From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2015/07/15/speech-aquino-army-change-of-command-mgen-ano/
Speech of President Aquino during the Army Change of Command Ceremony
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
sa seremonya ng pagpapalit-atas ng Hukbong Katihan
[Inihayag sa Fort Bonifacio, Lungsod Taguig, noong ika-15 ng Hulyo 2015]
Ito na nga ang huling change of command
ng Hukbong Katihan na madadaluhan ko bilang inyong Commander-in-Chief.
Talaga namang mapalad ako na ang lahat ng itinalaga nating mga
pinuno—mula sa Kalihim ng Tanggulang Pambansa, hanggang sa mga Chief of
Staff ng AFP, at maging ang ating service commanders—ay
nagpakitang-gilas sa serbisyo. Sa pangunguna ni Secretary Voltaire
Gazmin, ang mga pinuno ninyong ito ay katuwang ko sa pagpapaunlad at
pagpapahusay sa ating kasundaluhan.
Ilan sa mga itinalaga nating pinuno,
gaya ni Sec. Volts, ay personal nating kakilala at madalas ding
nakakasama sa mga pagpupulong. Meron namang nakilala ko habang sila ay
junior officers pa lamang, kung saan nakitaan na sila ng husay at
dedikasyon sa serbisyo. Habang ang iba naman, nakasalamuha lang natin
dahil isa sila sa mga kandidato sa iba’t ibang mga posisyon. Special
mention dito ang dating Chief of Staff Manny Bautista, at dating
Commanding General Larry dela Cruz ng Air Force na talagang tumatak ang
paglilingkod bilang mga pinuno ng unipormadong hanay.
Si General Larry Dela Cruz naman, sa
interview ko na lang nakilala. Hanga po tayo sa paghahatid niya sa Air
Force tungo sa mas matatayog na tagumpay sa kabila ng mga pagsubok.
Isang matingkad na halimbawa nito ang pagpapakitang-gilas ng Air Force
noong humarap tayo sa matinding hamon: krisis sa Zamboanga, lindol sa
Cebu at Bohol, at paghagupit ng bagyong Yolanda. Kinailangan pong ihatid
ng ating tatlong C-130 ang mga personnel, mga kagamitan, relief goods,
at iba pang supply sa kaukulang lugar. Sa sitwasyong tulad nito, lalong
tumataas ang tinatawag na operational tempo. Pero sa kabila nito, ni
minsan wala akong narinig na reklamo mula sa Air Force, na kesyo
under-repair o unavailable ang ating mga C-130 at iba pang mga sasakyan.
Walang mintis kasing kinukumpuni at pinapakondisyon ng mga propesyonal
na serviceman at piloto ang ating mga eroplano. Tunay ngang sa pamumuno
ni Larry dela Cruz, nagabayan ang ating mga kawal na gawin ang lahat ng
makakaya upang epektibo at agarang rumesponde sa oras ng
pangangailangan.
Siyempre, nariyan din si Lt. General
Hernando Iriberri, ang bagong Chief of Staff ng AFP, na ngayon ay bumaba
na bilang Commanding General ng Philippine Army. Naibahagi ko na sa
inyo ang katangian at mga nakamit na tagumpay ni Lt. General Iriberri
bilang kawal ng bayan. Malinaw naman: Anumang iatang sa kanyang
tungkulin, ibinubuhos niya ang buong lakas at husay para makamit ang
layunin.
Halimbawa nito ang tagumpay ng kanyang
unit sa 503rd Infantry Brigade nang madestino sila sa Abra noong 2013 sa
eleksiyon; dahil sa epektibo nilang pagbabantay, naisakatuparan ang
pinakamapayapang eleksiyon sa Abra. Sa mahigit isang taon naman niyang
pamumuno sa Philippine Army, maigting niyang itinaguyod ang
implementasyon ng Internal Peace and Security Plan. Sa ilalim ng Focused
Military Operations, halos 400,000 na operasyon ang isinagawa ng
Hukbong Katihan upang masugpo ang masasamang elemento sa iba’t ibang
panig ng bansa. Nagresulta po ito sa pagkakadakip at pagsupil sa mga
high value targets na gaya nina Benito at Wilma Tiamzon, Ruben Saluta,
Adelberto Silva, at Kumander Parago ng CPP-NPA-NDF, pati kina Mohamad
Ali Tambako ng Justice Islamic Movement at Sihata Latip ng Abu Sayyaf.
Ito nga pong mga taong ito ay matagal nang pinaghahanap ng batas dahil
sa paghahasik ng takot at karahasan. Kanina nga po ay ginawaran natin ng
parangal sina Captain Neil Edward Camarillo, at Sergeant Gilbert
Balonga sa kanilang ipinamalas na tapang at kahusayan upang
ma-neutralize ang isa sa mga most wanted sa bansa.
Sina Capt. Camarillo at Sgt. Balonga ay
bahagi po ng tinatawag na Task Force Minion na pinamunuan naman ng noo’y
pinuno ng 10th Infantry Division, at ngayon ay bagong Commanding
General ng Philippine Army, si Major General Eduardo Año.
Ang totoo nga: Isa rin si Major General
Año sa mga hindi natin kakilala. Wala tayong naaalalang pagkakataon na
nagbigay siya sa atin ng briefing man lang. Pero talaga namang napabilib
tayo sa mga nagawa at naiambag niya sa ating kasundaluhan. Pinamunuan
niya ang operasyon sa matagumpay na pag-aresto kay Jovito Palparan, sa
mag-asawang Tiamzon, at sa marami pang matataas na opisyal ng mga
rebeldeng grupo. Batid natin: Ang tagumpay na ito ay hindi dinaan sa
tsamba, bagkus sa mahusay na estratehiya at dedikasyong tugisin ang
masasamang elemento sa lipunan ni Major General Año.
Mahigit 30 taon na sa serbisyo ni Major
General Ed Año, kaya’t kompiyansa tayong sa malawak na karanasan ay
maipagpapatuloy niya, kundi man mahihigitan pa, ang positibong pagbabago
sa Hukbong Katihan. Tiwala tayong maipapamana niya sa mga kawal ang
sariling tatak ng propesyonalismong ipinapamalas niya. Naibigay na nga
po natin ang ating marching orders kay Major General Año, alam kong
hindi siya lilihis sa pagtupad sa misyong ito—ang pagsilbihan ang ating
mga Boss.
Iilan lang sina Manny Bautista, Larry
dela Cruz, Hernando Iriberri, at Ed Año sa mga patunay na talagang
de-kalibre ang mga pinunong naitatalaga natin para pangunahan ang ating
unipormadong hanay. Muli, talaga pong ako’y pinalad na makahanap ng mga
tapat at mahuhusay na pinuno ng atin pong buong kasundaluhan.
Malinaw naman po: Napakalayo na ng
kalagayan ng ating Sandatahang Lakas ngayon kumpara sa ating dinatnan.
Noon, nabahiran ng katiwalian ang inyong institusyon; habang
nagpapamudmod ng pabaon sa inyong mga heneral, kapiranggot at
kulang-kulang na benepisyo napupunta sa ating mga sundalo. Ang sabi ko
nga, kung sino pa’ng nagmamalasakit sa bayan, ay sila pa’ng kinakawawa
at pinapabayaan.
Kung babalikan ang kasaysayan, may
panahong binibigyan ng mabigat na misyon ang ating mga sundalo, nang
walang sapat na kagamitan. Kumbaga, pinalulusob sila sa giyera na kulang
ang ayuda at suporta. Hindi natin hinayaang manatili ang ganitong
kalakaran. Kaya naman nang una ko kayong makaharap noong 2010, tatlong
araw mula nang maupo tayo sa puwesto, nagbitiw ako ng salita: Sabihin
n’yo ang inyong lehitimong pangangailangan, at tutugunan natin ito.
Gaya ng panata ko: Sa Daang Matuwid,
walang maiiwan. Patunay dito ang pagtatalaga natin ng maaasahang mga
pinuno upang isakongkreto ang hangarin nating arugain ang unipormadong
hanay. Hindi naman posibleng matutukan ko at pagsabay-sabayin ang lahat;
kaya talagang nagpapasalamat ako sa mahuhusay ninyong pinuno na
nag-uulat ng inyong mga pangangailangan, at naglalatag ng solusyon sa
inyong mga problema.
Sa maayos namang ugnayan mula sa inyong
mga pinuno, non-commissioned officers, hanggang sa inyong mga sarhento
at private, patuloy ang modernisasyon at paglalatag natin ng programa
para sa inyong mga kawal. Sa hanay ng Philippine Army, ilan lang sa mga
isinusulong nating bilhin ang 47,560 units ng force protection
equipment, 2,884 units ng 40 mm grenade launchers, 66,439 assault
rifles, at 28 armored personnel carriers. Bukod pa rito, nariyan ang
pagkakaloob ng pabahay at ng dagdag na combat pay at subsistence
allowance, at ang paglalatag ng mga programang sisiguro sa kinabukasan
ng mga aktibo at retiradong sundalo. Sa lahat ng ito, makakaasa kayong
ang pondong para sa mga kawal ay hindi ninanakaw; sinusuklian natin ang
pagkalinga ninyo sa ating mamamayan, at binibigyan kayo ng sapat na
kakayahang tuparin ang inyong tungkulin.
Sulit naman po ang bawat kusing na ating
ipinupuhunan sa Sandatahang Lakas lalo pa’t pinapatunayan ninyong hindi
lamang kayo para sa mga operasyong militar. Bukod sa pagsugpo ng
masasamang elemento at pagtatanggol sa ating teritoryo, katuwang din
kayo sa pagpapaunlad ng ating mga komunidad. Nakiambag at patuloy nga
pong nakikipagtulungan ang Philippine Army, at ang iba pa nating
unipormadong hanay sa pagtatayo ng kinakailangang imprastraktura.
Halimbawa nito ang Basilan
Circumferential Road. Taong 2000 pang under construction, at sa tulong
ng ating mga kawal, ay malapit na nating makumpleto. Tumulong kayo sa
rehabilitasyon ng farm-to-market roads sa mga munisipalidad ng Iloilo at
sa pagpapaayos ng Gupitan Road sa Kapalong, Davao del Norte.
Nakikilahok din kayo sa mga serbisyong medikal, at sa paglalatag ng
livelihood programs sa mga komunidad na dating naiipit sa kaguluhan.
Bukod dito, ibayong sipag at malasakit din ang ipinamalas ninyo sa
pagresponde sa mga kababayan nating nasalanta ng kalamidad.
Halos isang taon na lang po ang natitira
bago tayo bumaba sa puwesto. Ang hangad natin: Magtuloy-tuloy ang
transpormasyong atin nang tinatamasa, upang ipamana sa susunod na
salinlahi ang bansang di-hamak na mas payapa at maunlad kaysa ating
dinatnan. Sa tulong ng ating kasundaluhan, sasagarin pa natin ang
natitirang panahon upang higit pang maghatid ng benepisyo sa ating mga
Boss. Sa susunod nga pong taon, muling haharap ang sambayanan sa
sangandaan. Ang atas at hamon ko sa ating unipormadong hanay: Siguruhin
ninyong magiging payapa at malinis ang pagpili ng ating mga kababayan ng
mga pinuno; sa bawat pagkakataon, mangibabaw nawa ang interes ng
sambayanan.
Malinaw po: Ang kapayapaan ay pundasyon
ng pangmatagalang kaunlaran sa ating bansa. Kompiyansa akong sa ilalim
ng bagong liderato ng Hukbong Katihan at ng ating Sandatahang Lakas,
patuloy na mabibigyang lakas ang ating mga sundalo bilang mga kawal ng
kapayapaan, at bilang kawal ng positibong pagbabago.
At gaya ng lagi kong idinidiin:
Karangalan kong maging Commander-in-Chief ng Sandatahang Lakas na buong
loob na isinasabuhay ang Kagitingan, Integridad, at Katapatan, para sa
kapwa at bansa.
Magandang araw po, maraming salamat sa inyong lahat.
http://www.gov.ph/
Article links:
http://www.gov.ph/2015/07/15/speech-aquino-army-change-of-command-mgen-ano/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home - Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------