Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Sunday, June 17, 2012

Katarungan para kay Ka Erning Logo.km






Katarungan para kay Ka Erning Logo.km

Ma. Laya Guerrero
Kabataang Makabayan
June 07, 2012
 
Kondenahin ang anti-maralitang rehimeng US-Aquino.
Itayo ang barikada ng mamamayan laban sa demolisyon!

Muling nakatambad ang kulay pasistang karakter ng rehimeng US-Aquino sa nangyaring pamamaslang kay Ka Ernesto “Erning” Gulfo nitong Mayo 30, 2012 sa Sitio 6, Malabon City. Si Ka Erning, 53 taong gulang, ay binuwal ng 2 tama ng bala sa kanyang dibdib ng siya ay barilin sa loob mismo ng kanyang bahay at sa harap mismo ng kanyang asawa. Naulila ang kanyang kabiyak na si Divina Gulfo at tatlong anak.

Kasama ang pamilya, mga ka-komunidad at kasama ni Ka Erning, ang Kabataang Makabayan ay nakikiisa sa panawagan para sa katarungan at pagpapanagot sa lokal na gobyerno ng Malabon, mga kasabwat nitong pribadong indibidwal at rehimeng US-Aquino. Walang ibang motibo ang pamamamaslang kundi ang patahimikin ang magigiting na lider-masa at mamamayang lumalaban para sa disenteng paninirahan at kabuhayan, at naninindigan laban sa demolisyon. 

Pinagpupugayan natin ang diwa ni Ka Erning, na sa mahabang panahon ay naglaan ng kanyang panahon at buhay sa paglilingkod at pag-oorganisa sa hanay ng mga maralita upang ipagtanggol ang kanilang karapatan  sa harap ng sistematikong paglabag dito ng gobyerno. 

Si Ka Erning ay ipinanganak noong Setyembre 27, 1959 sa Ragay, Camarines Sur at pang-apat sa magkakapatid. Ang kanyang mga magulang na sina Rosario Corpuz-Gulfo at Macario Gulfo ay mula sa maralitang pamilya rin at sa kanyang kabataan ay dinanas ang paghihikahos sa probinsya at kawalan ng regular na kabuhayan. Pinagsumikapan ng kanyang pamilya na silang magkakapatid ay makapag-aral, subalit dahil sa kahirapan ay tumigil ng pagaaral si Ka Erning pagdating sa ikatlong taon sa hayskul.

Taong 1970 ng lumipat silang mag-anak sa lungsod ng Malabon ng makahanap dito ng trabaho ang kanyang ama. Pinagsumikapan ni Ka Erning ang ibat ibang trabaho upang mabuhay tulad ng pangangalahig ng basura, drayber, Metro Aide at iba pang mapagkukunan ng kabuhayan upang masuportahan ang kanyang pamilya.

Naging apprentice siya ng Philippine Rabbit noong 1986 at dahil sa malapit ang kanyang puso sa isyu ng maralita at mga manggagawa, sumali siya sa welga at kabilang sa mga tinanggal sa trabaho. Dahil sa karanasang ito ay nagtuloy-tuloy na si Ka Erning sa pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa at mala-manggawa. Naging Presidente siya ng Samahan ng Kalakhang Maynila (SAKAMAY-Courage) taong 1986, naging lider ng GADIJODA-PISTON sa Malabon noong 2009 at  isa sa mga nanguna upang mabuo ang Alyansa ng Nagkakaisang Samahan ng Malabon at United People’s Neighborhood Association sa kanilang lugar.

Para sa mga kabataang aktibista, si Ka Erning ay tatay, kaibigan at kasamang matiyagang sumuporta sa mga gawain sa pagoorganisa at pagmumulat. Sa kabila ng mga karamdaman nagpatuloy siya sa pag-oorganisa sa hanay ng maralita. Pinalalakas niya ang loob ng mga ka-komunidad upang labanan ang mga panggigipit ng gobyerno at panlalansi, gayundin matiyagang nagkumbinsi pa din sa mamamayan ng Catmon na lumaban sa kabila ng pananakot at panununog noong Marso 2012 sa kanilang bahay upang mapilitan silang lisanin ang tirahan, at mapapayag sa planong programang pabahay ng gobyerno.

Ilang araw bago siya pinaslang, pinangunahan pa ni Ka Erning ang pagbubuo ng balangay ng Alyansa Kontra Demolisyon sa Malabon at ang pagbabarikada ng mamamayan ng Catmon upang biguin ang bantang demolisyon noong Mayo. Mahigit kumulang 1,500 maralitang pamilya ang nakatakdang mapalayas sa demolisyon upang bigyang daan ang Community Mortgage Program (CMP) ng lokal na gobyerno ng Malabon.

Ang CMP ay hungkag na programang imbes na magbigay serbisyo ay naglalayong pagkakitaan pa ang mga maralitang-lungsod at sa kalauna’y mataboy sila sa malalayong lugar pag hindi na nila makayanan bayaran. Imbes na magbigay ng serbisyo ng pabahay, nais palayasin ng gobyernong Aquino ang milyong maralita upang ibenta ang mga lupain sa pribadong mga negosyante at tayuan ng mga estabilisiemento tulad ng mall, mga condo at mga subdivision.

Nakakangalit ang pangil ng pasismong sagot ng gobyerno upang maisulong lamang ang pinagkakakitaang CMP na isang porma ng Public-Private Partnership (PPP)  na programa ni Aquino. Ang pagpaslang kay Ka Erning, tulad ng marahas na demolisyon ng mga pulis sa komunidad sa Silverio Compound, Paranque ay desperadong hakbang ng anti-mamamayang gobyerno ni Aquino.

Tumatambad sa buong sambayanan ang mga patakaran ni Aquino ay pawang pabor sa dambuhalang mga negosyante, mga panginoong maylupa tulad ng kanyang sarili, at mga dayuhan. Ang mga kabataan at mamamayang maralita ay pangunahing biktima ng mga neo-liberal na patakarang ito ng gobyernong Aquino na diktado ng mga imperyalistang dayuhan. 

Tulad ng mamamayang Silverio at martir ng maralita na si Arnel Tolentino, ni Ka Erning, ang mga maralitang-lungsod ay lalong namumulat na tanging sa sama-samang pagkilos at militanteng pakikibaka lamang maigigiit ang karapatan ng maralita para sa disenteng pabahay at kabuhayan.   

Ang pasismo ng estado ay magwawagi kung ang takot ay mamayani sa ating mga inaapi. Hawiin natin ang takot at dalamhati! Silaban ang diwang palaban bilang pinakamataas na pagpupugay kay Ka Erning at sa mga martir ng bayan!

Tuloy ang laban, biguin ang mga demolisyon at itayo ang barikada ng mamamayan!

MABUHAY ANG DIWA NI KA ERNING! MARTIR NG MARALITA, MARTIR NG SAMBAYANAN!  

MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT!

KATARUNGAN KAY KA ERNING GULFO!







------------------------------------------------------------------------------------------------
----------------------------------------------------------------------------------
-------------------------------------------------------------------------
---------------------------------------