From the Website of CPP-NPA-NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/02/huwad-at-hungkag-ang-paglagong.html#more
Huwad at hungkag ang paglagong ipinagmamalaki ni Aquino
Editoryal
Ang Bayan
Pebrero 7, 2012
Download PDF here:
Walang sawa si Benigno Aquino III at ang kanyang mga teknokrata sa pagmamayabang ng 6.6% paglago raw ng ekonomya noong 2012. Resulta na raw ito ng "matuwid na daan" at "maayos na pamamahala." Isa na umanong "tigreng bumabangon" ang Pilipinas, anang World Bank.
Pero para sa mamamayang Pilipino, huwad at hungkag ang paglagong ipinagmamalaki ni Aquino. Ang ginagamit niyang pinakamahahalagang palatandaan ng "pag-unlad" ng lokal na ekonomya ay limitado sa pagsukat sa sigla ng pamumuhunan at pagpapautang ng mga dayuhang kapitalista at bangko sa Pilipinas. Walang kinalaman ang sinasabing "pag-unlad" sa aktwal na kalagayan ng mamamayang Pilipino.
Ang ipinagmamalaki ng gubyernong Aquino na "paglago" noong 2012 ay ibinunsod lamang ng panandaliang bugso sa konstruksyon ng karagdagang mga upisina at mga gusaling condominium para sa inaasahang paglawak pa ng mga call center. Walang makabuluhang iniaambag ang "paglago" na ito sa pagdami ng oportunidad na makapaghanapbuhay. Katunayan, habang ipinagmamalaki ang "paglago" ng ekonomya, nadagdagan nang halos 900,000 ang walang trabaho noong ikatlong kwarto ng 2012.
Ipinagmamalaki rin ni Aquino na ilang ulit nang nalagpasan ng stock market o pamilihan ng sapi ang dati nitong naabot na pinakamataas na antas. Subalit tanda lamang ito na naghahanap ng mabilis na kita ang mga dayuhang kapitalistang pampinansya. Tulad ng ipinamalas noong panahon ni Ramos, ang mabilisan at malakihang pagpasok ng tinatawag na "ispekulatibong kapital" ay walang ibang kahahantungan kundi ang mabilisan at malakihang paglabas nito oras na makasilip ang mga namuhunan dito ng peligro ng pagkalugi.
Ang totoo, ang mga estadistika na pinagbabatayan ni Aquino ng ipinagmamalaki niyang "pag-unlad" ay mga palatandaan ng lalo pa ngang pag-atras at pagsadlak ng Pilipinas sa sistemang palaasa sa dayuhang pamumuhunan at pautang at walang kakayahang tumindig sa sarili. Hindi nito nilulutas ang saligang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Nananatiling atrasado, agraryo at di industriyalisado ang ekonomya ng Pilipinas. Walang pamumuhunan sa mahahalagang saligang industriya para sa produksyon ng mga batayang pangangailangan ng ekonomya. Kaya walang dinamikong pag-usbong ng mga hanapbuhay. Umaabot na ngayon sa 12 milyon (o mahigit 30%) ang wala at kulang ang hanapbuhay.
Sa kabila ng mabubulaklak na paglalarawan ni Aquino sa ekonomya, patuloy na nasasadlak ang masang anakpawis sa malawakang kahirapan, kagutuman at kawalan ng kabuhayan. Hindi sila, kundi ang mga dayuhang malalaking kapitalista at kasosyong lokal na malalaking negosyante ang nakikinabang sa paglagong iyon. Para sa kanila, kalokohang malaki ang bukambibig ni Aquino na "inclusive growth" o paglagong hindi pumupwera sa mamamayan. Kasinungalingan ang "trickle down" o paniniwalang "aabot din sa mamamayan" ang epekto ng "pag-unlad."
Hindi sinasalamin ng naturang mga estadistika ang tindi ng pagsasamantala sa masang anakpawis at ng iba pang inaaping saray; ang pagsasamantala sa milyun-milyong magsasaka sa ilalim ng dominanteng pyudal at malapyudal na sistema sa kanayunan; ang napakababa at ibinababa pang sahod; ang di makatao at di makatarungang kalagayan sa paggawa; ang malawakang kawalan ng hanapbuhay, pumapaimbulog na presyo ng pagkain, gamot, langis at iba pang saligang pangangailangan; ang kawalan ng disenteng pabahay at malinis na tubig; ang bulok at nagmamahal na serbisyong pangkalusugan, edukasyon at iba pa.
Sa esensya, walang pinagkaiba ang "paglago" na ipinagmamalaki ngayon ni Aquino sa "paglago" na ipinagyayabang noon ni Gloria Arroyo at ng mga nakaraan pang reaksyunaryong rehimen. Kaya naman puring-puri ni Arroyo, dating propesor ni Aquino ang kasalukuyang takbo ng ekonomya. Gaya ng guro niyang si Arroyo at lahat ng rehimeng tagasunod sa IMF-WB, bukambibig ni Aquino ang pag-akit sa dayuhang pamumuhunan bilang krusyal na layunin ng kanyang mga patakaran sa ekonomya. Maging ang sirang-plakang "matuwid na daan" ay nakatuon sa layuning maakit na mamuhunan ang dayong kapital.
Iginigiit ng World Bank na upang maging "ganap na tigre" ang ekonomya ng Pilipinas, dapat mapag-ibayo nito ang liberalisasyon sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa, transportasyon at turismo. Para magawa ito, kailangang baguhin ang saligang batas dahil may mga restriksyon pa rin itong itinatakda sa pag-aari ng mga dayuhan sa lupa, negosyo at iba pa. Kunwa'y hindi prayoridad ng Malacañang ang "charter change" pero unti-unti nang ikinakasa ang pagbabaklas sa nalalabi at napakanipis na ngang proteksyon sa pambansang patrimonya at soberanyang pang-ekonomya na nakasaad sa reaksyunaryong konstitusyon.
Dapat puspusang itakwil ng mamamayang Pilipino ang paggamit ng mga reaksyunaryong teknokrata ng rehimeng Aquino sa mga estadistika para pagtakpan ang tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino at bigyang-matwid ang lalong pagbukas ng ekonomya ng Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan para pagsamantalahan ang murang lakas-paggawa at dambungin ang yaman ng bansa. Dapat walang pagod na isulong ang pakikibaka para sa makabayan at demokratikong pagbabago sa ekonomya, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Para sa mamamayan, ang tunay na kalagayan ng ekonomya ay masusukat lamang sa pamamagitan ng pag-alam sa kanilang kongkretong sitwasyon -- kung natatamasa ba nila ang kanilang saligang mga karapatan sa disente at makataong pamumuhay. Para sa mamamayan, ang paglago ng ekonomya ay masusukat sa pamantayan ng kakayahan nitong tumindig sa sarili -- nang hindi nakasalalay sa pautang o dayong pamumuhunan -- at sa kakayahan nitong lumikha ng sapat na pagkain at iba pang saligang pangangailangan ng mamamayan.
Sa madaling salita, para sa mamamayan, kung walang pang-ekonomyang kalayaan at katarungang panlipunan, walang tunay na "pag-unlad."
Iba pang Artikulo:
CPP/NPA/NDF Website
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://www.philippinerevolution.net/
http://www.ndfp.net/joom15/
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/
http://www.philippinerevolution.net/
http://www.ndfp.net/joom15/
links:
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------