Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Thursday, May 24, 2012

Labanan ang Oplan Bayanihan sa South Quezon-Bondoc Peninsula







Labanan ang Oplan Bayanihan sa South Quezon-Bondoc Peninsula


Editorial
Ang Bayan
May 21, 2012

Download PDF here

Malawakan at malupit na kampanya ng pananakot at pandarahas ang kasalukuyang nananalasa sa mamamayan ng South Quezon-Bondoc Peninsula (SQ-BP) sa pagpapatindi ng digmang mapanupil na Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino.

Isa na sa pinakamasisinsin sa kasaysayan ng mga kampanyang pagkubkob at panunupil ng kaaway ang pakat ng pasistang mga pwersa sa SQ-BP. Umaabot na sa walong batalyon ng mga pwersang panagupa ang nakakonsentra sa kabuuang 22 bayan, o humigit-kumulang 200 pasistang pwersa bawat bayan. Kabilang dito ang buong batalyon ng 74th IB, ang 85th IB, 76th IB at Special Forces Battalion, ang 416th Public Safety Management Company (PSMC) at ang 417th PSMC  at tatlo't kalahating batalyon ng mga pwersa ng CAFGU sa ilalim ng pangangasiwa ng 59th IB. Bukod pa rito ang mga pwersa ng Philippine National Police na nakadestino sa iba't ibang bayan sa SQ-BP.

Nanghahalihaw sa masa ang mga pasistang pwersa. Pinaiiral nila ang kapangyarihan at batas ng militar. "Nakasentro sa tao" diumano ang taktika sa ilalim ng Oplan Bayanihan na kanilang ginagamit, subalit kaliwa't kanan ang mga paglabag sa karapatang-tao.

Matagalang nagbabase sa mga baryo ang mga laking-iskwad na pangkat ng mga armadong sundalong tinaguriang "peace and development team." Ginagamit nilang base ang mga bahay ng mga mUmaabot sa anim na buwan na ginagamit nilang base ang bahay ng mga magsasaka sa mahigit 50 baryo. Umaabot sa tatlo hanggang anim na buwan silang tumitira sa mga bahay ng masa. Animo'y mga palamuning baboy ang mga pasistang sundalo na sa mas malaking panaho'y naglalasing, nagsusugal at nagte-text. Salot sila sa kabuhayan ng masa. Ginagamit din nilang base ang mga sentro ng barangay at iba pang pampublikong istruktura.

Inoobliga nila ang lahat na dumalo sa ipinatatawag nilang mga pulong. Isinasailalim nila ang mga lokal na residente sa interogasyon sa tabing "sensus." Ipinatatawag ang sinumang nais nilang imbestigahan. Pinag-iinitan nila ang mga magsasakang aktibo sa mga pakikibakang masa. Pinararatangan silang mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa o tagasuporta ng armadong rebolusyon at isinasailalim sa walang katapusang panggigipit at pananakot upang mapilit na makipagtulungan sa militar at "malinis ang rekord." Ang hindi makikipagtulungan ay napipilitang lumisan sa lugar upang makaiwas sa banta sa kanilang buhay.

Hindi mapagtakpan ang pasistang pangil ng Oplan Bayanihan sa SQ-BP. Mula nang magsimula ang pananalasa ng Oplan Bayanihan sa SQ-BP, naisadokumento na ang mahigit isandaang kaso ng paglabag sa karapatang-tao, kabilang ang mga paglapastangan sa karapatan ng mga bata, pamamaslang at pagdukot. Kaliwa't kanan ang mga kaso ng iligal na panghahalughog at detensyon.

Pinaiigting ang Oplan Bayanihan sa SQ-BP alinsunod sa layunin ng rehimeng US-Aquino at ng AFP na "linisin ng NPA" ang lugar sa katapusan ng 2012. Nais ni Aquino na itanghal bilang "tropeyo" ang SQ-BP na bantog sa mahabang kasaysayan ng mga pakikibakang magsasaka at armadong rebolusyon.

Gayunman, lumilikha ng di maiiwasang kontradiksyon ang rehimeng US-Aquino. Sa pagpapatindi nito ng kampanyang panunupil, lalo lamang nitong itinutulak ang mamamayan sa landas ng mga pakikibakang masa upang labanan ang pang-aapi, igiit ang kanilang mga kahilingan para sa tunay na reporma sa lupa at wakasan ang pyudal na pagsasamantala. Sa pagpapatindi ng pandarahas, lalo lamang nitong pinatitingkad sa kamalayan ng mamamayan ang pangangailangang humawak ng sandata at lumaban.

Sa harap ng matinding brutalidad ng pasistang armadong pwersa ng rehimeng US-Aquino, nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mamamayan ng SQ-BP, sa mga kinauukulang yunit ng BHB sa larangan at buong rehiyon ng South Tagalog, sa lahat ng lokal na sangay ng PKP at mga rebolusyonaryong organisasyong masa na maagap at ubos-kayang kumilos upang ilantad, batikusin, labanan at biguin ang Oplan Bayanihan. Sa mga darating na buwan, buong tapang at matalinong kumilos, pasiglahin ang mga pakikibakang masa at paigtingin ang mga taktikal na opensiba.

Ang malawakang militarisasyon sa SQ-BP ay nagbubukas ng maraming pagkakataon para magtipon ng malalaking tagumpay at sumulong nang malaki ang rebolusyonaryong kilusan.

Dapat maglunsad ang lokal na mga yunit BHB ng papalawak, paparami at papatinding mga taktikal na opensiba sa mga darating na buwan. Parusahan ang mga pasistang nandarahas sa mamamayan. Patatagin ang determinasyon at ibayong itaas ang kakayahan ng mga yunit ng BHB sa SQ-BP. Magpakahusay sa pagsasamantala sa paborableng tereyn, sa superyoridad ng mga taktikang gerilya at malalim na suportang masa upang pinsalain ang kaaway, kunin ang kanilang mga sandata at armasan ang paparami pang mga Pulang mandirigma.

Napakaraming pagkakataon para maglunsad ng mga taktikal na opensiba na tiyak na maipagtatagumpay. Dapat mahigpit na subaybayan ang mga kilos ng kaaway upang matukoy ang iba't ibang bahagi ng manipis na nakakalat na mga yunit ng AFP, ang kanilang mga linya ng suplay at iba pang mahinang target. Itaas ang opensibang postura at ang kakayahan sa mabilis at lihim na pagkilos upang samantalahin ang ibinubukas na napakaraming pagkakataon na makapaglunsad ng mga armadong pagsalakay laban sa pasistang kaaway.

Ang mga yunit ng BHB sa iba pang bahagi ng rehiyon ng South Tagalog ay dapat makapaglunsad ng napapanahong mga taktikal na opensiba alinsunod sa pagbasa at pagsubaybay sa pakat at kilos ng AFP. Dapat makapaglunsad rin ang BHB sa kanugnog na bahagi ng rehiyong Bicol ng mga taktikal na opensiba upang puwersahin ang kaaway na maglipat-lipat ng mga yunit nitong nakakonsentra sa SQ-BP. Sa gayong paraan, lalong kakayanin ng mga lokal na yunit na BHB sa SQ-BP na makapagmaniobra at magdulot ng papalaking mga bigwas sa kaaway.

Pag-ibayuhin ang tapang ng mamamayan na labanan ang kampanyang panunupil ng rehimeng US-Aquino. Pandayin ang kanilang militansya para labanan ang panghahalihaw, pananakot, panlilinlang at pandarahas laban sa kanila ng mga pasistang sundalo at iba pang armadong tauhan ng reaksyunaryong rehimen. Ilunsad ang iba't ibang aksyong masa kabilang ang sama-samang ebakwasyon at pagkilos sa mga sentrong bayan bilang pagprotesta sa presensya at pagbabase ng mga sundalo sa kanilang mga bahay at baryo.

Kaalinsabay ay palaganapin at paalingawngawin ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa at ang rebolusyong agraryo. Ang pakikibakang anti-pasista ay palalalimin at patatatagin ng pagpapasigla ng mga pakikibakang masa para ibaba ang upa sa lupa, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, pawiin ang usura at ipatupad ang makatwirang pagpepresyo sa kanilang mga produkto.

Dapat matatag na kumilos ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at lokal na mga sangay at grupo ng Partido sa SQ-BP laban sa pananalasa ng Oplan Bayanihan. Palakasin ang pakikidigmang masa. Mabilis na paramihin ang mga komite sa depensa at mga milisyang bayan. Palakasin ang kilusang paniniktik sa kaaway. Palakasin ang kilusang lihim. Pakawalan ang inisyatiba at pagkamapanlikha ng masa sa paggamit ng iba't ibang mga taktika para makaagaw ng armas at makapaglunsad ng iba't ibang mga pagsalakay sa kaaway. Pasiglahin ang rekrutment sa BHB.

Buuin ang malawak na nagkakaisang prente para suportahan ang mamamayan ng SQ-BP laban sa Oplan Bayanihan. Palakasin ang kilusan laban sa militarisasyon at para sa pagtataguyod ng karapatang-tao. Hikayatin ang kaliwa't kanang imbestigasyon sa dumaraming kaso ng paglapastangan sa karapatang-tao, laluna sa karapatan at kagalingan ng mga bata. Ilantad at sampahan ng mga kaso ang mga kriminal na upisyal at tauhan ng AFP.

Paalingawngawin sa iba't ibang sulok ng mundo ang sigaw para sa katarungan ng mamamayan ng SQ-BP. Pukawin ang simpatya at protesta ng mga Pilipino at mamamayan sa ibayong dagat. Palakasin ang sigaw para panagutin ang mga upisyal na nasa likod ng mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Matuto sa karanasan ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa ibang mga rehiyon upang kamtin ang malalaking tagumpay sa mga darating na buwan laban sa Oplan Bayanihan sa SQ-BP. Bukas ngayon ang pagkakataon na mapagpasyang idiskaril ang kampanyang panunupil ng rehimeng US-Aquino sa SQ-BP, bigyang-daan ang mabilis na pagsulong ng mga demokratikong pakikibaka ng masang magsasaka at ang paglakas ng armadong rebolusyon.

Katulad ng ipinakikitang brutalidad sa South Quezon-Bondoc Peninsula, pinatutunayan ni Aquino na ang Oplan Bayanihan ay walang pinagkaiba, kundi mas malupit pa kumpara sa nakaraan. Malinaw na nalalantad sa SQ-BP na walang saysay ang bukambibig ng AFP na "pagtataguyod sa karapatang-tao" at "pagsusulong ng kapayapaan."

Batid ng mamamayang Pilipino na ang digmang panunupil na Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino ay digma ng pagtatanggol sa bulok na mapang-api at mapagsamantalang sistema. Gaano pa man kalupit, tiyak na mabibigo ito sa harap ng tapang at militansya ng mamamayan at determinasyon nilang sumulong sa landas ng pakikibakang masa at armadong rebolusyon.










------------------------------------------------------------------------------------
-------------------------------------------------------------
-----------------------------------------
---------------