From the Website of PRWC
Pananagutan ng GPH ang muling pagkaunsyami ng usapan
ANG BAYAN
21 October 2011
Download PDF
Muli na namang mauunsyami ang nakatakda sanang pagdaraos ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Pilipinas (GPH) sa Oktubre 31-Nobyembre 12 sa Oslo, Norway. Ito'y dahil nabigong muli ang GPH na tupdin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Oslo Joint Statements ng Enero at Pebrero 2011 na palayain ang karamihan kundi man lahat ng 17 ibinilanggong konsultant ng NDFP na protektado ng JASIG.
Katatapos lang ng GPH na mangako noong Setyembre na tutupdin ang obligasyong ito bago mag-Oktubre 10. Ito ay para mabigyan pa ng pagkakataon ang magkabilang panig na maghanda para sa kanilang paglahok sa negosasyong pangkapayapaan sa Oslo.
Binitiwan pa man din ng mga kinatawan ng GPH ang pangakong ito sa harap ng upisyal na kinatawan ng gubyerno ng Norway na nagsisilbing tagapamagitan sa usapang pangkapayapaan. Pero halos dalawang linggo na ang lumipas mula sa itinakdang dedlayn na pangakong pagpapalaya ay wala pa ring ginagawang hakbangin ang GPH para tuparin ito. Bagkus ay nagmatigas ang GPH at ang AFP na wala itong hawak na mga bilanggong pulitikal at pawang mga detenidong may kasong kriminal ang tinutukoy ng NDFP. Mismong pinuno ng negotiating panel ng GPH ang nagsabing hindi makaaasa ang NDFP na may mapalalaya pang konsultant nito.
Nais sana ng NDFP na matuloy na ang pakikipagnegosasyon sa GPH upang resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian at makabuo ng mga kasunduan hinggil sa mga batayang reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika para mailatag ang daan tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas. Subalit ginawa nang imposible ng GPH na matuloy pa ito sa Oktubre 31.
Sukatan ng sinseridad ng NDFP na ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan ang ipinakikita nitong pagpapasensya na maghihintay nang kahit ilang panahon para tuparin ng GPH ang mga obligasyon nito. Sa balikat ng GPH nakaatang ang pananagutan at kahihiyan kung bakit patuloy na naipagpapaliban ang pormal na usapan.
Sa kabiguan nitong tuparin ang mga obligasyon nito, ipinakikita ng GPH na hindi ito interesado na ituloy ang pakikipagnegosasyon sa NDFP. Panay lamang ang satsat nito tungkol sa usapang pangkapayapaan subalit wala naman itong ipinakikitang kaseryosohan sa aktwal na pakikipagnegosasyon para resolbahin ang mga saligang suliranin ng bayan na siyang ugat ng rumaragasang digmang sibil sa bansa.
Lumalabas na makabuluhan lamang ang usapang pangkapayapaan para sa GPH kung magsisilbi ito sa pasipikasyon at pagpapasuko sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Sa gayon, ginagamit lamang itong palamuti para pagtakpan ang kalupitan ng Oplan Bayanihan, isang brutal na kontra-rebolusyonaryong kampanyang dinisenyo ng imperyalismong US. Ang bukambibig na kapayapaan ng Oplan Bayanihan ay walang iba kundi pagpapatahimik sa mamamayang gutom, api at pinagkaitan ng katarungan.
Nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na harapin ang mapanlinlang na patakarang ito ng GPH. Determinado nitong panghawakan ang mga saligang kahilingan ng mamamayang Pilipino para sa katarungang panlipunan at pambansang kalayaan, sa larangan ng usapang pangkapayapaan at sa larangan ng mga pakikibakang masa at armadong paglaban.
Ang krisis ng naghaharing sistema ng malalaking panginoong maylupa at kumprador ay patuloy na lumalala at gumagatong sa galit at paglaban ng mamamayang Pilipino. Sa harap ng kinakaharap na labis na kahirapan at pagdurusa, ibayong nagpupunyagi ang mamamayang Pilipino na bagtasin ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka upang labanan ang pananalasa ng mga naghaharing uri at kanilang mga imperyalistang amo.
Maidaos man ang negosasyong pangkapayapaan o hindi, patuloy na susulong ang rebolusyonaryong kilusan upang itaguyod ang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
PRWC Website
Links: