Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, October 3, 2014

Manindigan laban sa pagsuporta ni Aquino sa interbensyunismo ng US sa Syria



From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2014/10/stand-against-aquino-support-for-us.html

 

Manindigan laban sa pagsuporta ni Aquino sa interbensyunismo ng US sa Syria
Communist Party of the Philippines
October 03, 2014

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang rehimeng Aquino sa paghanay nito sa interbensyunistang gera ng US upang patalsikin ang anti-US na rehimeng Assad sa Syria at patatagin ang kolonyal na paghahari nito sa Iraq.

Binabatikos ng sambayanang Pilipino ang mga imperyalistang US sa paggamit ng “gera laban sa ISIS (Islamic State)” bilang tabing upang maglunsad ng pambobomba, magdeploy ng mga barkong pandigma, magbenta ng armas, armasan ang mga grupong paramilitar at bigyang-matwid ang pagpapalapag ng mga sundalo. Pinakikilos ng US ang mga imperyalistang alyado nito sa NATO sa layong pagmukhaing lehitimo ang layong interbensyunismong militar.

Inilulunsad ng US ang panghihimasok-militar nito sa Syria dahil sa pangmatagalang layuning pahinain ang rehimeng Assad na tumatangging yumukod sa mga dikta ng US. Habang naghuhulog ng mga bomba, nagpapadala rin ang US ng mga sandata para armasan ang mga grupong paramilitar na kontra sa gubyernong Assad. Ito rin ang mismong estratehiyang ginamit ng US noong 2011 nang magpadala ito ng mga sandata sa Libya upang armasan ang mga pwersang maka-US na naglulunsad ng armadong pag-aalsa laban sa dating anti-US na gubyerno ng Libya.

Sa pamamagitan ng pagtatatag ng kapangyarihang militar nito sa rehiyon, ninanais ng US na konsolidahin ang neokolonyal na rehimen nito sa Iraq. Noong nakaraang taon, inalis na ng US ang natitirang ilampung libong armadong tropa, sampung taon mula nang naglunsad ito ng gerang agresyon at kolonisasyon at nagpatalsik sa anti-US na gubyerno ni Saddam Hussein sa ngalan ng paghahanap diumano ng “sandata para sa malawakang paglipol”. Sa likod ng telon ng “gerang kontra ISIS”, mapapalakas at makokonsolida ng militar ng US ang papet ng gubyernong Iraqi upang pangalagaan ang mga kumpanya ng US na nagmimina ng langis sa bansa.

Naninindigan ang PKP laban sa mga pambobomba na walang itinatanging bumibiktima ng mga di armadong sibilyan. Sa nakaraang ilang linggo, ilang dosenang sibilyan, kabilang ang mga kababaihan at mga bata ang napatay o nasugatan sa mga pambobomba ng US. Noong Setyembre 23, tinamaan ng mga Tomahawk missiles ng US ang isang baryo sa Kafr Daryan sa prubinsya ng Idlib sa Syria. Sa isa pang pambobomba noong Setyembre 28 sa Manbij, hilagang Syria, nawasak ang mga gilingan, bodega ng mga butil at mga bahay ng mga sibilyan.

Naninindigan ang PKP laban sa lahat ng uri ng pag-atake laban sa mga di-armadong sibilyan at itinataguyod ang mga internasyunal na alituntunin na sumasaklaw sa kondukta ng digma. Kung kaya, naninindigan din ito laban sa mga pang-aatake sa mga sibilyan na ginagawa ng mga grupo na umaaasta bilang Islamic State na pinamumunuan din ng mga pwersang anti-US na naglalayong magtatag ng kontrol sa malalaking oil field sa hangganan ng Syria-Iraq-Turkey.

Sa pagpanig at pagsuporta sa intebensyunistang gera ng US, ipinamamalas muli ng rehimeng Aquino ang lubos na kawalan nito ng independensya sa pagpapatupad ng patakarang panlabas. Sobra-sobrang isinesentro ng rehimeng Aquino ang Pilipinas sa sipat ng mga pwersang kontra sa interbensyong US at dominasyon sa Middle East.

Sinusuportahan ng PKP ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan ng Syria, Iraq at Turkey at ibang bansa sa Middle East para labanan ang interbensyunismo ng imperyalistang US at para itatag ang mga demokratikong gubyerno sa kani-kanilang bansa. Sa partikular, sinusuportahan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Kurdish sa rehiyon para sa pagpapasya-sa-sarili.

Sa pamamagitan lamang ng paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka maaaring epektibong isulong ng mamamayan ang kanilang pakikibaka laban sa imperyalistang agresyon ng US, labanan ang pagkapanatikong relihiyoso at diskriminasyon sa lipi, labanan ang mga tirano at itatag ang demokrasya.


---------------------------

NDFP, nagbabalang muli laban sa paghadlang na kilalanin at bayaran ang libu-libong biktima sa matagumpay na kasong isinampa sa US nang maramihan at indibidwal sa kasong pangkarapatang-tao kontra kay Marcos

LUIS G. JALANDONI
Chairperson, NDFP Negotiating Panel
30 September 2014

Translation: NDFP warns GPH anew against preventing recognition and reparation of thousands of successful class and individual plaintiffs in the Human Rights Case against Marcos in the US

Mula pa noong 1987, paulit-ulit nang nagbabala ang Negotiating Panel (panel sa negosasyon) ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Negotiating Panel ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas/Gubyerno ng Pilipinas (GRP/GPH) na ituturing ng NDFP na makatwirang batayan ng pagwawakas ng negosasyong pangkapayapaan ang pagkabigo ng GRP/GPH na bayaran ng danyos ang 9,539 na myembro ng class suit at ng 24 pang direktang indibidwal na nagsampa ng kaso na naipanalo ang kaso sa Paglilitis sa Karapatang-tao laban sa Gubyerno ni Marcos (MDL No. 840, CA No. 88-0390) sa US Federal District Court sa Honolulu, Hawaii.

Nasa Artikulo 5 ito ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), na nilagdaan noong 1988 sa pagitan ng GRP-NDFP na nagsasabing:

Iginagalang at sinusuportahan ng mga Partido dito ang karapatan ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa panahon ng rehimeng Marcos na nagbibigay konsiderasyon sa pinal na husga ng United States Federal Court System sa Litigasyon ng Karapatang-tao Laban kay Marcos, Resolusyon ng Senado 1640, Desisyon ng Korte Supremang Swiss ng 10 Disyembre 1997; at mga karampatang probisyon ng Kasunduan ng U.N. hinggil sa mga Karapatang Sibil at Pulitikal at sa Kumbensyon ng UN Kontra Tortyur ng 1984.

Kung meron nang pagkakasundo, dapat gumawa ang GRP sa awtorisadong kinatawan ng mga biktima ng isang nakasulat na dokumento upang ipatupad ang Artikulong ito at tugunan ang hiling ng mga nasabing biktima, kaugnay sa halaga at paraan ng kompensasyon, na dapat ay pinakadirekta at pinakamabilis sa bawat biktima o tagapagmana sang-ayon sa kaukulang pasya ng Korte Supremang Swiss.

Sa mga kaso ng pagkakasundo labas sa hurisdiksyon ng US, lahat o mayorya ng mga nasabing biktima ay dapat tukuyin ang kanilang kinatawan sa pamamagitan ng power of attorney (dokumentong nagbibigay-awtoridad na katawanin ng isang abogado).

Tinukoy din ito sa Blg. 6 ng Magkasamang Pahayag sa Oslo na nilagdaan noong 14 Pebrero 2004 ng GRP at NDFP na pinatotohanan ng Royal Norwegian Government bilang Third Partido Facilitator, maging sa Blg. 5 ng Ikalawang Magkasamang Pahayag sa Oslo na nilgadaan noong 3 Abril 2004 ng dalawang Partido at pinatotohanan ng Royal Norwegian Government bilang Third Party Facilitator.

Ang babala ay tahasang nakasaad sa iba't ibang pahayag ng Tagapangulo ng Negotiating Panel ng NDFP at ni Prof. Jose Maria Sison, ang Punong Pampulitikang Konsultant ng NDFP, na ang pagkakait ng hustistiya at indemnipikasyon sa 9,539 na myembro ng class suit at 24 indibidwal na direktang nagsampa ng kaso ay isang casus belli (isang akto ng pag-uupat ng digma).

Sa Seksyon 17 ng Human Rights Reparation and Recognition Act of 2013 o Republic Act 10368 hinggil sa Pinal na Pagpapalagay na ang Isang Tao ay HRVV (human rights violations victims o biktima ng paglabag sa karapatang-tao) sa ilalim ng Batas na ito, nakasaad na: "Ang mga naghahabol sa isang class suit at direktang nagsampa ng kaso sa Paglilitis sa Karapatang-tao laban sa Gubyerno ni Marcos (MDL No. 840, CA No. 88-0390) sa US Federal District Court sa Honolulu, Hawaii kung saan nagbaba ng paborableng husga, ay dapat bigyan ng pagkilalang nagpapalagay na sila ay HRVV...

Dahil sa kabiguan ng Human Rights Victims Claims Board (HRVCB), laluna ng Tagapangulo nito, na gawin ang lahat ng pagsisikap para gampanan ang gawain nito sa ilalim ng Republic Act 10368, bigo itong makakuha ng sertipikadong kopya sa korte ng orihinal na listahan ng 9,539 myembro ng class suit at ng 24 na direktang nagsampa ng kaso. Humantong ang kabiguang ito sa mas maraming kalituhan, paglala at mga suliranin sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang-tao.

Kaugnay nito, muling nagbababala ang NDFP sa GRP/GPH laban sa paghadlang sa pagkilala at indemnipikasyon ng libu-libong biktima ng paglabag sa karapatang-tao mula sa 9,539 myembro ng class suit at ng 24 na direktang nagsampa ng kaso na naipanalo ang kanilang mga kaso sa Paglilitis sa Karapatang-tao laban sa Gubyerno ni Marcos (MDL No. 840, CA No. 88-0390) sa US Federal District Court sa Honolulu, Hawaii.

Ang gayong kasalanan laban sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang-tao ay labag sa CARHRIHL, sa Magkasamang Pahayag sa Oslo, at sa pinal na pagpapalagay ng ebidensya na nakasaad sa Republic Act 10368. Sisirain nito ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP/GPH at ng NDFP. At ang rehimeng Aquino ay mananagot sa pagbagsak ng negosasyong pangkapayapaan.










OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES


http://www.philippineinsurgency.co.nr/


PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------