From the Website of PRWC - CPP-NPA-NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/01/kundenahin-ang-malawakang-opensiba-at.html#more
Kundenahin ang malawakang opensiba at pagtatalaga ng tropa ng AFP sa kabila ng tigil-putukan
Partido Komunista ng Pilipinas
6 Enero 2012
Kinukundena
ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Aquino sa
paglulunsad ng malawakang opensiba at sa pagtatalaga ng mga armadong
tropa nito laban sa mga rebolusyonaryong base at sa Bagong Hukbong Bayan
sa kabila ng pansamantalang sabayang tigil-putukan sa pagitan ng
National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng
Republika ng Pilipinas (GPH).
Batay sa mga
ulat mula sa mga kumand ng Bagong Hukbong Bayan sa mga erya, may
lumilitaw na padron ng paunang pagpapakat ng tropa ng Armed Forces of
the Philippines (AFP) at ng mga espesyal na pwersa ng pulisya na malinaw
na paghahanda para sa isang todo-todong opensiba sa pagtatapos ng
kasunduan sa tigil-putukan sa Enero 15.
Tinutuligsa ng PKP ang
mapanlansing pahayag ng Malacañang at ng AFP na nagsasabing matapat
nilang sinusunod ang kasunduan para sa pansamantalang sabayang
tigil-putukan habang isinasagawa ang mga opensibong operasyon sa tabing
ng tinaguriang mga operasyong "peace and order". (Tingnan ang
pinakahuling ulat sa ibaba.) Halatang-halata na sinasamantala ng AFP ang
tigil-putukan upang buong-layang isagawa ang malawakan at malakihang
operasyon dahil batid nilang magpipigil ang mga yunit ng BHB sa
paglulunsad ng mga kontra-atake bilang pagtalima sa pansamantalang
kasunduan ng tigil-putukan.
Ang patuloy na mga operasyong kombat,
pagtatalaga ng mga tropa, militarisasyon at pagpapaigting ng operasyong
paniktik sa mga komunidad sa kanayunan ay bahagi lahat ng pinaigting na
kontra-rebolusyonaryong opensiba ng rehimeng Aquino ngayong taon.
Bahagi lahat ito ng kapanyang panggerang Oplan Bayanihan nito upang
wasakin ang Bagong Hukbong Bayan sa kalagitnaan ng taon, at ipasa ang
tinaguriang mga operasyong counter-insurgency mula sa AFP tungo sa
Philippine National Police (PNP).
Matingkad na naiiba sa todong
paglapastangan ng AFP sa pansamantalang sabayang tigil-putukan, ang
lubos na pagtalima ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan at milisyang
bayan sa kautusan ng Komite Sentral na ihinto at umiwas sa pagsasagawa
ng mga operasyong opensibo. Pawang walang batayan at kasinungalingan ang
mga bintang na paglabag ng BHB sa deklarasyon ng tigil-putukan ng PKP
na inimbento ng AFP sa pamamagitan ng mga utusang-US na tagalubid ng
kasinungalingan. (Tingnan ang kaugnay na pahayag.)
Ulat ng mga opensibong operasyon ng AFP na paglabag sa kasunduan sa sabayang tigil-putukan
1.
Simula Disyembre, ginagalugad ng mga elemento ng 57th at 40th IB ang
mga baryo ng Old Bulatukan, New Israel at Biangan, pawang sa Makilala,
North Cotabato at ipinwesto ang dalawang kanyong 105 howitzer na
nakatutok sa Larangang Gerilya 51 at 72 ng BHB.
2. Nagtalaga ng
tatlong seksyon ng sundalo ang 10th ID sa bawat barangay sa pagitan ng
Mapula hanggang Barko-barko, Lumiad hanggang Riverside at sa Pandaitan,
lahat sa Paquibato District, Davao City.
3. Nagtayo ng mga
teskpoynt ang 10th ID sa mga daan patungong Paquibato upang pigilan ang
mga bisita na makadalo sa mga pagtitipong masang nakatakda upang
gunitain ang anibersaryo ng PKP noong Disyembre 26.
4. Patuloy na
sinisindak ng mga elemento ng 69th IB at 84th IB ang mga residente ng
Purok Isled, Barangay Damilag sa Calinan, Davao City upang pwersahin
silang iulat ang kinalalagyan ng mga lokal ng yunit ng BHB.
5.
Inaresto ng mga elemento ng 74th IB ang limang lokal na magsasaka noong
Disyembre 21 sa Mulanay, Quezon at inakusahan silang mga kasapi ng
Bagong Hukbong Bayan (BHB).
6. Inaresto noong Disyembre 25 ng mga
elemento ng 302nd Brigade at lokal na pwersa ng pulisya sa Manjuyod,
Negros Oriental si Oligario Sebas, na inakusahan ng militar na si
Felimon Mendrez na diumano’y mataas na lider ng rebolusyonaryong
kilusan.
7. Inaresto ng mga elemento ng Cagayan Valley Regional
PNP noong Disyembre 28 sa Bagumbayan, Tuguegarao City si Rene Esmondo
Abiva na pinagbibintangan din ng militar na diumano’y rebolusyonaryong
lider.
8. Noong Enero 1, pinasok ng tatlong platun ng 84th IB ang
Barangay Tambobong, Baguio District, Davao City at nag-operasyon sa
lugar. Noong Enero 3, pinalaki pa ang pwersa mula sa ibang tropa,
pwersahang pinalikas ng 84th IB ang 125 pamilya, pinagbawalan ang
pagtatrabaho sa mga plantasyon at kinontrol ang paghahatid ng bigas at
iba pang pagkain sa lugar.
9. Ilang oras bago mag-Disyembre 16,
sa pagsisimula ng deklarasyon ng tigil-putukan ng rehimeng Aquino,
palihim na pinasok ng isang platun ng 31st Infantry Battalion ang
Barangay Hamorawon, Bulan, Sorsogon. Sa loob ng ilang araw, sinuyod nito
ang mabundok na lugar hanggang sa may hangganan ng mga bayan ng Bulan
at Irosin, bago bumalik sa kanilang kampo.
10. Naglunsad ng
operasyong kombat ang mga elemento ng PNP Regional Public Safety
Battalion (dating Regional Mobile Group o RMG) sa Barangay Macahoy, San
Pascual, Masbate noong Disyembre 24 at 25. Noong Disyembre 28 at 29,
niryed ng tropang ito ang bahay ng isang pamilya ng magsasaka sa
Barangay Mabini na pinaghihinalaang aktibo sa rebolusyonaryong kilusan.
11.
Noong Disyembre 23, dinukot ng mga elemento ng PNP Milagros, Masbate
City at ng mga tropa 9th Infantry Battalion sina Olalio Gonzaga, 32, ng
Barangay Bolo, Masbate City at si Noel Espinosa, 37, isang barangay
tanod sa Barangay Miabas, Palanas, Masbate.
12. Noong Enero 2,
pinasok ng mga elemento ng 2nd IBPA ang Barangay Sta. Cruz, Donsol,
Sorsogon at naglunsad ng operasyong kombat laban sa Bagong Hukbong Bayan
at mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa lugar.
13. Patuloy
na naglulunsad ng mga tinaguriang "peace and development teams" ng AFP
ang paniniktik at operasyong saywar sa humigit-kumulang 40 barangay sa
Bicol.