From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
links: http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/08/pinagpapasasaan-ni-aquino-ang-kabang.html#more
Ituluy-tuloy ang protesta laban sa korapsyon at pork barrel ng rehimeng Aquino
Partido Komunista ng PilipinasAgosto 29, 2013
Translation: Sustain protests against Aquino regime’s corruption and pork barrel
Hinihikayat ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang sambayanang Pilipino na isustine ang kanilang mga aksyong protesta laban sa korapsyon at pork barrel ng rehimeng Aquino upang isulong ang kanilang demokratikong interes at mga karapatan at kagalingang pang-ekonomya.
Ang iginigiit ng sambayanang Pilipino na pagpawi sa buong sistema ng pork barrel ay nagiging mas kagyat sa harap ng naghuhumiyaw na pang-ekonomyang pagdarahop na kinatatangain ng pag-imbulog ng halaga ng mga batayang bilihin, mababang kita, malawakang kawalang-hanapbuhay, malaganap na kawalang-lupa at pangangamkam ng lupa at ng kawalan ng libreng serbisyong pangkalusugan, edukasyon at pabahay.
Ang malawakang demonstrasyon noong Agosto 26 sa Luneta ay isang malinaw na palatandaan ng tindi ng pagkasuklam ng sambayanang Pilipino sa rehimeng Aquino at sa naghaharing sistema ng korapsyon na kinakatawan at ipinagtatatanggol nito. Pinagsisiklab ang galit ng sambayanang Pilipino sa pag-abuso sa pondo ng pork barrel at pinagpupuyos din ng katotohanang hindi sinaklaw ng mga upisyal na pag-awdit ng Commission on Audit ang mga panahon sa ilalim ng rehimeng Aquino (2010-kasalukuyan), maging ang mga taon na ang pangkating Aquino at si Benigno Aquino III ay nakikipagmabutihan pa sa naghaharing rehimen noon ni Arroyo.
Sa pagmamatigas nitong ipagtanggol ang sistemang pork barrel para sa kongreso at Malacañang at pagkapalpak ng gimik nitong palitan lamang ng pangalan at pangakong repormahin ang sistemang pork barrel, lalo lamang nahihiwalay si Aquino sa mamamayan. Ang kumakalat na mga patawang pampalit sa pangalan ng Priority Development Assistance Fund ay malinaw na mampang-uyam na pagtatakwil sa lipas nang mga gimik ni Aquino.
Minamadali ni Aquino at ng kanyang tagalubid ng kasinungalingan sa midya na pakalmahin ang galit ng taumbayan. Sa desperadong pagtatangkang maliitin ang demonstrasyong Agosto 26 sa Luneta, malakas pa ang loob ng tagapagsalita ni Aquino na sabihin sa mga demonstrador noong Agosto 26 na "magkakampi tayo." Gayunpaman, marapat na itinakwil ng mga nag-organisa ng demonstrasyon sa Luneta ang sinabi ng Malacañang sa pagtukoy ng hubad na katotohanang puspusang ipinagtatanggol ni Aquino ang sistemang pork barrel.
Sa pag-asang ilayo ang galit ng bayan kay Aquino at lunurin ang hiling ng taumbayang tanggalin ang trilyong pisong discretionary fund ni Aquino, plinano ng Malacañang ang dramang Napoles na sumasamantala sa galit ng publiko sa napakaluhong pamumuhay ng mga Napoles kung saan ang yaman ay pinaniniwalaang nakuha mula sa mga korap na pakikipag-aregluhan sa mga kongresista at mga senador.
Iniutos ng Malacañang ang pagsasampa ng kasong iligal na pagdetine laban kay Napoles. Sinundan ito ng ilang araw na operasyong "pagtugis" at ang pag-anunsyo ni Aquino ng P10-milyon pabuya na kumuha ng atensyon ng publiko, na nauwi lamang sa labis na nakatatawang "pagsuko" ni Janet Lim Napoles kay Aquino mismo. Sa krudong pagpapamalas ng pulitikal na akomodasyon, si Napoles ay dinala mismo ni Aquino, kasama ng matataas niyang upisyal, sa Malacañang at pagkatapos ay inihatid sa pambansang punong himpilan ng pulisya sa Camp Crame (sa halip na sa isang kulungan sa lunsod kung saan siya sinampahan ng kaso.)
Sa nakaraang ilang araw, kitang-kita kung papaanong madaling mapikon si Aquino at ang mga PR manager niya sa harap ng mga pagdududang ang mga Aquino at ang pangkating Aquino ay may transaksyon kay Napoles noong nakaraan kabilang ang paghingi ng tulong sa kanya para sa kampanya ni Aquino noong 2010.
Inilantad ng isyung pork barrel sa sambayanang Pilipino na hindi malinis ang gubyerno ng rehimeng Aquino gaya ng ipinagmamalaki nito. Buong sigasig na ipinagtatanggol ng rehimeng Aquino ang sistemang pork barrel dahil krusyal na instrumento ito para imantine ang katatagan ng reaksyunaryong naghaharing sistemang pulitikal at mapanatili ang mapang-aping malakolonyal at malapyudal na sistema laban sa sambayanang Pilipino.
Ang paggigiit na tanggalin ang sistemang pork barrel ay mahigpit na nakaugnay sa hiling ng sambayanang Pilipino na wakasan ang awtomatikong paglalaan ng pondo para sa pagbabayad ng utang at sa pagpapalaki ng alokasyon sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Iginigiit nilang wakasan ang patakaran ng pribatisasyon at deregulasyon at ang programa ng rehimen na Public-Private Partnership na nagsasailalim sa krusyal na serbisyo publiko sa kapritso ng malalaking dayuhan at lokal na katuwang sa negosyo ng mga Aquino. Iginigiit nila ang murang serbisyong pabahay at ang pagwawakas sa kampanyang demolisyon ng mga komunidad ng maralitang lunsod para ilaan ang mga pangunahing lupain para sa malalaking interes na pangnegosyo. Iginigiit nila ang pagtataas ng sahod at ang pagwawakas sa mga mapang-abusong mga patakaran sa paggawa. Iginigiit nila ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Dapat magpunyagi ang sambayanang Pilipino at isustine ang kanilang protesta laban sa sistemang pork barrel at ituon ang pinakamtinding bira laban sa naghaharing rehimeng Aquino na kasalukuyang nagsisilbi bilang pinakamalaking nakikinabang sa korapsyon at pinakamatibay na tagapagtanggol ng sistema.
links:
http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/08/ituluy-tuloy-ang-protesta-laban-sa.html#more
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------