima ay mga bata.

Nagbibigay-pugay kami sa mga biktima ng Masaker sa Toboso, kapwa sa mga Pulang mandirigma at sa kanilang lahat ng buong-pusong piniling ialay ang kanilang lakas, kaalaman at kakayahan upang paglingkuran ang interes ng masang inaapi at pinagsasamantalan. Sundan natin ang landas na kanilang tinahak para sa katubusan ng bayan.

Mayroong pananagutan ang mga upisyal at operatiba ng AFP sa sadya at walang pakundangang pagpatay. Dapat silang papanagutin at parusahan sa kanilang malubhang krimen sa ilalim ng internasyunal na makataong batas.

Lumabas din sa social media ang mga bidyo mula mismo sa mga kamera ng drone ng AFP na nagpapakita na si Ka Tapang ay buhay pa, at tila wala na sa pusisyong lumaban. Nagpapahiwatig ito na siya ay sadyang pinatay ng mga pasista, sa halip na dinakip bilang bihag ng digma. Hinihimok namin ang iba pang may konsensyang mga elemento ng AFP na may hawak ng iba pang bidyo mula sa drone na ipuslit ang mga ito at lumantad upang ibunyag ang tunay na pangyayari kung paano isinagawa ang mga brutal na krimen, taliwas sa hinahabi ng kanilang nakatataas na upisyal.

Desperadong pinagtatakpan ng AFP ang kanilang mga krimen, at bumubuo ng gawa-gawang kwento upang suhayan ang kanilang mga kasinungalingan. Ang unang pahayag ng AFP na pitong baril ang nakuha sa lugar, kalauna’y naging 20 (at sa huli’y 24), upang palabasin na lahat ng napatay ay mga armadong kombatant.

Sapilitang pinalikas ng AFP ang mga lokal na residente at hinarangan ang lugar upang kontrolin ang impormasyon at pigilan ang midya at mga independyenteng grupo na maisagawa ang mga panayam at epektibong imbestigasyon sa masaker. Makalipas ang ilang araw, isang grupong inorganisa ng militar ang pinayagang magsagawa ng hungkag na “fact-finding mission” para gumawa ng kwentong sertipikado ng AFP na tumutugma sa kanilang upisyal na kathang-isip ng isang “lehitimong operasyon.”

Dahil hindi makapaniwala, iba’t ibang personalidad at sektor ang nanawagan para sa isang independiyenteng imbestigasyon. Inianunsyo ng Commission on Human Rights (CHR) na magsasagawa ito ng imbestigasyon, bagaman dati na itong gumawa ng katulad na hungkag na pahayag. Matatandaang nangako silang iimbestigahan ang masaker sa pamilya Fausto noong 2023 sa Himamaylan City, Negros Occidental na kinasangkutan ng 94th Infantry Battalion ng AFP, ngunit bigong makapaglabas ng anumang makabuluhang resulta halos tatlong taon mula noon.

Ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino ay nagdurusa sa lumalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa harap ng lumalalang krisis sa ilalim ng papet at pasistang rehimeng Marcos. Inutusan ni Marcos ang kanyang mga armadong alagad sa AFP at National Task Force-Elcac na paigtingin ang kanilang pag-atake sa mamamayan sa tabing ng “kapayapaan at kaunlaran.” Tulad ng kanyang amang diktador, gumagamit si Marcos Jr ng mga taktika ng terorismo upang isailalim ang mamamayan sa pampulitikang panunupil, laluna sa kanayunan, kung saan naghahari ang batas militar.

Kailanma’y hindi nagtagumpay ang terorismo ng estado na durugin ang kalooban ng sambayanan. Mabibigong pigilan ng mga atake ng rehimeng Marcos ang mamamayan sa paglaban. Taliwas dito, ang pasistang brutalidad nito ay nagpapasidhi lamang sa determinasyon ng mamamayan, at nagpapatunay sa pagkamakatarungan at pangangailangang isulong ang armadong rebolusyon.

Buo ang determinasyon ng Bagong Hukbong Bayan na maghatid ng rebolusyonaryong hustisya sa lahat ng biktima ng masaker sa Toboso.

Patuloy na maglalagablab at kakalat sa buong bansa ang apoy ng digmang bayan, habang patuloy na nag-aalab sa dibdib ng sambayanang Pilipino ang kanilang mithiin para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.




CPP/NPA/NDF Website



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
----------------------------
-