Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, October 25, 2019

Kundenahin at labanan ang pwersahang pagpapasuko sa mga katutubong Dumagat at Remontado!




From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article links: https://cpp.ph/statement/kundenahin-at-labanan-ang-pwersahang-pagpapasuko-sa-mga-katutubong-dumagat-at-remontado/

Kundenahin at labanan ang pwersahang pagpapasuko sa mga katutubong Dumagat at Remontado!

Mariin naming kinokondena ang pwersahang pagpapasuko ng AFP-PNP sa mga sibilyan na bahagi ng katutubong Dumagat at Remontado. Ipinagyayabang ng AFP-PNP sa Timog Katagalugan na ang pinamalita nila sa media at sa publiko kahapon, Oktubre 21, 2019, ay mga diumanong kasapi ng NPA sa mga lalawigan ng Quezon, Laguna at Rizal. Masahol pa ay maging menor de edad, mga kababaihan at matatanda na kabilang sa mga katutubonng Dumagat at Remontado ay inakusahan, tinakot at pinwersang sumuko bilang mandirigma ng NPA. Lahat ng ito ay walang katotohanan at kathang isip lamang ng AFP-PNP sa Timog Katagalugan.


Matapos malaman namin ang balita na may diumanong sumukong NPA ay kagyat kaming nakipag-uganayan sa mga katutubo at nag-imbistiga. Napag-alaman namin na ang nasabing 26 na diumanong myembro ng NPA na sumuko ay walang iba kundi mga ordinaryong sibilyan na mapayapang nabubuhay sa kabundukang ng Sierra Madre sa bahagi ng probinsya ng Rizal at Quezon. Dahil mga miyembro ng katutubong Dumagat at Remontado na nabubuhay sa kabundukan at kagubatan ay lagi silang inaakusahan ng AFP-PNP na tagasuporta ng NPA kundi man ay mga myembro ng NPA mismo. Karamihan sa kanila ay nagpapalipat-lipat ng tirahan at. kuhanan ng ikabubuhay sa mga baryo ng Umiray, Canaway, Pagsangahan at Lumutan ng Gen. Nakar, Quezon. Ang ilan sa kanila ay umaabot pa sa mga bayan ng Tanay, Montalban at Antipolo City, Rizal. Bago pa ang pwersahang pagpapasuko sa kanila ay nagpapalipat-lipat na sila ng kanilang tirahan upang makaiwas sa pananakot at pandarahas ng mga nag-ooperasyong mga myembro ng AFP at PNP.

Mula pa Mayo 2019 ay tuloy-tuloy nang naglulunsad ng operasyong militar ang pinagsanib na pwersa ng AFP-PNP sa kanayunan at mabundok na bahagi ng Sierra Madre sa mga lalawigan ng Quezon at Rizal. Tatlong serye ng “Focused Military Operation (FMO)” sa balangkas ng kontra-insurhensyang OPLAN KAPANATAGAN na tinatawag nilang “whole of nation approach” para wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Sa kalahating taon na operasyong militar para wasakin ang NPA ay laging talunan ang AFP-PNP. Sa mga naganao na laban sa pagitan ng mga pwersa ng NPA at AFP sa lalawigan ng Rizal at Quezon ay laging talunan ang AFP at wala silang maidulot na anumang kaswalti sa hanay ng NPA. Sa mga naganap na labanan noong buwan ng Mayo, Hulyo, Agosto at Septyembre, 2019 ay dumanas ang AFP-PNP ng mahigit 10 kaswalti habang wala ni isa man sa hanay ng mga pwersa ng NPA-Rizal at NPA-Quezon.

Dahil laging talunan sa labanan kapag NPA ang kaharap ng AFP-PNP, kanilang pinagbabalingan ng galit ang mga ordinaryong sibilyan. At dahil nakatira sa bundok, ang mga katutubong Dumagat at Remontado ang lagi nilang pinagbubuntunan at binabawian sa kanilang pagkatalo sa labanan. Tuloy-tuloy nilang tinatakot ang mga katutubong Dumagat at Remontado. Pinagbabantaan lagi na huhulihin, ikukulong o mamamatay kapag hindi sila sumuko bilang mandirigma ng NPA sa AFP-PNP. Sa ganito ay naoobliga ang mga katutubo na sundin ang gusto ng AFP-PNP sa takot na patuloy na pag-initan at mahuli o mapatay. Dahil katangian ng mga katutubo na laging magkakasama ang magkakamag-anak ay inoobliga ng AFP-PNP ang magkakamaganak na katutubo (anak, tatay, nanay, apo, lolo’t lola) na sumuko lahat. Kaya’t ang pinagmamalaki ng AFP-PNP na sumukong 26 ng NPA ay mga magkakamag-anak na katutubo. Para maging kapani-paniwala sa midya na NPA nga ang sumuko ay muli nilang inlalabas ang mga recycled na baril at pampasabog. Tulad ng ginagawa nila sa mga “press conferences” sa kanilang OPLAN TOKHANG ay kailangang may baril ang mga sumusuko samantalang ang tanging baril na hawak ng ilang mga katutubo ay ang mga home-made shot gun na ginagamit nila sa pangangaso sa kagubatan. Sa totoo, sa inilabas na media na 14 na baril at mga pampasabog ay wala ni isa man ditong pagaari ng NPA. Lahat ng nasabing baril ay galing sa mga taguan ng AFP-PNP na kinukuha nila at inilalagay sa mga gusto nilang taniman at kasuhan ng iligal na pagtatago ng baril.

Mariin din naming kinokondena ang pamumwersa nila sa mga menor de edad na katutubo na sumuko at ipresentang “child warriors” ng NPA. Ito ay malinaw na paglabag sa mga batas sa United Nation at mismong sa batas ng Gobyerno ng Pilipinas na nangangalaga sa karapatan ng mga babae at bata. Malinaw ang mga panuntunan at patakaran ng NPA walang tatanggaping maging myembro ng NPA na menor de edad. Tanging ang mga mamamamayan na may edad na 18 gulang pataas ang maaring tanggaping mandirigma ng NPA. Kaya hindi ang CPP-NPA ang lumalabag sa batas sa proteksyon ng mga bata kundi ang AFP-PNP mismo. Marami sa mga kabataang katutubo ang nirerekrut nilang maging myembro ng CAFGU ay pinipwersang sumuko bilang NPA gayung alam ng AFP-PNP na ang mga ito ay ordinaryong sibilyan. Kahit ang mga opisyal ng baranggay at lokal na pamahalaan ay maaring magpatunay na ang pinasuko ng AFP-PNP ay mga ordinaryong sibilyan at mamamayan sa kanilang lugar. Para lalong patunayan ito, hinihiling namin sa mga mamamahayag at myembro ng midya na lihim na kausapin ang mga pinasuko ng AFP-PNP na malayo at walang presensya ng militar at tanungin sila kung tunay nga silang NPA nang sila ay sumuko. Nakakatiyak kami na kung maluwag sa loob nila at walang presensya ng AFP-PNP ay tiyak na aaminin nila na hindi sila NPA at pinwersa lamang sila na sumuko bilang mandirigma ng NPA. Mas mainam din na ang mga kasapi ng Midya ay mag-imbistiga sa mga lugar na pinanggalingan ng mga diumanong NPA na sumuko para tunay na malaman ang katotohanan.

Nangangarap ng gising ang AFP-PNP na mauubos nila ang NPA sa pamamagitan ng pwersahang pagpapasuko. Nagkakamali sila dahil sa halip na lumayo ang loob ng mamamayan sa NPA ay lalo lamang lilitaw ang katotohanan na ang NPA ang tunay na hukbo ng mamamayan na hinahayaan silang gawin ang nais nila bilang mabuting mamamayan sa kanilang komunidad habang ang AFP-PNP ay pinipwersa silang umamin at sumukong mandirigma ng NPA kahit hindi naman totoo. Ang OPLAN KAPANATAGAN ng rehimeng US-Duterte ay OPLAN BANGUNGOT sa mga katutubong Dumagat at Remontado na inaalisan ng kanilang karapatan sa lupaing ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya. Anuman ang gawin ng AFP-PNP laban sa mga katutubong Dumagat ay makakaasa ang buong katutubong KADUMAGETAN na patuloy na gagampanan ng NPA ang kanyang sinumpaang tungkulin na paglingkuran at itaguyod ang karapatan ng mga mamamayan at mga katutubong Dumagat at Remontado laban sa pananalakay ng mga mapagsamantala at mapanupil.

Sa mga may simpatiya sa buhay ng mga katutubong Dumagat at Remontado, nananawagan kami sa inyo na ilantad at labanan natin ang pananakot, pandarahas at pwersahang pagpapasuko sa kanila ng AFP-PNP. Itaguyod at makiisa tayo sa kanilang pakikibaka para sa lupaing ninuno at para sa karapatan sa sariling pagpapasya. LABANAN NATIN at biguin ang OPLAN KAPANATAGAN na walang iba kundi bangungot at kamatayan sa kultura at buhay ng mga katutubong Dumagat at Remontado.

ITAKWIL AT LABANAN ANG PWERSAHANG PAGPAPASUKO SA MGA
KATUTUBONG DUMAGAT AT REMONTADO!
ITAGUYOD ANG KANILANG PAKIKIBAKA PARA SA LUPANG NINUNO AT
KARAPATAN SA SARILING PAGPAPASYA!
MABUHAY ANG KATUTUBONG KADUMAGETAN!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG SAMABAYANANG PILIPINO!





CPP/NPA/NDF Website

OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------