Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, February 22, 2013

Mga tungkulin sa pagharap sa reaksyunaryong eleksyong 2013


From the Website of PRWC
links:  http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/02/mga-tungkulin-sa-pagharap-sa.html#more



Mga tungkulin sa pagharap sa reaksyunaryong eleksyong 2013


Editoryal
Ang Bayan
Pebrero 21, 2013

Download PDF Here

Tungkulin ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan na ilantad ang reaksyunaryong eleksyon bilang huwad na demokratikong sistema na bahagi ng pagpapanatili ng mapagsamantala at mapang-aping sistema.

Ang reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas ay pampulitikang karnabal na isinasagawa kada tatlong taon. Agaw-pansin dito ang mga payasong pulitikong nagpapanggap na tagapagtaguyod sa interes ng mamamayan. Inaagaw nito ang atensyon ng mamamayan mula sa kanilang pinakamabibigat na suliraning sosyo-ekonomiko at hinahainan ng mga huwad na pangako ng reporma sa ilalim ng naghaharing sistema.

Dapat nating biguin ang rehimeng US-Aquino sa layunin nitong gamitin ang reaksyunaryong eleksyon para konsolidahin ang pampulitikang paghahari nito. Sa harap ng mabilis na nalulusaw na "popularidad" ni Aquino, nais niyang gamitin ang darating na eleksyon para palabasing mayroon pa rin siyang malapad na suporta ng mamamayan. Gagamitin ni Aquino ang eleksyon bilang plataporma para palaganapin ang mga ilusyon ng "masiglang ekonomya," "matwid na daan" at "maayos na pamamahala."


Dapat ipakita ng mamamayang Pilipino na walang pinagkaiba ang rehimeng US-Aquino sa nagdaang mga rehimen. Ang korapsyon ng pangkating Arroyo ay hinalinhan lamang nito ng korapsyon ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Walang awat ang panunupil at brutalidad sa kabila ng buladas ng "kapayapaan at pag-unlad."

Dapat nilang tutulan ang nagpapatuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ang napipintong pagtaas ng singil sa kuryente at tubig. Dapat nilang isulong ang kanilang mga pakikibakang masa para ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa, igiit ang pagtaas ng sahod, labanan ang mga demolisyon at bakahin ang pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan at komersyalisasyon ng edukasyon at iba pang serbisyong publiko.

Dapat nilang singilin ang rehimeng Aquino sa pagiging sunud-sunuran sa mga dikta ng IMF-WB at pagtupad nito ng mga patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon at mga hakbanging pabor sa dayuhang malalaking kapitalista at mga bangko at nagsusuko sa pambansang patrimonya.

Samantalahin ang panahon ng reaksyunaryong eleksyon para palawakin ang pakikipag-isang prente para ihiwalay ang naghaharing pangkating Aquino. Sa kasalukuyan, walang mayor na reaksyunaryong partidong oposisyon. Ang dalawang pangunahing nagtutunggaling partido, ang Team PNoy (koalisyong Liberal Party, Nationalist People's Coalition at Nacionalista Party) at ang United Nationalist Alliance (koalisyong PDP-Laban, Pwersa ng Masang Pilipino at Laban ng Demokratikong Pilipino) ay mahigpit na magkasabwat sa pagtupad ng mga programa ng rehimeng US-Aquino.

Subalit sa ilalim ng sabwatang ito ay ang malalalim na ribalan para sa pusisyon sa gubyerno. Ang ribalang ito ay lalo pang titingkad at iigting sa panahon ng eleksyon sa paghahabol ng mga magkatunggaling paksyon na ipwesto ang kanilang mga mahigpit na kaalyado sa iba't ibang pusisyon sa gubyerno. Ang darating na eleksyon sa Mayo ay krusyal din sa paghahanda ng mga pangunahing kampong tumatanaw sa pagtakbo sa eleksyong pampangulo ng reaksyunaryong gubyerno sa 2016.

Habang nalalapit ang eleksyon sa Mayo ay titingkad ang ribalang ito hindi lamang sa pambansang antas, kundi lalo na sa lokal na antas. Ibinubukas nito ang napakaraming pagkakataon para makipag-ugnayan ang mga rebolusyonaryong pwersa at palawakin at palakasin ang pakikipag-isang prente para sa layuning ihiwalay ang naghaharing pangkating Aquino at isulong ang mga programa ng rebolusyonaryong kilusan.

Puspusan ang paglahok ng mga progresibo at patriyotikong pwersa sa darating na eleksyong 2013. Nitong nagdaang mahigit isang dekada, matagumpay na nakalalahok ang mga progresibong partido sa reaksyunaryong halalan sa kabila ng kakulangan nila ng rekurso at todo-todong pasistang pandarahas ng militar at mga grupong anti-komunista. Nakaupo ang makabuluhang bilang ng mga kinatawan sa loob ng reaksyunaryong Kongreso na nagtataguyod ng pambansa at demokratikong adhikain ng mamamayan. Nagamit nila ang kanilang mga pwesto sa Kongreso para labanan at hadlangan ang pagbubuo ng mga anti-demokratiko at anti-mamamayang mga batas. Paborable sa mamamayan na mayroon silang mga kinatawan sa loob ng reaksyunaryong Kongreso at dumudugtong sa kanilang mga pakikibakang masa sa labas nito.

Hinihikayat ng Partido ang mga progresibo at patriyotikong pwersa na lumahok sa reaksyunaryong eleksyon kahit pa ito’y huwad at dinodominahan ng kapangyarihan at yaman ng mayor na mga reaksyunaryong partido. Tiyak na ang paglahok ng mga progresibo at patriyotikong pwersa sa darating na eleksyon ay puspusang lalabanan ng mga ahente ng US at mga tauhan nito sa militar at burukrasya. Tulad sa nakaraan, haharapin nila ang pananakot, pandarahas at pandaraya.

Ang pagpapanalo ng mga progresibo at patriyotikong pwersa sa darating na eleksyon ay may partikular na kabuluhan sa harap ng binubuong konsensus ng mga naghaharing uri na baguhin ang reaksyunaryong konstitusyon ng 1987 upang isaisantabi ang pambansang patrimonya at bigyang-daan ang ibayong liberalisasyon ng dayong pamumuhunan at pakikipagkalakalan.

Ang pagpwesto ng mga patriyotikong pwersa sa loob ng reaksyunaryong gubyerno ay magagamit din para puspusang labanan ang tuluy-tuloy na pagpasok ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas at ang panghihimasok-militar ng US. Magagamit din ang pwesto sa Kongreso para itulak ang pagbabasura ng mga batas sa deregulasyon sa langis at iba pang mga patakarang labis na pahirap sa mamamayan.

Dapat din nilang samantalahin ang panahon ng eleksyon para bigyan ng simbigat na pansin ang pagpapalawak sa kanilang hanay at paglulunsad ng edukasyong masa para ilantad ang bulok na reaksyunaryong sistema.

Kaalinsabay nito, hinihikayat ng Partido ang mga progresibo at patriyotikong pwersa na puspusang ilantad ang pagiging huwad ng reaksyunaryong eleksyon at ang kawalan nito ng tunay na demokrasya.

Sa Pilipinas, ang tunay na demokrasya ay tinatamasa lamang ng mamamayang Pilipino sa loob ng mga teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan kung saan itinatayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa batayan ng kanilang mga demokratikong organisasyon.

Sa mga lugar na nasa hurisdiksyon ng Demokratikong Gubyernong Bayan, umiiral ang bagong sistemang pampulitika kasabay ng pag-iral ng lumang bulok na sistema ng naghaharing uri. Sa mga lugar na ito, maaaring pahintulutan ng mga rebolusyonaryong pwersa na magsagawa ng reaksyunaryong eleksyon at makapangampanya ang mga kakandidato dito.

Dapat gamitin ng gubyernong bayan ang armadong lakas at pampulitikang awtoridad nito para obligahin ang mga lalahok sa reaksyunaryong eleksyon na sumunod sa mga patakaran kaugnay ng kondukta ng mga kampanya upang tiyakin na hindi malalapastangan ang mga karapatan ng mamamayan at mapangangalagaan ang interes ng masa. Ang paglapit nila sa mga rebolusyonaryong awtoridad para humingi ng permiso ay gamitin nating pagkakataon para palakasin ang pakikipagkaisa sa kanila sa iba pang patakaran at programa ng gubyernong bayan.

Habang hinaharap natin ang reaksyunaryong eleksyon, dapat patuloy na mahigpit na panghawakan ng Partido ang mga tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan. Palawakin at palakasin ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Dapat patuloy na agawin ng BHB ang inisyatiba at paigtingin ang armadong pakikibaka.








links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/02/mga-tungkulin-sa-pagharap-sa.html#more







OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES


Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------