Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, November 11, 2011

Bago ang kanyang pagdalo sa 19th APEC Economic Leaders’ Meeting













From the Website of the GPH - Government of the Philippines
Links:  http://www.gov.ph/2011/11/11/departure-statement-of-president-aquino-before-attending-the-19th-apec-economic-leaders-meeting-november-11-2011/



Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Bago ang kanyang pagdalo sa 19th APEC Economic Leaders’ Meeting
[Inihayag sa NAIA Terminal 2 noong ika-11 ng Nobyembre 2011]

Magandang hapon po. Maupo po tayong lahat.

Unang una po, bumabati ako ng happy birthday kay Vice President Jejomar Binay—batambata po sa araw na ito. [Applause] Marami po siyang hinanda; dumalo lang po kayo sa kanya. Ako po’y ikain na lang n’yo. [Laughter

Ating kagalang-galang na miyembro ng gabinete, Senator Drilon; Mayor Tony Calixto; Representative Emi Calixto-Rubiano; Chief of Staff General Eduardo Oban; Police General Nick Bartolome; Admiral Ramon Liwag of the Coast Guard; Lieutenant General Oscar Rabena of the Airforce; Vice Admiral Alexander Pama of the Navy; Major General Emmanuel Bautista of the Philippine Army; honored guests; fellow workers in government; ladies and gentlemen:

Good afternoon.
Ngayong hapon, luluwas po tayo patungong Estados Unidos upang dumalo sa 19th APEC Economic Leaders’ Meeting sa Honolulu, Hawaii. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, naging entablado na ang APEC para sa mga bansa sa Asya-Pasipiko, hindi lamang para maiangat ang estado ng kani-kaniyang mga nasyon, ngunit upang makaambag din sa pagsusulong sa pangkalahatang ekonomiya ng rehiyon.

Pangunahing tungkulin ng inyong lingkod na tiyaking matatag at tuloy-tuloy ang pag-unlad ng ating pambansang ekonomiya. At taon-taon, ang serye ng mga pagpupulong na ito ay naglalatag ng magandang pagkakataon upang makipag-uganayan sa mga pinuno mula sa Asya-Pasipiko at matalakay ang mga inisyatibang maghahatid sa atin palapit sa kaunlaran. Higit pang mahalaga ang pakikiisa natin sa APEC sa taong ito dahil naaapektuhan din tayo ng mga problemang kinakaharap ng ilang mga nasyon sa iba’t ibang panig ng mundo, gaya ng malawakang rebolusyon sa Gitnang Silangan, o ang paghina ng ekonomiya ng Estados Unidos at Europa—mga bansang akala natin ay di-kailanman matitinag. Bawat estratehiya, mungkahi at kaalaman na makakalap natin sa APEC ay maaari nating gamitin upang solusyunan ang mga suliranin sa ating bansa, at isulong ang interes ng ating mga kababayan. Ilan sa mga paksang inaasahan nating matututukan dito, at layon nating mapagbuti, ay ang seguridad ng ating ekonomiya, ang mainam na paggamit ng enerhiya, at ang paglikha ng mga karagdagang trabaho.

Ikalawang pagkakataon po ng ating administrasyon na makibahagi sa APEC, at tulad noong nakaraang taon, hangad nating lalo pang mapatibay ang ating relasyon sa ibang mga bayan. Kasabay nito, mabubuksan ding muli ang pinto upang maipakilala ng ating pamahalaan ang panibagong liwanag na tumatanglaw sa Pilipinas—mas bukas at maaliwalas sa kalakal at pamumuhunan, at mas handang makipagbayanihan sa mga katuwang na bansa sa rehiyon.
Sa tatlong araw nating pamamalagi sa Hawaii, inaabangan din natin ang mahahalagang pagpupulong kasama ang mga pinuno ng ibang bansa, partikular na kay Punong Ministro ng Australia na si Julia Gillard.

Hindi estranghero sa Hawaii ang lahing Pilipino. Kaya naman, nananabik din tayong kamustahin ang mga kababayan nating nasa Hawaii at makibalita sa kanilang kalagayan doon.
Tulad ng ibang mga bansang kasapi ng APEC, layon din nating magkaroon ng isang nagkakaisang rehiyon, na tumatahak sa landas patungo sa mas masaganang kinabukasan. Sa pagbalik po natin dito sa Pilipinas sa darating na Martes, tiwala akong uuwi tayo nang may mas matibay na ugnayan sa mga karatig-bansa at may bitbit na mas maraming pagkakataon para sa atin pong mga minamahal na kababayan.

Maraming maraming salamat po. Magandang hapon po sa lahat.