From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
Article :https://philippinerevolution.nu/2025/01/07/walang-awat-na-paglabag-ng-afp-sa-mga-karapatang-tao/
Walang awat na paglabag ng AFP sa mga karapatang-tao
Sa gitna ng pagdiriwang ng kapaskuhan, walang awat ang pang-aatake ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mamamayang Pilipino. Noong huling mga araw ng Disyembre 2024, walang patid ang mga kaso ng pagpatay, pag-aresto at paglabag sa internasyunal na makataong batas ang mga berdugo.
Pagpatay. Binaril at pinatay ng mga sundalo ng AFP na naka-istasyon sa Barangay Paguihaman, Uson, Masbate ang dalawang binatilyong papauwi lamang galing sa isang Christmas party sa naturang barangay noong madaling araw ng Disyembre 27, 2024. Kaagad namatay ang 18-anyos na si Redjan Montealegre, residente ng katabing Barangay Mongahay, at 14-anyos na si JP Osabel, residente ng Barangay Mabini. Pareho silang binaril sa ulo.
Inamin mismo ng mga sundalo ang pagpatay sa dalawa. Anila, akala nilang mga armadong mandirigma ng BHB ang mga biktima.
Pag-aresto. Tatlong manggagawang pangkaunlaran na may kaugnayan sa Paghida-et sa Kauswagan Development Group Incorporated (PDG Inc) ang inaresto ng mga pulis noong Enero 2 sa Negros Occidental. Sina Federico Salvilla, Perla Jaleco at Dharyll Albanez ay inaresto sa mga kaso ng “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing and Suppression Act of 2012.
Ang PDG Inc ay isang organisasyon sa sentral at timog na bahagi ng Negros Island na nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa sustenableng agrikultura at repormang panlipunan.
Paglabag sa internasyunal na makataong batas. Noong Oktubre 31, 2024 buhay na nadakip ng 12th IB si Alvin Panoy (Ka Benmar) sa naganap na engkwentro sa Sityo Hilwan, Barangay Manika, Libacao, Aklan. Itinali siya ng mga sundalo at kasunod na sumigaw ang mga ito ng “advance happy new year” at nagpakawala ng sunud-sunod na putok ng baril. Hinamon pa ng mga sundalo na bawiin ang bangkay ng Pulang mandirigma mula sa kanila.
Noong Disyembre 10, 2024, tinadtad ng bala ng 12th IB ang bangkay ni Jyrel Katipunan (Ka Jason) na napatay sa isang engkwentro noong Disyembre 9 sa Barangay Tacayan, Tapaz, Capiz. Ayon sa BHB, isang tama lamang ng bala sa katawan ang natamo ni Ka Jason na kaagad niyang ikinamatay. Inihimlay nila ang bangkay sa isang liblib na lugar, upang ipakuha sa kanyang mga kaanak subalit natuklasan ito ng mga pasistang sundalo noong sumunod na araw.
Sa Oriental Mindoro, ilang araw na ginipit at pinahirapan ng 4th IB ang pamilya ng Pulang mandirigmang namartir na si Marife Gayadan, isang Mangyan-Iraya, mula nang simulan nilang bawiin ang bangkay ng kaanak. Namartir si Gayadan sa isang engkwentro ng 4th IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Sitio Tinis-an, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Disyembre 18, 2024. Sa huli, itinakas ng mga sundalo ang bangkay ng martir at kanyang mga kaanak para “iuwi” sa kanilang bahay. Hanggang sa burol ay binantayan sila ng mga sundalo.
Demolisyon. Marahas na dinemolis ng higit 100 bayarang maton ang kabahayan sa Dalat, San Roque, Bangkal, Davao City noong Disyembre 21, 2024. Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Davao, tatlong residente ang nasugatan sa marahas na paggiba sa mga bahay sa komunidad. Mula ang mga tauhan ng demolisyon sa lokal na gubyerno.
Panggigipit. Minanmanan at ginipit ng mga tauhan ng National Task Force (NTF)-Elcac ang kanilang pangkalahatang kalihim ng Gabriela-Southern Tagalog na si Krizia Cirujano noong panahon ng kapaskuhan. Pinuntahan ng dalawang lalaki na tumangging magpakilala ang bahay ng pamilya ni Cirujano sa Dasmariñas City, Cavite noong Disyembre 19, 2024.
Atake sa unyon. Iligal na tinanggal ng kapitalista ng Paperland Inc. ang presidente ng unyon dito na Militanteng Manggagawa ng Paperland Inc. (MMPI-ANGLO-KMU) noong Disyembre 22, 2024. Sinibak sa trabaho si Renato Ayroso dahil sa kanyang pagtindig para sa kanilang collective bargaining agreement (CBA) at iba pang mga karapatan ng manggagawa. Ginamit na kaso ng kapitalista laban kay Ayroso ang “insubordination” o hindi pagsunod sa atas ng awtoridad. Matagal nang pinag-iinitan si Ayroso dahil sa kanyang paglaban para sa CBA, Occupational Safety and Health (OSH) inspeksyon at iba pang karapatan ng mga manggagawa.
Walang awat na paglabag ng AFP sa mga k
CPP/NPA/NDF Website
Article links
https://philippinerevolution.nu/2025/01/07/walang-awat-na-paglabag-ng-afp-sa-mga-karapatang-tao/
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------