Ads 468x60px

twitterfacebookgoogle pluslinkedinrss feedemail

Friday, August 9, 2013

Mga katutubong tumututol sa malalaking minahan, pinapatay ng mga pwersa sa seguridad ni Aquino -- NDFP


From the Website of PRWC CPP-NPA-NDF
links:  http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/08/mga-katutubong-tumututol-sa-malalaking.html


Mga katutubong tumututol sa malalaking minahan, pinapatay ng mga pwersa sa seguridad ni Aquino -- NDFP

Luis Jalandoni
Chairperson
NDFP Negotiating Panel

August 7, 2013
Translation: Tribals opposing big mining killed by Aquino security forces – NDFP

Inilalabas ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines ang kalakip na pahayag ng konsultant ng NDFP na si ALAN JAZMINES na myembro ng Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms (RWC SER).

May mga kongkretong datos ang kanyang pahayag para pasinungalingan ang mga alegasyon ni Edgar Dayanghirang ng RWC SER ng GPH. Binaybay ni Jazmines sa kanyang pahayag ang maraming halimbawa ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga lider-katutubo at sa kanilang mga pamilya ng Armed Forces of the Philippines at ng mga pwersang paramilitar nito.

Idinetine ng gubyernong Aquino si Jazmines mula pa noong 14 Pebrero 2011, na lansakang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Patuloy na iginigiit ng NDFP ang pagpapalaya kay Jazmines at iba pang nakadetineng konsultant ng NDFP.


------------------


Hinggil sa pakikibaka ng mga pambansang minorya sa kanilang lupang ninuno at ang pakikibaka para sa repormang agraryo


Ni ALAN JAZMINES
Detenidong konsultant pangkapayapaan ng NDFP
Kasapi ng komite ng NDFP sa negosasyon sa repormang sosyo-ekonomiko (RWC/SER)
07 August 2013

Si Edgar Dayanghirang, pinuno ng panig ng kasalukuyang gubyerno ng Pilipinas sa Reciprocal Working Committees on Socio-Economic Reforms (GPH-NDF RWCs on SER) ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas - National Democratic Front of the Philippines, ay lumabas, na kundi man lubusang nagsisinungaling o kaya'y walang nalalaman, o kumbinasyon nito, sa kanyang pahayag sa midya sa isang panayam noong Sabado sa istasyon ng radyong DZRH.

Ipinahayag ni Dayanghirang na pinapatay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga pambansang minorya kahit kabaligtaran nito ang katotohanan -- na ang regular at paramilitar na mga pwersa reaksyunaryong Armed Forces of the Philippines (AFP) ang walang-habas na pumapatay sa mga pambansang minorya, laluna sa mga lider nila at mga nagtatanggol sa kanilang komunidad at mga karapatan, at nagpapatupad ng lansakang paglabag sa mga karapatang-tao laban sa kanila.

Katunayan, ang NDFP/BHB (sa panig ng armadong rebolusyonaryong kilusan) at ang KARAPATAN (sa panig naman ng ligal na kilusang nakikibaka para sa karapatang-tao at iba pang layunin), ay may inilalabas na mga kongkretong datos na naglalantad sa kalupitan na kaliwa't kanang ipinalalasap ng mga pasistang militar at pwersang paramilitar. Ang sumusunod ay ilan lamang sa kalupitang ginawa laban sa pambansang minorya sa Mindanao lamang:

Noong 29 Enero 2013, si Kitari Capion, isang kilala at respetadong lider ng Red Pangayaw ng tribung B'laan, isang pantribung kilusan ng mga B'laan na lumalaban sa mapangwasak na malalaking dayuhang pagmimina (sa partikular ang Xstrata-Sagittarius Mining Incorporated) na lumalamon at nangwawasak ng lupaing ninuno ng mga tribu, ay pinatay ng magkakasanib na elemento ng 27th at 39th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga pwersang paramilitar nito, na nagkokondukta na operasyong panseguridad sa lugar. Tinamaan ng bala sa ulo si Kitari Capion nang paulanan ng bala ang kanyang bahay ng mga nag-ooperasyong sundalo at mga pwersang paramilitar nila. Dinala siya ng kanyang pamilya sa ospital subalit di na umabot na buhay.

Iprinotesta ng mga Kimlawis, ng komunidad ni Capion at ng may 150 iba pang B'laan sa Kiblawan, Davao del Sur ang malupit na pag-atake sa tahanan ng pamilya ni Kitari Capion at ang pagpatay sa ama ng pamilya. Iprinotesta rin ng mga B'laan ng Kimlawis ang naunang walang-awang pagpatay sa iba pang myembro ng pamilya Capion, partikular sa kapatid ni Kitari na si Daguil na isa ring kilala at respestadong lider ng Red Pangayaw ng B'laan at nangungunang tumututol laban sa mapangwasak na dayuhang malaking kumpanyang Xstrata-Sagittarius Mining Incorporated sa lupang ninuno ng mga B'laan. (Para galitin ang pambansang minoryang Lumad kung saan kabilang ang B'laan, sa panahon ng buwan ng mga Lumad, nireyd ng Bravo Company ng 27th IB sa pamumuno ni 1st Lt. Dante Jimenez ang tahanan ng kapatid ni Kitari na si Daguil Capion para siya'y arestuhin at nang hindi matagpuan doon, dinakip ang kanyang asawang si Juvy na dalawang buwang buntis pati ang kanilang anak na sina Jan-jan, 7, at si Jorge, 11 at tinortyur ang mga ito at walang awang pinatay ang mga ito sa harap ng mga tao sa komunidad ng Kimlawis. Inatake rin at nasaktan ang isa niyang anak na babaeng si Juvicky at isa pang kamag-anak na babae).

Muling iginiit ng buong komunidad ng B'laan sa Kimlawis ang malaon nang kahilingan para sa pagpapalyas sa kanilang lupang ninuno ng Task Force KITACOM (na binubuo ng 27th IB PA, 39th IB PA at mga pwersang paramilitar nila), na nag-ooperasyon sa lugar at naghahasik ng karahasan sa komunidad ng B'laan para sa proteksyon ng mapangwasak ng dayuhang malaking kumpanya sa pagmimina na pinagsisilbihan nila.

Mas lalo pang pinagbantaan ang mga B'laan ng Task Force KITACOM at di pinansin ng gubyerno. Kaya pwersado nilang nilisan ang kanilang mga tahanan at kominidad noong 01 Enero ngayong taon. Samantala, hindi natitinag ang Task Force KITACOM at ang pinagsisilbihan nilang malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina sa kanilang mga operasyon laban sa mga B'laan at sa kanilang pagsasamantala at pagwasak sa lupang ninuno ng mga B'laan.

Sumusunod ang mga ekstrahudsyal na pamamaslang ng militar at mga pwersang paramilitar ng rehimeng Aquino sa pambansang minorya sa Mindanao lamang:

Gilbert Paborada, isang katutubong lider na Higaonon, pinatay noong 3 Oktubre 2012 sa Opol, Misamis Oriental dahil sa pamumuno sa kapwa niya Higaonon sa paglaban sa ekspansyon ng plantasyon ng palm ng A. Brown Oil, na magresulta sa pangangamkam ng kanilang lupang ninuno.

Genesis Ambason, isang katutubong lider na Banuaon, pinatay noong 13 Setyembre 2012 sa San Luis, Agusan del Sur, dahil sa pamumuno sa paglaban ng kapwa niya Banuaon sa mapangwasak na eksplorasyon ng Malampay Mining sa kanilang lupang ninuno.

Jordan Manda, isang katutubong batang Subanen, pinatay noong 1 Agosto 2012 sa Bayog, Zamboanga del Sur, na biktima ng pagganti sa pagtutol ng mga Subanen sa ekspansyon ng Toronto Ventures, Inc. ng operasyon ng pagmimina nito para saklawin ang mas malaking bahagi ng lupang ninuno ng mga Subanen.

Totong Mabinsi, isang katutubong magsasakang Dibabawon,  ekstrahudisyal na pinaslang noong 22 Hulyo 2012 sa Laak, Compostela Valley, dahil sa bintang na siya ay mandirigma ng BHB kahit siya'y isa lamang karaniwang magsasaka.

Jimmy Laguyon, isang katutubong lider na Matigsalog, pinatay noong 5 Marso 2012 sa San Fernando, Bukidnon, dahil sa pagtangging pahintulutan ang malawakang pagmimina sa lupang ninuno ng Matigsalog.

Dioguino Scuadro, isang katutubong Tagakaolo, pinatay noong 4 Agosto 2011 sa Barangay Ticulan, Malita, Davao del Sur, sa pagiging nangungunang tagapagtaguyod ng paglaban ng mga Tagakaolos sa mapangwasak na pagmimina ng Xstrata-Sagittarius Mining Incorporated sa lupang ninuno ng mga Tagakaolo -- tulad ng mga Capion ng mga B'laan.

Arpe Datu Lapugotan Belayong at Solte San-ogan, kapwa katutubong lider na Higaonon, pinatay noong 30 Hunyo 2011 sa Esperanza, Agusan del Sur dahil sa pamumuno sa paglaban ng mga Higaonon sa mapangwasak na malakihang pagtotroso at pagmimina sa lupaing ninuno ng mga Higaonon.

Ruben Gatong, Itik Auwisan, Nicomedes dela Peña, Sr. at Nicomedes dela Peña, Jr., mga katutubo na Matigsalog, pinatay noong 27 Abril 2011 dahil sa kanilang paglaban sa mapangwasak na malawakang eksplorasyon ng mina sa lupaing ninuno ng Matigsalog.

Florita Caya, isa pang katutubong lider na kontra sa malawakang pagmimina, pinatay noong 27 Abril 2011 sa Monkayo, Compostela Valley dahil sa pagtutol sa operasyon ng mapangwasak na pagmimina sa kanilang lupaing ninuno.

Rudyrick Dejos at Ruby Dejos, mga katutubong B'laan, pinatay noong 27 Pebrero 2011 dahil sa kanilang aktibong pag-oorganisa ng mga magsasakang B'laan sa kanilang lupaing ninuno.

Ilampung katutubong Lumad na ang pinatay sa pagsisimula ng rehimeng Aquino noong Hunyo 2010 hanggang ngayon dahil sa paglaban sa pangangamkam at pangwawasak sa kanilang lupaing ninuno.

Habang ang mapangwasak na malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina, pagtotroso at iba pang mapanghuthot na interes at ang papet na militar at paramilitar ang aktwal na nangangamkam, nagsasamantala at nangwawasak sa lupaing ninuno ng mga pambansang minorya sa bansa, at sa kabilang banda, ang NDFP/BHB ang sumusuporta sa kanilang pakikibaka para sa pag-angkin sa kanilang lupang ninuno at sa iba pa nilang mga karapatan, dinagdagan pa ni Dayanghirang ang kanyang mga kasinungalingang isinusulong ng NDFP/BHB ang pag-aari ng estado sa lahat ng lupain.

Talagang sinungaling si Dayanghirang o talagang walang-muwang, o kumbinasyon nito. Puspusang itinataguyod at itinutulak ng NDFP/BHB ang tunay na reporma sa lupa, simula sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal at sa mga pambansang minorya na siyang tunany na nagmamay-ari ng mga lupain at hindi ang mga pyudal na panginoong maylupa, mga kapitalista at/o estado; sa kooperatibisasyon ng paggawa, pangangasiwa at produksyon ng lupa; at sa komunal na pag-aari ng mga lupain. Sa kanyang pagsasabing ang layunin at magiging resulta nito ay ang pagmamay-ari ng estado sa lupain ay isang ganap na kasinungalingan.

Kami, sa panig ng GPH-NDFP RWCs on SER ng NDFP, ay mahigpit na nagmumungkahi na seryosong basahin ni Dayanghirang ang panukala ng NDFP para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) (Komprehensibong Kasunduan sa mga Repormang Panlipunan at Pang-ekonomya), na malaon nang isinumite sa panel ng GPH sa usapang pangkapayapaan. Sa mga katotohanan at datos na ito namin ibinabatay ang aming palitan at mga komentrayo at hindi sa kasinungalingan, kawalang-muwang, o kumbinasyon nito.






links:

http://theprwcblogs.blogspot.com/2013/08/mga-katutubong-tumututol-sa-malalaking.html






OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES


Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights



PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------