From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2015/07/10/speech-aquino-afp-change-of-command-2015/
Speech of President Aquino at the AFP Change of Command 2015
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapalit-atas ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas
[Inihayag sa Camp General Emilio Aguinaldo, Lungsod Quezon, noong ika-10 ng Hulyo 2015]
Sa Daang Matuwid, malinaw po ang ating
panata sa mamamayang Pilipino: Ang mag-iwan ng isang Pilipinas na
di-hamak na mas ligtas, mas mapayapa, at mas maunlad kaysa ating
dinatnan. Ngayong araw, nagbibigay-pugay tayo sa isang indibidwal na
ibinigay ang kanyang puso at isip upang makapag-ambag sa layuning ito:
Si General Gregorio Pio Catapang Jr.
Naaalala ko nga po nang una ko siyang
makilala noong panahon ng EDSA revolution: Isa siya sa mga pumanig sa
ating mamamayan imbes na magtanggol sa diktador. At sa pagpapatuloy ng
kanyang karera, lagi niyang tangan ang diwa ng EDSA: Nadestino man siya
sa Mindanao; naging pinuno ng 7th Infantry Division ng Hukbong Katihan
at Northern Luzon Command; o nagsilbi bilang Vice Chief of Staff ng
Sandatahang Lakas. Malinaw sa kanya: Walang ibang dapat paglingkuran ang
ating mga sundalo kundi ang ating bandila at ang taumbayan.
Ang kanyang mahabang karanasan nga po
ang talagang humasa sa kanyang kakayahan at nagbigay sa kanya ng malalim
na pag-unawa sa kalagayan ng ating unipormadong hanay. Ito ang dahilan
kung bakit natin ipinagkatiwala sa kanya ang posisyon ng pangunahing
tagapagtimon ng AFP nitong nakaraang labindalawang buwan.
Hindi po niya tayo binigo. Sa katunayan,
lampas-lampas pa sa ating inaasahan ang ibinigay niya sa atin. Mula sa
pagpapatupad ng ating Internal Peace and Security Plan Bayanihan,
hanggang sa pagtatanggol ng ating teritoryo, buong sipag niyang
ginampanan ang kanyang tungkulin. Dahil matagal siyang nadestino noon sa
mga lugar na madalas binabaha, ginamit niya ang kanyang karanasan upang
patalasin ang disaster preparedness ng ating mga kawal. Nang malagay
naman sa alanganin ang ating mga peacekeepers sa Golan Heights, ang
mahusay niyang pagdedesisyon ang nagbigay-daan sa tinatawag ngayong “The
Greatest Escape.” Noong panahon ng pagluluksa ng sambayanan sa
pagkasawi ng ating magigiting na pulis, isa siya sa mga nagsigurong
mananatiling maayos ang ugnayan ng Philippine National Police at Armed
Forces of the Philippines. Sa panahon din ng panunungkulan ni Gen.
Catapang, at sa pakikipagtulungan ng ating kapulisan at iba pa nating
kakampi sa pagpapatatag ng seguridad, maraming high-value targets ang
ating nasupil. Kabilang na nga po dito ang mataas na opisyal ng BIFF na
sina Basit Usman, Mohamad Ali Tambako, at Abdulgani Esmael Pagao, pati
na si Kumander Parago ng CPP-NPA-NDF. General Catapang, sa ngalan ng
sambayanang Pilipino, maraming-maraming salamat.
Ngayon nga po, sa pakikiambag na rin ng
bawat isang miyembro ng ating unipormadong hanay, iiwan ni Gen. Catapang
ang isang AFP na mas matatag, mas moderno, at buo ang integridad.
Nitong Mayo nga po, ginawaran ng Institute for Solidarity in Asia ang
AFP ng Silver Trailblazer Award, sa matagumpay nitong pagpapatupad ng
Performance Governance System. Patunay po ang pagkilalang ito na hindi
lang tayo puro salita sa pagpapatupad ng reporma sa ating unipormadong
hanay. Naglatag tayo ng malinaw na plano sa ating AFP Transformation
Roadmap; binibigyan natin ng sapat na kakayahan at kagamitan ang ating
mga kawal sa ilalim ng AFP Modernization and Capability Upgrade Program;
at sinisiguro nating ang lahat ng pamantayan ay sinusunod mula sa
pinakamataas hanggang sa pinakamababang antas ng ating Sandatahang
Lakas. Higit sa lahat, nagsagawa at nagsasagawa na rin tayo ng mga
hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan sa hinaharap, at
masigurong hindi na magbabalik ang dating kalakaran.
Di po ba, parang kelan lang ay
napakatayog na pangarap para sa ating mga sundalo ang makakita man lang
ng modernong kagamitan. Ngayon, hindi lang nila nakikita, ginagamit na
nila ang BRP Gregorio del Pilar at BRP Ramon Alcaraz, pati na ang BRP
Tagbanua na kauna-unahang landing-craft utility na made in the
Philippines; 3 AW-109 naval helicopters, 60 field ambulances; at 1 1/4
at 2 1/2 ton troop carrier trucks. Dagdag pa diyan, may 36 na proyekto
na nagkakahalaga ng P90.46 bilyon ang nakatakda nating i-procure.
Kabilang na dito ang 12 Fighter/Surface Attack/Lead-in Fighter Trainer
Aircraft (FA-50) and basing support; 6 Close Air Support Aircraft; 8
Combat Utility Helicopters, 2 Long Range Patrol Aircraft and basing
support; 2 C-130 Aircraft; at 2 frigates. Bibigyan ko lang ng diin:
Hindi tsamba ang dahilan kung bakit may pambili tayo ng mga iyan.
Ginagastos natin nang tama ang pondo ng bayan kaya marami tayong
naibibigay na pakinabang.
Bukod nga po sa pagbili ng modernong
kagamitan, inasikaso din natin ang disenteng pabahay para sa inyo.
Nitong Marso, napirmahan ko na ang dagdag sa inyong subsistence
allowance. Kasama rin ang unipormadong hanay sa nakatanggap ng
Productivity Enhancement Incentive na nilagdaan ko naman noong Mayo.
Nagtutulong-tulong na rin ang DBM, DOF, DND, at DILG sa pagbubuo ng
isang draft pension bill na maglalatag ng mga hakbang upang masigurong
mapopondohan nang tama at tuloy-tuloy ang inyong mga benepisyo. Sa
ganitong paraan, madaragdagan na rin natin ang inyong bilang na sa
mahabang panahon ay hindi nagbago kahit dumoble na ang ating populasyon.
Malinaw po: Sa Daang Matuwid,
ipinagkakaloob ang nararapat lang sa inyong mga handang magbuwis ng
buhay kapag tumama ang sakuna, may banta ng terorismo, o nakahahawang
sakit, at may gustong umangkin sa ating teritoryo. Salamat dahil
paulit-ulit din niyo itong tinapatan ng higit na pagpapakitang gilas sa
pagtupad ng inyong mga tungkulin. Wala pong duda: Sa nagdaang mahigit
limang taon ay lalo pang tumibay ang pagkakaisa ng AFP at ng sambayanan.
Kasabay ng ating pagpupugay kay Gen.
Catapang, at pagdiriwang sa mga tagumpay ng AFP, malugod din nating
tinatanggap ang bagong mamumuno sa ating Sandatahang Lakas: Si Lt. Gen. Hernando Delfin Carmelo A. Iriberri.
Ang balita ko, kahit sino man sa mga nakasama niya sa misyon, training,
at exercises ang tanungin n’yo, very good ang ibibigay na marka sa bago
nating Chief of Staff. Mula nga noong platoon leader pa lamang siya,
basta siya mismo ang nagmamando sa operasyon, walang casualty sa kanyang
mga tropa. Noong 2013 elections naman, nakadestino ang kanyang brigade
sa Abra. Sa ilalim ng kanyang pagbabantay at ng kanyang mga tauhan, sa
kauna-unahang pagkakataon ay walang barangay na nagdeklara ng failure of
elections sa Abra, at walang naitalang election-related violence sa
lalawigan.
Lt. Gen. Iriberri, ito ang hamon sa iyo
ngayon: Ipagpatuloy ang magandang nasimulan ni Gen. Catapang at ng mga
nauna sa kanya, at lalo pang itaas ang kalidad ng serbisyo ng ating mga
kawal. Alalahanin natin: Malapit na naman ang eleksiyon. Kasama sa
inyong tungkulin ang pagsigurong magiging mapayapa at malinis ang
pagpili ng ating mga kababayan ng susunod na pinuno. Sa ganitong paraan
ninyo masusuklian ang suporta at pagkalingang ibinigay sa inyo ng
mamamayang Pilipino, ang ating mga Boss.
Tunay nga po: Sa mahigit limang taon
lamang ng pagtahak natin sa Daang Matuwid, napakarami na nating
napagtagumpayan. Natakpan natin ang mga tagas sa ating mga sistema at
institusyon. Pinapanagot natin ang mga tiwali sa pinakamatataas na
opisina ng ating pamahalaan. Napaunlad natin ang ating ekonomiya,
napalawak natin ang ating mga serbisyong panlipunan, at nakakapagbukas
tayo ng mas maraming oportunidad para sa ating mga kababayan. Nabawi na
natin ang ating pambansang dangal. Isipin na lang po ninyo ang kaya pa
nating makamit kung patuloy nating pipiliin ang matuwid.
Malinaw po: Ang dating kalakaran kung
saan puro mission impossible ang hinihingi sa inyo, ay napalitan na
natin ng kulturang naninigurong mission accomplished kayo. Sa ilalim ng
isang liderato na inuuna ang pangangailangan ng ating unipormadong hanay
imbes na ang sarili; sa pakikiambag ng ating non-commissioned officers;
at sa pagkakaisa ng mga sibilyan at militar: Mabibigyan natin ng
pagkakataon ang mga susunod na henerasyon na abutin ang mas matatayog
pang pangarap, sa isang lipunang mas mapayapa, mas ligtas, at mas kayang
ipagtanggol ang sarili.
Magandang araw po. Maraming salamat po sa inyong lahat.
http://www.gov.ph/
Article links:
http://www.gov.ph/2015/07/10/speech-aquino-afp-change-of-command-2015/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home - Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------