Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, April 25, 2014

Patibayin at I-abante ang Makapangyarihang Pwersa ng Nagkakaisang Mamamayan Laban sa Pahirap na Rehimen



From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2014/04/patibayin-at-i-abante-ang.html#more

 


Drive out the fascists from Talaingod!

VIDEO: ANG BAYAN
21 April 2014



For almost two months now, the AFP has been mounting intense military operations and going on a fascist rampage in a cluster of sub-villages in Barangay Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte. Since the first week of March, battalions of troops from the Armed Forces of the Philippines have been sowing terror in this area. The 68th and 60th IB and the 4th Special Forces have been concentrating on eight sub-villages in Palma Gil, spurring more than 1,300 Ata-Manobo tribespeople to flee. They are currently seeking refuge with church people and other concerned groups in Davao City. (with subtitles in English)

See full editorial article: http://www.philippinerevolution.net/statements/20140422_drive-out-the-fascists-from-talaingod

Download PDF in Pilipino: http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/archives/2014/original/20140421pi.pdf


Watch on youtube:

http://youtu.be/uZ1HX2mFKag

https://www.youtube.com/watch?v=uZ1HX2mFKag






-----------------------------------


Patibayin at I-abante ang Makapangyarihang Pwersa ng Nagkakaisang Mamamayan Laban sa Pahirap na Rehimen

Maria Roja Banua
NDFP Bicol Chapter April 24, 2014

Marubdob na binabati ng National Democratic Front-Bicol ang lahat ng rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan sa okasyon ng ika-41 anibersaryo ng pagkakatatag ng National Democratic Front of the Philippines ngayong Abril 24, 2014. Ipinapaabot din ng NDF-Bicol ang mainit na pagtanggap sa bagong kaalyadong organisasyong COMPATRIOTS, ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga Overseas Filipino Workers at kanilang mga kapamilya.

Tagumpay ng sambayanan ang matalas na pagkompronta at mapagpasyang paglaban ng mamamayan sa balangkas ng NDFP sa harap ng lalong pagkabulok ng malapyudal at malakolonyal na lipunan. Ang paglawak at pagkonsolida ng NDFP ay patunay ng mataas na pagpapahalaga ng sambayanang Pilipino sa kanilang organisadong pagkilos upang i-abante ang pambansa at demokratikong mithiin sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Iluluwal ng mga pagpupunyagi ng mamamayan ang isang lipunang tunay na malaya, demokratiko, at maunlad.

Higit pang kinakailangan ngayon ang malawak na pagbubuklod ng iba't ibang uri at sektor upang maging makapangyarihang sandata laban sa kinamumuhiang rehimeng US-Aquino. Matibay ang mga batayan sa pagpapatalsik kay Noynoy Aquino dahil sa kanyang malubhang korapsyon, brutalidad, at pagpapakatuta sa imperyalistang US.

1. Pagpapakatuta sa Imperyalismong US at pagbenta sa soberanya ng bansa

Kontrolado si Noynoy ng gubyernong US. Wala siya ni anumang bahid ng patriyotismo na ipagtanggol ang kasarinlan ng bansa, kung kaya't lumulubha ang panghihimasok ng US sa lahat ng larangan ng lipunang Pilipino. Ipokrito niyang tinutuligsa ang mapanghimasok ding postura ng China sa teritoryo ng Pilipinas, gayong buong-laya niyang pinaglilimayon ang mga tropang militar ng US sa paparaming dako ng bansa.

Ngayong Abril 21 hanggang Mayo 16 ay muling lalabagin ni Noynoy ang konstitusyon ng kanyang gubyerno sa pagpapapasok ng mga dayuhang tropa upang magsagawa ng mapaniktik at mapanlinlang na RP-US Balikatan sa Guinobatan at Legazpi sa Albay.

Katuwang ang hambog na pagtatangka ni Albay Gov Joey Salceda na Zero Insurgency sa Albay, pagsisilbihin ang Balikatan at ang pinaigting na militarisasyon sa prubinsya upang ubos-kayang supilin ang mamamayan at ipagmalaki sa mga imperyalistang amo nina Aquino at Salceda na malayang maisasakatuparan ng mga ito ang kanilang interes sa Pilipinas. Walang ibang layunin ang imperyalismong US kundi ang dominasyon sa ekonomya ng Pilipinas sa ngalan ng Globalisasyon, na kinakatawan ng napipintong pagtitipon sa Albay ng APEC sa 2015. Pangkalahatang interes ng US ang pagkontrol sa merkado ng Asya-Pasipiko bilang pang-sagip sa kanyang bagsak na ekonomiya.

Sa malapit ding hinaharap, layunin ng taksil sa bayan na si Noynoy na baguhin ang Konstitusyon ng 1987 upang pahintulutan ang kanyang mga amo na lubusan nang makapagmay-ari ng kalupaan at negosyo sa Pilipinas, at mapanumbalik ang mga base militar ng US. Ang mga ito ang nais tiyakin ng pagbisita sa Abril 27 sa bansa ng imperyalistang amo ni Noynoy na si Barack Obama.

2. Pinaglilingkod ang batas at mga programa para sa pang-ekonomiyang interes ng angkang Cojuangco-Aquino, mga kasosyo sa negosyo at kanyang mga kaibigan

Puntirya din ni Aquino ang mamamayan upang gawing gatasan ng kanyang mga kamag-anak at kasosyo sa ilalim ng mga proyektong Public-Private Partnership. Nakahain ngayon ang mga kooperatiba ng kuryente sa Bikol upang ilipat ang pagmamay-ari at pagkakitaan ng kanyang tiyuhing si Danding Cojuangco. Maging ang iba pang institusyon sa serbisyong panlipunan katulad ng Bicol Medical Center ay nakatakda ring ipasakamay ng mga kapitalista. Maliban dito, isinusubasta sa mga dayuhan at mapaminsalang kumpanya ang mga yamang mineral ng rehiyon sa halip na paunlarin ang industriya sa pagmimina para sa kapakinabangan ng bansa. Binibigyang-kapangyarihan din ni Noynoy ang karamihan ng mga gubernador sa Bikol na maki-dambong sa mga yamang mineral ng rehiyon.

3. Pagwalang-bahala sa programa sa lupa at pagkait ng nararapat na pondo para sa mga magsasaka

Biktima ang mga magsasaka ng kawalan ng hustisyang panlipunan sa usapin ng pag-aari ng lupang dekada nilang binungkal, at kawalan ng suporta sa pagpapaunlad ng agrikultura mula sa gubyerno ni Noynoy. Sa halip, malawakan ang kanselasyon ng mga Emancipation Patent, Certificate of Land Transfer, at Certificate of Land Ownership Award na nagreresulta sa pagpapalayas sa mga magsasaka. Pinag-ugatan nito ang di-makahustisyang balangkas ng programa sa lupa at korapsyon sa pondo para sa reporma sa lupa.

Sa panunungkulan ng ina ni Noynoy, nilustay ang halos buong pondo ng rehiyon sa Garchitorena Land Scam. Maanomalyang ipinambayad ang P62.7M pondong publiko sa lupang pagmamay-ari ng kaalyado ng pamilyang Aquino na sinaklaw ng inutil na CARP. Ngayon nama'y pinag-iinitan ng Pork Barrel King na angkinin ang P72 bilyon mula sa pondo at interes ng coco levy na pagmamay-ari ng mga magniniyog. Naglalaway si Noynoy na maidagdag ang pera ng mga magniniyog sa kanyang trilyon-halagang pork barrel. Mahalaga ang pondong coco levy para sa mga Bikolano dahil ikatlo ang Bikol sa mga coco-producing regions na nakapag-ambag sa nasabing pondo.

Maliban sa mga kabulukang ito ni Noynoy, isinasalaksak din ang mga mapaminsalang binhing GMO, abono at mga kemikal. Sa halip na itaguyod at paunlarin ang likas kayang pagsasaka, minsan pa'y pinagsisilbihan ni Aquino ang interes ng mga dambuhalang kumpanya para muling tumabo ng bilyong dolyar.

4. Nakapakong sahod at mataas na presyo ng bilihin na mahigit sa kalahati ay buwis sa koraptong gobyerno

Samantala, patuloy na ipinagkakait sa mga manggagawa't empleyado ang makatarungang sahod, at hinuhuthot ang kanilang kakarampot na kita tungo sa nagtataasang buwis, presyo ng bilihin at serbisyo, at sa kasuklam-suklam na pork barrel. Hindi lubos-maisip ng mga magulang kung saan huhugutin ang ipangtutustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak, maliban pa sa ibang pangunahing gastusin sa bahay. Gayundi'y nakatanghod sa kawalang-hanapbuhay ang mga bagong nagsipagtapos sa kolehiyo, dagdag sa mahigit 12 milyong Pilipinong walang hanapbuhay.

5. Pagkakait ng edukasyon at pagpapabaya sa kapakanan ng kabataan

Hindi maabot ng mamamayan ang de-kalidad na edukasyon para sa kanilang mga anak. Lalong dumarami ang mga kabataang napipilitang tumigil sa pag-aaral dahil sa kawalan ng pangsustento sa pang-araw-araw na pag-tawid sa kahirapan ng kanilang pamilya. Maging ang mga nasa panggitnang saray ng lipunan ay lubog na rin sa kabi-kabilaang utang at nakasanla ang mga ari-arian para lamang may maidugtong sa kadalasa'y humpak na badyet para sa kinabukasan ng kanilang mga anak.

Matinding panlalansi lamang ang ipinanglilimos na 4P's upang pagmukhaing kahit paano ay may katiting na malasakit ang gubyerno ni Noynoy sa naghihirap na mamamayan. Hindi nito nilulutas ang kagutuman at kamangmangan ng mga kabataan. Sa totoo, iginigisa sa sariling mantika ang mamamayan dahil pagbabayarin ang publiko ng inutang na pondo para sa 4P's.
Dagdag na krimen ni Noynoy sa mga kabataan ang pagtutulak sa mga ito sa masasamang bisyo at gawi, at pagpipilit sa kanilang pumaloob sa militar upang maging kasangkapan sa krimen. Ang pagkakait ng edukasyon at pag-gumon sa kabataan sa kabulukan ay umaayon sa disenyo ng gubyerno na akitin ang mga kabataan laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Anumang pagtutol at paglaban ng mamamayan sa buktot na mga patakaran ni Noynoy ay sinasalubong niya ng panunupil ng Oplan Bayanihan. Bagamat bigo itong lupigin ang rebolusyonaryong kilusan, kabi-kabilaan ang mga paglabag ng AFP-PNP sa karapatang pantao at masugid ang panglalason sa isip laluna sa mga kabataan. Samu't saring tipo ng pang-aliw, laluna ang masasamang bisyo, ang ipinang-e-engganyo ng mga militar sa mamamayan upang ilayo sila sa landas ng pagrerebolusyon.

Husto at matibay ang mga dahilan upang patalsikin si Noynoy at sa proseso'y maibunsod ang pagpapaigting ng digmang bayan at tanawin ang yugto ng estratehikong pagkapatas. Dapat na magbuklod ang lahat ng mamamayang dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi at ibuhos ang lakas ng nagkakaisang prente laban sa nag-iisang kaaway ng sambayanan na rehimeng US-Aquino.

Malaki ang tiwala nating magkakamit tayo ng malaking pag-igpaw sa pagrerebolusyon ng mamamayan. Sumisikdo sa mga Bikolano ang mataas na antas ng diwang rebolusyonaryo. Makasaysayan ang paglaban natin hindi lamang sa panahon ng direktang pananakop ng mga Espanyol, Amerikano, at Hapones. Magiting din na nilalabanan ng mamamayan ang mga nagbabalatkayong demokratikong pamahalaan ngunit sa katunaya'y di-tuwirang pananakop ng mapangwasak na imperyalismong US.

Kapuri-puri ang pagkilos hindi lamang ng mga batayang uri, kundi maging ng mga panggitnang pwersa noong kalagitnaan ng dekada '80 upang ipagtagumpay ang kanilang mga pambansa at demokratikong interes. Kaisa ng mga manggagawa't magsasaka ang mga abogado, taong-simbahan, edukador, negosyante, at iba pang sektor sa pagpapalundo ng nagkakaisang prente tungo sa isang dambuhalang lakbayan sa mga sentrong syudad.

Ang gayong diwa ng paglaban ang siyang dapat patuloy na pinag-aalab sa kalooban ng bawat Bikolanong naghahangad na makawala sa mga pasakit ng kasalukuyang sistema. Gayong diwa rin ang dapat na muling pasiglahin ng mga pwersang nasa mabuting katayuan at nagnanais na muling gumampan ng mga rebolusyonaryong tungkulin. Tayong mga minsang namulat sa kawastuhan ng pagrerebolusyon ay dapat pinananatili ang inisyatiba at bumuwelo sa mga pagsisikap na ibayong pasiglahin ang pagkilos ng mamamayan para baguhin ang kanilang aping kalagayan.
Nananatili ang pangangailangan upang pangunahan natin ang pagbubuo ng mga samahang magsusulong ng pambansa at demokratikong mga interes ng ating uri at sektor. Mainam ang mga kalagayan upang mabilis na imulat ang mga aktibong kasapi at yakapin nila ang kawastuhan at pangangailangan ng armadong rebolusyon. Dapat silang organisahin at agad na i-anib sa National Democratic Front. Higit ding mapapalakas ang ating mga organisasyon kung ang mga ito'y mahigpit na nakaugnay sa pagkilos ng iba pang uri at sektor, at tayo'y kaisa ng ating hukbong bayan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.

Ang natipong pwersa ng mamamayan para sa pagpapaigting ng armadong pakikibaka, kakumbina ang malawakang pagkilos ng mamamayan sa mga kanayunan at sentrong bayan, ang siya nating ihaharap sa rehimeng US-Aquino para labanan ang kanyang maka-imperyalista at kontra-mamamayang mga patakaran. Ang pagsigla at pag-abante ng nagkakaisang hanay ng mamamayan ang magpapabagsak sa kinamumuhiang rehimen ni Noynoy at unti-unting papawi sa paghahari ng mga mapagsamantala't mapang-aping uri.

Maaliwalas ang nasa ibayo ng mahirap at liko-likong landas ng pagrerebolusyon. Kaya't sa kabila ng gayong mga hamon ay determinado ang mamamayan na dalhin sa susunod na yugto ang rebolusyon upang umalpas sa pagkaalipin at kahirapan, at itindig ang sariling gubyernong tunay na naglilingkod sa kanila. Ang matatag na pagkakaisa ng aping mga uri at sektor sa pag-abante ng armadong rebolusyon ang tiyak na magdadala sa kanila sa pagtatayo ng isang tunay na malaya, demokratiko, at progresibong lipunan.













OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES


http://www.philippineinsurgency.co.nr/








PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------