From the Website of GPH-Government
Links: http://www.gov.ph/2011/11/17/statement-of-president-aquino-before-departure-for-the-19th-asean-summit-in-indonesia-november-17-2011/
Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Bago ang kanyang pagdalo sa 19th ASEAN Summit sa Bali, Indonesia
[Inihayag sa Villamor Airbase noong ika-17 ng Nobyembre 2011]
Vice President Jejomar Binay; His
Excellency Yohanes Kristianto Soeryo Legowo, Ambassador of the Republic
of Indonesia; members of the Cabinet present; Mayor Tony Calixto;
Representative Emi Calixto-Rubiano; Chief of Staff, General Eduardo
Oban; Police Director General Nicanor Bartolome; service commanders
present; Admiral Ramon Liwag of the Coastguard; fellow workers in
government; honored guests; ladies and gentlemen, good morning.
Matapos po ang matagumpay nating pagdalo sa 19th
APEC [Asia-Pacific Economic Cooperation] Economic Leaders Meeting sa
Hawaii nitong nakaraang linggo, bibiyahe naman po tayo ngayon sa
Indonesia upang dumalo sa 19th ASEAN [Association of
Southeast Asian Nations] Summit. Bilang isa sa mga tagapagtatag ng
organisasyong ito noong 1967, napatunayan na po natin ang halaga ng
pagbibigkis ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa mga aspektong
politikal at pangkabuhayan. Lilinangin pa po natin sa pulong na ito ang
mayaman nang ugnayan ng mga bansa sa rehiyon, at sama-samang tutugunan
ang mga problemang kinakaharap natin sa kasalukuyan.
Kasama ang mga pinuno ng ating mga
karatig bayan, tatalakayin po natin ang mga usaping bumabagabag sa
rehiyon tulad ng sa kapakanan ng ating migrant workers, trafficking in
persons, maritime security, at usaping pangkapayapaan.
Makakasama din natin dito ang mga lider
ng iba pang mga bansa gaya ng Tsina, Japan, Korea, India, at Amerika.
Susulitin natin ang mga oportunidad na ito upang plantsahin ang anumang
gusot sa ating mga bansa at upang patatagin pa ang ating samahan. Sa
pakikipagpulong natin sa kanila, paiigtingin po natin ang pagtutulungan
natin sa larangan ng maritime security, disaster management, pagsugpo ng
mga krimen at terorismo, pangangalaga sa kalikasan, at
pakikipagkalakal.
Tiwala tayo sa pagkilala ng buong mundo
sa napakagandang pagkakataong mangalakal sa ating bansa, bunsod ng patas
at maaliwalas na sistemang pangnegosyong pinaiiral natin sa
kasalukuyan. Hindi lang po ang mga negosyante ang
makikinabang dito, dahil katumbas ng ipapatayo nilang negosyo ay ang
pagbubukas ng oportunidad para sa maraming Pilipinong makapagtrabaho at
iangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Ipapaabot din po natin sa Thailand at
Cambodia ang ating pakikiramay sa mga biktima ng nangyaring malawakang
pagbaha sa kanilang bayan. Alam naman po natin ang hirap at pagdurusa na
idinudulot ng ganitong mga kalamidad, lalo pa’t madalas din natin itong
maranasan dahil sa kaliwa’t kanang pagbisita ng bagyo sa atin pong
bansa. At alam din naman natin na sa mga trahedyang tulad nito,
sinusukat ang tibay at tatag ng atin pong bayanihan.
Sa pakikipagtulungan po natin sa ating
mga karatig bayan, mapapadali ang pagtugon sa mga problemang nagisnan
natin at sa mga umuusbong pang hamon at suliranin sa rehiyon. Sa mga
pagkakataon din pong tulad nito, naipapakilala natin ang bagong
Pilipinas—malayo sa Pilipinas na binabatikos dahil sa katiwalian at
hinahamak ng kahirapan.
Maganda na nga po ang simoy ng hangin sa
ating bayan dahil sa malinis nating mga adhikain at mabubuting bunga ng
ating pagbabagtas sa tuwid na landas. May tiwala ang mga Pilipino sa
ating makabuluhang serbisyo-publiko, at pataas pa nang pataas ang
kompiyansa nating umarangkada. Pinapatingkad at pinapalawak po natin ang
potensyal ng ating bansa para sa tuloy-tuloy nitong pagbangon at
pag-usad. Ipagpapatuloy natin ang puspusang pagsusumikap dito sa ating
bayan at sa iba pang bansa upang lalo pang maipakilala ang bagong sigla
at umaaliwalas na buhay sa Pilipinas. Sa atin pong pagtutulungan, malayo
pa ang ating mararating, at marami tayong maaabot na mga mithiin.
Maraming salamat po. Magandang umaga po sa lahat.
Website of GPH-Government
http://www.gov.ph/
Links:
http://www.gov.ph/2011/11/17/statement-of-president-aquino-before-departure-for-the-19th-asean-summit-in-indonesia-november-17-2011/
http://www.gov.ph/
Links:
http://www.gov.ph/2011/11/17/statement-of-president-aquino-before-departure-for-the-19th-asean-summit-in-indonesia-november-17-2011/